26

51 4 0
                                        

Vynette Alicia's POV

Ilang buwan na ba ang nakalipas simula noong magising ako na walang maalala sa nakaraan ko? Tatlo? Anim? Sa mga panahong iyon ay tanging si Emeline lamang ang nasa tabi ko at hindi niya ako pinabayaan. Pinagkatiwalaan niya ako't ni hindi pinagdudahan kahit hindi niya ako kilala. Ginabayan niya ako sa mundong ito, ilang beses sinagip mula sa katangahan ko.

Pero bakit sa pagkakataong ito... bakit sa pagkakataong ito ay hindi ko man lang siya nagawang iligtas? Bakit wala man lang akong nagawa? Bakit wala na naman akong nagawa?

Hindi ko na nga siya nagawang protektahan noon, pati ba naman ngayon? Bakit ayaw akong payagan ng tadhanang makabawi sa kaniya? Bakit tila ayaw ng tadhanang maprotektahan ko siya? Masama bang hangarin ang kaligtasan ng taong mahalaga sa iyo?

Bakit ba kasi ang hina-hina ko? Hanggang kailan ako magiging ganito? Hanggang kailan hindi magiging sapat ang kapangyarihan at kakayahan ko para maprotektahan at mailigtas ang mga mahal ko?

Si Emeline... nangako ako sa sarili kong gagawin ko ang lahat para maprotektahan siya pero bakit paulit-ulit na lang akong binibigo ng sarili ko? Bakit ako ganito?!

"Vynette Alicia..."

Huh? Ang boses na iyon.

"Vynette Alicia..."

May tumatawag sa akin. Sino ka?

"Vynette Alicia, please open your eyes."

Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko at bumungad sa akin ang isang madilim na silid. Nasaan ako? Si Emeline?

Inilibot ko ang paningin sa paligid pero wala akong ibang makita kundi ang kadiliman at ang tanging kinaroroonan ko lamang ang may sapat na liwanag. T-teka!

B-bakit—bakit pakiramdam ko ay lumulutang ako?

Sinubukan kong ihakbang ang aking mga paa pero agad na may pumigil dito. Ano ito?

Nasilayan ko ang aking mga kamay at nanlaki ang mga mata ko nang makita kung gaano na ito kaputla. Nakasuot na rin ako ng kulay puting kasuotan. May mga nakakabit ding mga kung ano sa katawan ko na tila hinihigop ang buong lakas ko. Napamura ako sa aking isipan nang mapagtanto ang buong kalagayan ko.

N-nasa loob ako ng isang malaking cylinder na puno ng tubig?! Aquarium ba ito? P-paanong nakakahinga ako—

Wala sa sarili kong kinapa ang mukha ko at nahawakan ang isang oxygen mask. Anong nangyayari? Bakit ako nandito?

Nanlamig ako nang maalala ang huling eksena sa isip ko. Si Emeline, naliligo sa sarili niyang dugo!

Kailangan kong makalabas sa lalagyan na ito. Kailangan ako ni Emeline! Kailangan kong malaman ang kalagayan niya. Hindi pwedeng narito ako, kailangan ko siyang protektahan!

Agad kong hinawakan ang kinaroroonan kong gawa sa salamin at sinubukang itong itulak umaasang mabubuksan ito. Nang hindi ako nakuntento ay nagsimula ko nang pinaghahampas at pinagsusuntok ang salaming nagkukulong sa akin pero ayaw nitong mabasag. B-bakit—

Mas nilakasan ko ang paghampas at nagsimulang sumigaw. Pero imbes na sigaw ang lumabas sa bibig ko ay mga bubbles na kumakawala sa oxygen mask na agad ding naglalaho't pumuputok sa tubig. Hindi ko na iyon pinansin. Sa bawat sigaw ko ay siyang pagpwersa ko sa salamin.

Hindi man lang ito gumalaw, ni hindi ko man lang ito nagawang bigyan ng kahit anong gasgas. Nanlumo ako habang ramdam ang pag-iinit ng sulok ng aking mga mata.

Kailangan kong makalabas. Kailangan ako ni Emeline. Kung sana'y naging mas malakas na lang sana ako. Bakit ba hanggang ngayon ay ganito pa rin ako kahina?

YRRIAFADIA : A World of WizardsMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon