Vynette Alicia's POV
Bakit pakiramdam ko ay pinaglalaruan lang ako ng tadhana? Gusto ko lang namang makalaya. Hiling ko lang namang protektahan ang mga mahal ko. Hangad ko lang namang malaman ang totoong pagkatao ko pero bakit kailangang humantong pa sa ganito?
May atraso ba ako sa kapalaran? May ginawa ba akong hindi naman dapat sa nakaraan na hindi ko maalala?
"RON!" Muli kong pagtawag sa kaniya pero nanatili siyang walang malay. Pakiramdam ko ay dinadamayan ako ng langit sa aking pagkabigong makalaya habang ang lalaking sinubukan akong palayain ay kasalukuyang nag-aagaw-buhay...nang dahil sa akin.
Biglang kumidlat na sinundan ng isang dumadagundong na pagkulog. Mas bumagsik ang paghihinagpis ng kalawakan habang ang hangi'y tila ayaw paawat sa pag-ihip. Ano bang naging kasalanan ko?
Isa-isang nagsidatingan ang mga humahabol sa amin kanina at agad kaming pinalibutan. Kahit alam kong imposible ay pilit kong inaabot si Ron habang nakalugmok ang buong katawan ko sa lupa na naging putik na dahil sa ulan.
Kailangan ko ba talagang pagdaanan ang lahat ng ito para malaman kung sino ako?
Nagpumiglas ako nang maramdaman ang mga kamay nila sa aking balikat at pilit inilalayo sa katawan ng prinsipe. "No! No, let me go! He's hurt!"
Bakit? Bakit kailangan niya pang madamay?!
"Stop being stubborn, Miss Alicia." Natigil lamang ako nang maramdaman ang pagdating ng isang malakas na presensya. Wala sa sariling binalingan ko ang bagong dating.
Dahil sa hamog na naging dahilan kung bakit ang kulay sa paligid ay nagmistulang magkakahalong shades ng itim at abo, nangibabaw ang kulay pulang ternong suit na suot ng babae.
Malinis na nakatali ang kaniyang itim na buhok sa kaniyang likod. Sa paraan palang ng kaniyang tayo at tindig ay nagsusumigaw na ang karangyaan, kapangyarihan, at impluwensyang dala-dala niya.
Katabi nito ay isang seryosong lalaking siyang nakahawak ng payong para sa kaniya. Nakasuot ito ng malinis na unipormeng madalas suot ng mga butler na nakikita ko sa mga libro. Sino ang babaeng ito?
Bigla akong nahiya sa itsura kong parang basang sisiw nang titigan ako ng sopistikadang babae. Pero nang mapadaan ang tingin ko sa walang malay na katawan ni Ron ay tila nagkaroon ako muli ng lakas na magpumiglas.
Sa bawat paggalaw ko papalapit sa kaniya ay siyang mas paghigpit ng pagkakahawak nila sa akin. "Ron!" Sigaw ko.
Sumiklab ang isang napakapamilyar na pakiramdam sa aking sistema. Bumilis ang pagtibok ng aking puso at bumigat ang aking paghinga. Saglit na namanhid ang aking mga palad hanggang sa nakapaglabas ako ng isang pamilyar na liwanag.
Sa gulat ay agad silang napabitaw sa akin. Kumawala ako sa kanilang pagkakahawak at walang pag-aalinlangang dumeretso kay Ron. Nanginginig ang mga kamay kong humawak sa kaniyang katawan. Umihip ang hangin at nagsitindigan ang mga balahibo sa aking batok.
Sa sulok ng aking mga mata ay nakita ko ang akmang paglapit sa akin ng mga scientist pero agad silang sinenyasan ng nakapulang babae. Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi.
Hinawakan ko siya habang patuloy ang pagpatak ng luha sa aking mga mata. Muli akong nagliwanag na nagpabulag sa amin nang ilang segundo. Nakita ko kung paano lumilipat ang puting liwanag mula sa palad ko papunta sa katawan niya.
Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman habang pinagmamasdan ang unti-unting paghilom ng kaniyang mga sugat maging ang mga pasa sa katawan niya. Tumigil na rin ang pagdurugo ng kaniyang braso. Nanikip ang dibdib ko nang patakan ko ng mabilis na halik ang kaniyang pisngi.
BINABASA MO ANG
YRRIAFADIA : A World of Wizards
Fantasi[ON HIATUS]"Does it really take to lose your memories to forget who you really are?" Ten years ago, the Great War happened which almost led to the destruction of the Magic World. It threatened not only the lives and peace of the people but also the...
