23.

24 6 0
                                    

"but then i knew all along that anything could go wrong."

- fill her, eraserheads.

23. Wasak

---

BINALIK ko ang papel na binigay niya sa akin. Ngumiti, pekeng ngiti. Tapos tumalikod na lang ako para humakbang nang mabilis. Lakad-takbo hanggang sa kasabay na ito ng mga luhang bumabasa sa pisngi ko.

Hindi ako makapaniwala.

At hindi ko alam kung paano ako mapapaniwala.

Pero ang alam ko lang . . . ang sakit.

Sobrang sakit.

Hindi ako dumiretso sa bahay. Habang yakap-yakap ko ang dalawang tuhod, pinasadahan ko ang loob ng abandonadong bahay ni Lola Nena.

"Ang mga lalaki, pare-parehas lang 'yan. Aamuhin ka, susuyuin, tapos isang araw biglang . . . wala na, ayaw na niya sa 'yo."

Nagtakip ako ng bibig baka sakaling marinig nila Nanay ang hagulgol ko sa kabila. Umuulan, bahagya akong lumipat ng puwesto dahil sa tumutulong tubig galing sa butas na bubong. Naninikip ang dibdib ko.

May anak siya. Kaya pala nandito sa Piloan, may tinatakasan siyang responsibilidad. May hindi siya pinanagutan. May sinaktan siyang babae. At may iniwan siyang bata.

Tama pala ako simula pa lang. Masama siyang tao. Sana hindi ako nagpa-uto at hindi na lang siya pinagtuunan ng pansin. Ang sama niya, sobra.

Wala siyang awa.

"Sa'n ka galing? Bakit ganiyan 'yang mata mo at bakit basang-basa ka?" Tinuro pa ni Rowena ang mukha ko. "Anak ng - anong nangyari?" Lumapit siya sa akin, hinawakan ako sa balikat.

"Huwag kang maingay baka marinig ka." Nilagpasan ko siya, dumiretso sa aparador para kumuha ng damit.

Nagulat ako nang marinig ang hikbi niya. "Ano ba kasing nangyari?" Sumisinghot-singhot pa siya nang lingunin ko.

Pinunasan ko ang magkabilang pisngi. Nag-iwas ako ng tingin nang tumayo siya para lumapit sa direksiyon ko.

"Huy," nag-aalalang tanong niya. "Anong nangyari?" Pinilit niya iharap ako sa kaniya.

"Insan..." Niyakap ko siya. Mabilis na nabasa ang damit niya dahil sa luha ko.

"Ano nga kasi?" may inis na sa boses niya. Magkasalubong ang dalawa niyang kilay habang nakatingin sa akin, naghihintay sa isasagot ko.

"May..." usal ko, ni hindi ko mabitawan. "Sa Manila, may..."

Niyugyog na niya ang balikat ko. "Ano nga?! Sabihin mo na kasi!"

"May anak siya."

Ilang segundong patak ng ulan lang ang narinig namin.

"Ano?!" Tinakpan ko ang bibig niya kahit hinang-hina ako. "Anong sabi mo?" bakas ang gulat sa mukha niya.

Napatungo ako bago siya lagpasan. Umupo ako sa kama, wala pa ring tigil sa paghikbi pero pinipilit kong pahinain para hindi ako marinig ni Nanay o ng iba ko pang mga pinsan.

Sa Susunod Na LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon