"huwag kang matakot, 'di mo ba alam nandito lang ako..."
— huwag kang matakot, eraserheads.
31. Surprise!
---
INAAMIN kong naestatuwa muna ako bago tuluyang makalapit sa kaniya. Pagkaabot sa distansiya namin, suot-suot pa rin ang ngiti niya, tinanggap ko ang pamilyar na helmet. Ito 'yung ginagamit ko dati.
"Sa susunod Jero, 'wag mo nang pakinggan si Nanay ko," usal ko bago isuot ang helmet na inabot niya. "Kaya ko namang umuwi mag-isa, hindi na kailangang sunduin."
Narinig ko siyang humagikhik. Bahagyang tumaas ang kilay ko. "Ganda sa tainga ng pangalan ko pero Inggo na lang, para namang iba ka," sagot niya na mas lalong nagpakunot sa noo ko. "Tara na."
Doon ko na-realize kung anong ginagawa ko. Unang-una, bakit ba ako aangkas sa kaniya? Kasasabi ko lang na kaya kong umuwi mag-isa at pangalawa, hindi na dapat ako nag-aaksaya ng laway at oras ko sa pakikipag-usap sa kaniya.
Parang walang nangyari, ah.
Sa sobrang inis, tinanggal ko mula sa pagkakasuot ang helmet saka inilapag ito sa upuan. Hindi ko na siya hinintay na umangal, tumalikod na ako at dire-diretsong naglakad papunta sa roadside para makapag-para ng masasakyang jeep.
Ang kaso, sa dami ba naman ng oras kaninang umaga para umulan, ngayon pa bumuhos.
"Mababasa ka, Juls!" rinig kong sigaw niya mula sa parking. "Tara, silong muna tayo!"
Kahit hindi ko siya nakikita, alam kong tumatakbo na siya papunta sa shed kung saan ako dapat naghihintay ng jeep ngayon. Wala na akong ibang nagawa kundi ang sumilong na rin, ayoko namang mabasa at maging basang sisiw sa kalsada.
"Buti na lang pala hindi ka sumakay kaagad," aniya habang nagpupunas ng buhok. "Naabutan siguro tayo sa daan." Mahina siyang humagikhik.
Hindi ako sumagot. Nanatili akong nakahalukipkip habang pinapanood ang mga sasakyang lumalagpas sa amin. Suminghap ako bago magdesisyong umupo muna. Nararamdaman kong pinapanood niya ako habang ginagawa ko iyon.
"Ay, jusko!"
Ang tanda ko na para matakot pa sa kulog. Narinig ko ang mahinang pagtawa niya kaya agad ko siyang nilingon.
"'Wag kang matakot," aniya. "Kasama mo naman ako, ah." Ngumiti siya.
Iniwas ko ang tingin ko. "Hindi ako takot, nagulat lang, magkaiba 'yon."
Humagikhik ulit siya. Bakit ba tawa siya ng tawa? Anong trip niya?
At sinasadya niya ba talagang kanta ng Eraserheads 'yon?
"Matagal pa 'to," bulong niya. "Purnada na naman gig neto." Bahagya pa siyang humawak sa batok niya.
"Nag-gi-gig ka?" singit ko. Alam ko namang hindi niya ako kinakausap pero gusto ko lang malaman kung nakakaistorbo na ako.
Kung may gig pala siya ngayon, sana iyon na lang ang inuna niya.
Tumango siya. "Narinig mo pala," aniya. "Oo, kaso baka hindi na matuloy. Hindi rin siguro makakapunta sila Manuel, kaya malamang purnada rin." Bumuntong-hininga siya.
![](https://img.wattpad.com/cover/229867676-288-k449449.jpg)
BINABASA MO ANG
Sa Susunod Na Lang
HumorInspired by Eraserheads. Paasa. Update ng favorite mong author sa Wattpad. Crush mong pina-fall ka. 'Yung maliligo ka na sa ulan kaso hindi bumuhos. 'Yung maaabot mo na kaso biglang nawala. Pag-ibig na, naging bato pa. Pero anong magagawa natin? Sa...