32

39 4 0
                                        

"Master..."

Napalingon ako. Sumalubong sa akin ang isang mahabang pasilyo na ang tanging naroroon ay ang kadilimang tila inaanyayahan akong pumasok. Kahit walang kasiguraduhan kung ano ang nasa dulo niyon ay dahan-dahan ko pa ring inihakbang ang mga paa.

"Master..."

Iniangat ko ang kamay na may hawak na lampara upang mas maaninag ang aking dinaraanan. Nasaan ako? at bakit ako naririto?

Natigil ako sa paglalakad nang masilayan ang isang malaking larawan na nakasabit sa konkretong pader. Bahagyang nagniningning ang ginto nitong frame dahil sa kaunting liwanag na nagmumula sa lamparang hawak ko. Tinitigan kong mabuti ang babaeng nakapinta roon.

Ang pagkakaguhit at pagkakapinta sa larawan ay napakapino, napakamisteryoso't parang totoong tao na nakatanaw lamang sa isang gintong bintana.

Seryoso at malamig ang kaniyang mga matang tila sa akin nakatingin. Ang magkahalong puti at ginto nitong kasuotan ay mas nagpatingkad sa maputi at makinis nitong balat na tila isang porselanang maingat na hinulma upang magkatawang-tao.

Dumagdag rin sa kaniyang kagandahan ang tuwid at mahaba nitong kulay rosas na buhok na nakaayos gamit ang mga gintong palamuti't pang-ipit. Hindi ko mapigilang mapangha nang mapansin rin ang bilog na hugis sa itaas ng kaniyang ulo.

Hindi nga ako nagkakamali. Isa itong halo na tanging mga makakapangyarihang nilalang lamang ang nagkakaroon nito.

Habang nakamaang kong pinagmamasdan ang painting sa aking harapan, namataan ko sa gilid ng aking mga mata ang isa pang larawang natatabing ng kulay puting tela hindi kalayuan sa kinatatayuan ko. Dahil sa kuryosidad ay hindi ako nagdalawang-isip na lapitan ito upang alisin ang telang nagtatakip roon.

Buong akala ko ay isa rin itong obra maestra kagaya ng naunang larawan ngunit nang sandaling tanggalin ko ang tela roon ay bumungad sa akin ang isang malaking salamin.

Itinaas ko ang hawak na lampara upang mas makita nang maayos ang aking repleksyon. Saglit pa akong nabulag ng liwanag na tumama sa salamin. A-ano ito?

Nang magmulat ako ay namilog ang aking mga mata. Wala sa sariling nabitawan ang hawak na lampara sa pagkakagulat.

Tunog ng pagkabasag ang sunod kong narinig kasabay ng pagtalsik ng mga bubog sa kung saan. Agad namang kumalat sa marmol na sahig ang apoy galing sa nabasag na lampara na mas lalo lamang naglagablab dahilan para mas lalo kong masilayan ang aking repleksyon.

Napasinghap ako. Lumipad ang aking palad sa aking bibig at napahakbang paatras.

Bakit nakikita ko sa aking repleksyon ang babaeng nasa larawan kanina?!

I-imposible... ang aking repleksyon...

Napabalikwas ako mula sa pagkakahiga. Tagaktak ang pawis sa buo kong katawan at mabibigat ang aking paghinga. Natulala ako sa kawalan.

What the hell was that?

Kinapa ko ang dulo ng aking buhok at naghagilap ng salamin. Para naman akong nakahinga nang maluwag nang masilayan ang aking itim na buhok maging ang normal kong mga matang may bahid pa ng pag-aalala.

"Dream?" Agad akong napalingon sa sofang nasa gilid ng kama at nakita ko roon si Miss Plume na mukhang kanina pa niya ako pinagmamasdan. Kumalansing ang kutsarang pinanghahalo niya sa hawak na tasa ng tsaa.

Napahiga akong muli sa kama at napabuntong-hininga. "Is that the same dream again?"

"Anong ginagawa mo rito?" Pag-iiba ko sa usapan. Napangisi naman siya saka ipinatong ang tasa sa kaharap na lamesa bago bumaling sa akin.

YRRIAFADIA : A World of WizardsMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon