KATAMARANTADUHAN 31

46 16 7
                                    

September 13, 2019
Hoy Diablox,

Kagagaling ko lang sa lakad ko. Wala kaming pasok kanina dahil piyesta ng bayan ngayon. Nakipagkita na lang ako kay Jeremae at naglibot kami sa kalapit lang na bayan.

“Sige na tito, pahiramin mo na ako ng motor,” pagmamakaawa ko pero tawa lang nang tawa si Tito Davis at si Tita Coreen.

“Saan ka nga kasi pupunta? Alam mo namang may piyesta, maraming sasakyan ang magsisiliparan ngayon,” giit naman ni Tito. Alas otso na ng umaga at naghahanda na sila para umalis papunta sa kanilang trabaho.

“May lakad kayo ni Jeremae?” tila nanunuksong saad ni tita habang binibigyan si tito ng makahulugang tingin. Pinagkakaisahan na naman nila ako.

“Opo,” nag-aalanagan kong sabi. Baka kasi iba ang isipin nila. “Kasama rin sina Ripoc,” dagdag ko pa.

“Oh sige. Linisin mo muna iyon. Pagkatapos, papayagan kitang gamitin ang motor. Ngayong araw lang, wala na munang susunod,” wika ni tito.umapit ako sa kanila at niyakap sila gaya ng palagi kong ginagawa kapag nagpapasalamat. Ibang-iba talaga ako sa bahay at sa campus.

Nang makaalis na sina tito, agad kong nilinisan ang motor saka naghanda. Simpleng white shirt lang na may maliit na print ang suot ko na magsisilbing panloob sa paborito at gamit na gamit kong black jacket. Inihanda ko rin ang pera na ipambibili ko ng regalo para kay Jeremae. Inabunuhan na iyon nina tita bilang regalo na rin.

“Be ready, I'm on my way,” I texted.

Hindi na muna ako dumiretso sa kanila. Sa halip, nagpunta muna ako sa bayan para bilhan siya ng regalo. Hindi na ako bumili ng wrapper, paper bag na lang.

Kakalabas ko lang sa department store nang may mag-text, si Jeremae.

“Ak4la k0 ba y0u'Re oN y0ur w4y n4, as4n? Sc4mMer k4 gHoRl?”

Hindi na ako nagtagal pa at nagtungo na nga sa bahay nina Jeremae. Malayo pa man ay tanaw ko na siya sa labas ng kanilang gate.

Her simplicity in the way she dress makes her even beautiful. Dagdag points na rin at medyo natututo na siyang manamit ng maayos.

“Ang tagal mo. Alam mo bang halos madisgrasya na ang mga sasakyang nagsisidaanan dahil nakikita nila ang kagandahan ko? Napapako ang tingin nila sa akin at hindi makapag-focus sa daan.” Napailing na lang ako sa kaniyang sinabi.

“Asan si mama at papa? P'wede bang magpaalam muna tayo?” tanong ko sa kaniya nang bumaba ako sa may sasakyan. Iniwan ko lang ang regalo ko na sa tingin ko ay hindi niya napapansin kahit pa halos tuklawin na lang siya nito.

“Nasa loob, tara?”

Hindi na ako nagpadala pa sa kaba at sinamahan siya sa pagpasok. Naabutan ko ang kaniyang ama na nagkakakape sa may kalumaan nilang mesa samantalang ang ina niya ay inaayos ang mga stuffed toys sa inaanay na nilang divider. Napakasimple lang ng pamumuhay nila. Simple pero kompleto sila. Sana lahat.

“Jeremae, hindi mo naman sinabi na may bisita ka pala,” saad ng ama nito saka tumayo at lumapit sa amin. Maging ang kaniyang ina ay naglakad din palapit sa amin.

“Ah tay, ito nga po pala si Alron. Siya 'yong kinukuwento ko sa inyo,” saad ni Jeremae sanhi para mapatingin sa akin ang kaniyang ama. Bakas na sa mukha nito ang katandaan pero napanatili nito ang hulma ng kaniyang katawan.

“Ikaw pala si Alron. Tama nga si Jeremae, may itsura ka nga,” pagsisimula ng tatay niya. “Naku, pagpasensiyahan mo na ang bahay namin ah. Pasensiya rin kung wala kaming maiaalok sa inyo.”

Diary Ng Lalaking Tamad Mag-aral (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon