KATAMARANTADUHAN 39: Inserted Page 1

42 14 1
                                    

Dear Diablox,

Hello po, Diablox. Nabasa ko sa mga entry ni Alron na Diablox ang tawag niya sa 'yo kaya iyon din ang itatawag ko. Sana lahat nahahawakan at naiipit ni Alron. Chos!

Una sa lahat, nais kong magpakilala. Ako nga pala si Jeremae, ang girlfriend ni Alron na pinagtaksilan siya—ang pagkakaalam niya.

Gusto kong gawing nakakatawa ang entry na ito dahil alam kong malungkot siya. Kaya lang, sa oras na ibalik kita sa kaniya baka hindi niya basahin ang isinusulat ko rito. Baka nga hindi niya rin ito tanggapin. Pressured ako sa pagsusulat dito dahil may mga english words si Alron. Shemay poo-die, stress ang bolbits ng lola mo.

NAGSINUNGALING AKO.

Hindi totoong hindi ko siya mahal dahil ang totoo niyan, mahal na mahal ko siya. N'ong oras na ipinapamukha ko sa kaniya na mas gusto ko si Maru kaysa sa kaniya, dahan-dahan ako n'ong pinapatay sa kaloob-looban ko.

Magulo 'no? Magulo talaga ako gaya ng buhok sa kili-kili na binudburan ng tawas.

MAY MGA RASON AKO.

Sobrang hirap para sa akin na ipagkait kay Alron ang katotohanan. Pakiramdam niya talaga ay ginago ko siya pero hindi talaga. Nagmumukha akong masama sa kaniya pero ayos na rin dahil para rin naman ang lahat ng ginawa ko sa kaniya.

N'ong araw na tinanong niya ako kung nag-uusap ba kami ni Heysel, sinabi kong hindi. Pero dahil nala-Pinocchio ang peg ng gaga, nagsinungaling ako.

Minsang nagtagpo ang landas namin ni Heysel. Nakatingin siya sa akin at pakiramdam ko nanliliit ako sa mga tingin niya. Tumatawa pa ito na batid kong ginagawa niya iyon para iniisin ako.

Baduy kasi ako. Si Alron lang naman ang nakaka-appreciate sa kung paano ako manamit at bilang tao.

“Hey cheap girl! Ano, natikman mo na ba si Alron? Knowing you, napakalandi mo!” Akala ko matalino si Heysel pero bonak pala ito. Paano ko matitikman si Alron, pagkain ba siya? Oo masarap si Alron sa paningin ko pero hindi ako malandi!

“Wala akong oras para sa kagagahan mo,” saad ko at binangga siya. Boy, may putok si Heysel.

“Kinakausap kita kaya huwag kang aalis!” Hinawakan niya ang kamay ko at pinisil ito. Sobrang sakit ng pagkakapisil niya. Parang kepyas na binubugbog.

“Desisyon ka girl?” Tinarayan ko siya at tinanggal ang kamay niya. Itinulak ko rin siya palayo sa akin.

“Hoy baduy! Huwag mo nga akong angasan!” saad niya sabay duro sa akin. “Baka nakakalimutan mo, I am a consistent honor student at ni hinliliit ko ay 'di mo kayang pantayan!”

“Wala akong balak pantayan ka,” tugon ko. “Isa pa, pake ko kung honor ka. Sa totoo lang, wala kang ipinagkaiba sa tulad kong mahina sa klase. Kasi, matalino ka nga pero hindi mo kayang magpakatao.” Tumalikod ako at hahakbang na sana kaya lang biglaan niya akong sinabunutan at idinikit ang tainga ko sa bibig niyang mabaho.

“Ito'ng tatandaan mo, bobo ka at hindi kayo bagay ni Alron!” Patulak niyang binitawan ang pagkakahawak sa buhok ko.

Inayos ko ang buhok ko. Tinitigan ko si Heysel ng masama at hindi ko inaasahan ang susunod niyang gagawin.

“Cardiffians! This cheap idiot girl is flirting Alron!” pag-anunsiyo niya sa mga estudyanteng dumaraan. Kahit kaunti, nakaramdam ako ng hiya dahil sa paraan nila ng pagtingin sa akin. “Hindi na siya nahiya. Alam niyo bang bobo 'yang babaeng 'yan at ang alam lang gawin ay mangharot? Tingnan niyo pa 'yong pananamit niya. Ew!” pinagtawanan ako ng ibang estudyante at ang iba ay parang nagchi-chismisan pa. Mabilis akong naglakad palayo habang pinupunasan ang mga luhang bigla na lang tumulo.

Napaka-isip bata ni Heysel para gawin iyon sa akin. Kaya kong makipagsagutan sa kaniya kasi minsan talaga 'tong bibig ko ay parang naghihingalong pipe dahil sa balang hindi maubos-ubos.

Hindi ko rin iyon inaasahan dahil akala ko sa mga palabas lang iyon nangyayari at sa mukha ni Heysel, hindi mo aakalaing demonyita pala ang nasa kaloob-looban niya.

Diablox, bakit nga ba ako nagsinungaling?

Sa tingin ko, alam mo at kilala mo si Alron. Pagdating sa akin, lahat ay gagawin niya para lang ipagtanggol ako. Hindi na bago sa kaniya ang makipag-away at makipagsagutan pero natatakot ako na baka umabot ito sa mas matinding pangyayari.

Iyong picture naman na ipinakita ko sa kaniya. Iyong parang naghahalikan sila ni Heysel, si Houston ang nag-send n'on.

Alam kong naiinis si Alron sa mapagmataas na ugali ni Houston. Sigurado akong gugulpihin niya si Houston kaya pinili ko na lamang manahimik.

Simula n'ong mga araw na ipinahiya ako ni Heysel, kapag mag-isa akong naglalakad sa labas at loob ng campus, palagi akong pinagtitinginan ng ibang estudyante. Alam ko ang rason ng mga tingin at patago nilang pagtawa.

Minamaliit nila ako at nagtatagumpay sila.

Kahit pa sinasabihan ako ni Alron ng kung ano to keep motivated, nasasaktan pa rin ako sa sinasabi ng iba.

Sumasang-ayon na lang ako kay Alron na hindi ko na sila papansinin pero hindi ko iyon magawa. Kahit nasasaktan ako sa sinasabi ng iba, inililihim ko iyon kay Alron dahil kakaiba siya kung magaling.  Nabasa ko ang ilang entry niya rito at bagamat nakakatawa, parang hindi naman iyon tama.

Ilang pahina na lang bago ko marating ang dulo, puro panlalamig ko na ang naroon. Pati ang pag-text ni tito sa akin ay naisulat niya.

Totoo iyon, si tito ang ka-text. Iyon ay dahil sa pinag-uusapan na namin ang pag-transfer ko papunta sa probinsiya. Sa probinsiya, matutulungan ako nina tito hanggang mag-college ako kaya pumayag ako.

Sasabihin ko naman dapat iyon sa kaniya. Naghihintay lamang ako ng tamang pagkakataon. Kaya lang, nakita niya kami ni Maru.

Noong isang araw, alam kong sinusundan niya ako. Hindi ko siya nilingon para patuloy niya akong sundan.

Sinadya kong pasundin siya para makita niya akong kasama si Maru. Para pag-isipan niya ako ng masama at mainis siya sa akin to the point na lalayuan niya ako. Char, to the point!

Pero kakaiba si Alron. Nabasa ko na nagdududa siya pero pinili niyang hindi ako tanungin at kalimutan ang kaniyang nakita dahio mahal niya ako.

Ang pangalawang beses na nahuli niya kaming magkasama sa iisang motor ni Maru ay hindi ko inaasahan.

Akala ko ay hindi siya pupunta sa bahay pero kakaiba si Alron kung mag-alala. N'ong may sakit siya, sinadya kong hindi siya reply-an at sagutin ang mga tawag niya para mawalan siya ng gana sa akin.

Nakakalito kung hanggang dito lang ang isusulat ko. Maliban dito, may mas malalim pa akong rason kung bakit ko iyon ginagawa.

May malalim akong rason kung bakit ipinagtatabuyan ko siya.
Rason kung sinasadya kong manlamig at rason kung bakit sinabi kong hindi ko siya minahal at ginamit ko lang siya.

Pero ang totoo, mahal ko si Alron. Bakit ko nga ba iyon ginawa? Kasi may rason ako.

Ang babaeng nagmumukhang masama,
Jeremae na maganda

Diary Ng Lalaking Tamad Mag-aral (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon