LA PESCADORA ( The Fisherwoman )
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 3
Unedited...
"Kumain ka na," sabi ni Venize sabay lapag ng gulay sa mesa.
"Busog pa 'ko, magkakape na lang," sagot ni Matter kaya nagtimpla ng puro kape si Venize.
"Ikaw lang ang gumawa nito?" tanong ni Matter habang hinihigop ang kape.
"Oo, may kapehan sa likod ng bahay," sagot ng dalaga.
"Nakita ko," ani Matter. Kahapon lumabas siya at umikot. Sa 'di kalayuan ay may manukan at kapehan. Ang dami ring puno na nakapalibot sa bahay pero wala siyang natatamaw na ibang bahay.
"Inumin mo ang gatas mo para lumakas ka," sabi ni Venize kay Ocean matapos magtimpla ng gatas para rito.
"Mainit," reklamo ng bata.
"Mas masarap kaya 'yan kapag mainit," pangungumbinse ni Venize.
"Bear brand lang ba ang gatas niya? Walang sustansiya 'yan," sabat ni Matter na nakatingin sa batang napipilitang uminom ng malabnaw na gatas sa baso.
"Magtiis siya," ani Venize. "Hindi naman kami mayaman. At least naggagatas pa siya."
Naupo siya at naglagay ng sinangag sa plato.
"Nasaan na pala ang parents ninyo?" usisa ni Matter.
"Dami mong tanong!" napipikang sagot ni Venize.
Ipinagpatuloy ni Matter ang pag-inom ng barakong kape dahil mukhang naiinis si Venize sa kaniya.
"Huwag kang mag-alala, kapag malakas na ako ay babayaran kita," sabi ni Matter.
"Dapat lang. Ang dami mo nang utang sa akin," sagot ng dalaga at ipinatong ang kanang paa sa upuan habang nagkakamay na kumain. "Pero dapat maalala mo rin kung sino ka ba talaga."
"Ba't ka nagmamadali?"
"Ikaw ba, hindi?" baliktanong ng dalaga.
"Sino ba ang ayaw? Pero mas lalong sumasakit ang ulo ko sa kakaisip," sagot ni Matter.
"Ate? Ayaw ko na po," tanggi ni Ocean dahil wala naman talagang lasa ang gatas at nilagyan lang ni Venize ng asukal.
"Ito, kainin mo," sabi ng dalaga sabay abot sa mainit-init na sabaw ng sinaing na nilagyan niya ng kaunting asin. Paborito kasing kainin ng bata.
"What if magkasakit kayo?" tanong ni Matter. "Saan kayo bumibili ng gamot?"
"Huwag mong problemahin ang buhay namin dahil dayuhan ka lang. Isipin mo kung paano ka gumaling at nang makaalis ka na."
Napabuntonghininga si Matter. Napatitig si Matter sa dalagang balahura kung umasta sa harapan niya. Maganda ito. Morena tingnan dahil sa mamula-mula nitong balat. Siguro dahil nasunog sa karagatan? Pero kapag magka-aircon ito, tiyak na lalabas ang pagiging mestiza.
"Huwag mo 'kong titigan nang ganyan, lalaki!" saway ni Venize dahil pakiramdam niya ay kinikilatis siya nito.
"Ba't lalaki?"
"Di mo nga maalala ang buo mong pangalan," ani Venize. "Kaya lalaki na lang."
"Psh! Venize? Salamat sa pagkupkop at tulong sa akin," taos-pusong pasalamat ni Matter. "Siguro kung wala ka, sa lalim ng sugat ko, baka patay na ako."
"Pasalamat ka may kababata akong doctor kaya siya na ang nagbigay ng paunang lunas sa 'yo," sagot ni Venize.
"S-Salamat sa inyo."
Tumayo ang dalaga. "Maiwan muna kita rito, maghahanap lang ako ng ulam sa tanghalian," paalam niya kay Ocean at nagsuot ng malapad na sombrerong gawa sa dahon ng anahaw.
"Sama kami," ani Matter.
"Dito lang kayo, masyadong malayo pa iyon."
Gustuhin man ni Matter, alam niyang hindi pa nga niya kaya.
"Kapag magaling na ako, babawi ako sa ate mo," sabi ni Matter kay Ocean at binuhat ang bata para paliguan sa balon na nasa gilid lang ng bahay.
Obvious na matangkad si Ocean. Moreno na kasingkulay ni Venize. Magkamukha rin ang magkapatid at matangos ang ilong.
"Kapag isama kita, hahanapan kita ng mapapangasawa sa amin," sabi ni Matter na natatawa dahil may ipagmamalaki si Ocean.
"Taga saan ka po?" inosenteng tanong ng bata.
"Hindi ko rin alam," sagot ni Matter at binanlawan na ito. Pagkatapos niyang paliguan, nakahubad na tumakbo papasok ng bahay ang bata. Kinusutan niya ang hinubad na damit ni Ocean saka sinampay.
Pagbalik niya, nakita niyang naghahalungkat ng damit si Ocean kaya tinulungan na niya ito.
"Here. Bagay sa 'yo 'to," sabi niya at binigay ang sleeveless na may print ni Spongebob. Isasara na sana niya ang tokador nang mapansin niya ang mga litrato sa likod ng pinto nito. Mga litrato nina Ocean at Venize kasama ang dalawang medyo may edad na.
"Baka parents niya," sabi ni Matter. Sanggol pa noon si Ocean. Tiningnan niya ang ID na nakasabit. "Venize Jamesem Ramirez" Pagbasa niya sa elementary ID ng dalaga. Ang bata pa pala nito nang makita niya ang birthday ng dalaga.
Maayos na ibinalik niya ang mga gamit saka lumabas para makipaglaro kay Ocean. Mukhang maliit lang ang isla at kaunti lang ang dumarayo rito pero sagana sa likas-yaman dahil sa buhay na corals at maliliit na isda sa tabi ng dagat.
"Uwi na tayo? Mataas na ang araw," yaya ni Matter sa bata nang magsawa sa kakalaro at ibinuhat ito saka isinakay sa leeg niya.
Tawa nang tawa naman si Ocean kapag tumatakbo si Matter.
"S-Saan kayo galing?" humahangos na tanong ni Venize habang sinasalubong sila.
"Sa tabing-dagat," sagot ni Matter saka ibinaba si Ocean na agad tumakbo palapit kay Venize.
"Sa susunod, huwag kayong umalis ng bahay nang hindi ko alam!" pagsisinuplada ni Venize.
"Natatakot ka ba na baka kidnapin ko ang kapatid mo?" tanong ni Matter habang sinasabayan sa paglalakad ang magkapatid.
"Bata pa si Ocean, hindi pa niya kayang ipagtanggol ang sarili."
"Nandito naman ako," ani Matter. "Hindi ko siya pabayaan."
"Aalis ka rin, kaya huwag mong masyadong sanayin si Ocean na kasama ka."
Natahimik si Matter. Alam kasi niya na tama si Venize. Darating ang araw na iiwan din niya ang magkapatid.
Pagpasok sa bahay, nagluto ng tanghalian si Venize. Napansin ni Matter na may kalahating sako ng bigas si Venize. Saan kaya ito bumibili gayong wala naman silang palayan.
" Baka malapit lang ang bayan," bulong ni Matter.
Matapos ang isang oras, inilapag ni Venize ang inihaw na isda at talangka. Binuksan niya ang isa pang bintana para lumamig ang hangin.
Habang kumakain, napapangiti si Matter.
"Bakit ka ngumingiti?" curious na tanong ni Venize habang kumakain ito ng matabang talangka.
"H-Ha? Ah... eh, natuwa lang ako sa talangka," sagot ni Matter.
"Anong meron?'"
Napangiwi si Matter. "H-Hindi ko rin alam. Natutuwa lang ako sa malalaking sipit? O galamay nila. Ano bang tawag dito?"
"Kumain ka na nga lang," sabi ni Venize na nawe-weirdohan kay Matter.
Pagkatapos nilang kumain, si Matter na ang naghugas ng plato at sina Venize at Ocean ay lumabas saka sa papag na nasa malaking mangga sila natulog dahil masarap ang hangin doon.
Mula sa bintana, tanaw ni Matter ang natutulog na magkapatid. Gusto sana niyang lumapit sa may duyan na nasa tabi lang nila kaso baka magising ang mga ito. Alam niyang pagod si Venize at gusto na niyang tumulong pero hindi pa niya kaya. Curious siya sa mga magulang nito. Nasaan na kaya ang mga ito?
Nabahala siya para kay Ocean. Paano ang edukasyon ng bata? May malapit bang paaralan dito? Sana sa edad nito, nag-aaral na ito ng kindergarten.
Napansin niya ang pambatang aklat sa cabinet kaya kinuha niya ito nang makitang bumangon ang bata.
Lumapit siya at nag-silent sign para hindi mag-ingay si Ocean. Pinaypay niya ito palapit sa duyan.
"Here. Maupo ka," sabi niya at kinalong ang bata habang nakaupo sila sa duyan. "Ano 'to?"
"Libro po," magalang na sagot ng bata.
"Libro. Sa english, book."
"Book?" ulit ni Ocean.
"Oo, book." Binuklat niya ang libro na may mga nakaguhit na iba't ibang hayop. "Ito ano 'to?"
"Pusa!" bibong sagot ni Ocean.
"Shhh. Hinaan mo lang boses mo," bulong ni Matter. "Pusa. Sa english, cat."
"Cat," ulit ni Ocean.
"Yes, cat. Tandaan mo 'to ha. Bukas tatanong ko ulit sa 'yo mga pinag-aralan natin," sabi niya kaya tumango ang bata. Napuna niyang matalino at mabilis maka-pickup ang bata.
Paglingon ni Matter, wala na si Venize sa papag.
Napatayo siya nang makita ang lalaking papalapit sa kanila na may buhat na lambat. Matikad ito, moreno at nakasuot ng lumang sombrero.
"Sino ka?" tanong ng lalaki at ibinaba ang lambat sa papag.
"Jemson," tawag ni Venize na naka-shorts at luma at maluwag na damit. Nakasuot din ito ng sombrero at may bitbit na malaking palanggana.
"Sino siya?" ulit ni Jemson.
"Pinsan kong taga Maynila," sagot ni Venize at nagbigay ng warning look kay Matter.
"Saan kayo pupunta?" tanong ni Matter.
"Mangingisda. Baka gusto mong sumama?" tanong ni Jemson.
"Huwag na," tanggi ni Venize. "Dito lang sila, walang magbabantay kay Ocean."
"Hindi mo ba dadalhin ang bata?" tanong ni Jemson.
"Huwag na muna. Padala na lang nitong palanggana sa bangga," pakiusap ni Venize. "Bakit nandito ang lambat na 'to?"
"Hindi natahi ni Nanay. Ang kay Tiyoy muna ang gamitin natin. Malaki na ang butas niyan e. Sayang naman ang makakawalang isda," sagot ni Jemson saka binuhat ang palanggana at umalis na.
"Sasama ka sa kanila?" tanong ni Matter.
"Oo."
"Pero baka mapano ka."
"Sanay na 'ko," sagot ni Venize.
"Pero--"
"Bata pa lang ako, hinubog na ako ng mga magulang ko sa karagatan kaya huwag kang mag-alala. Pakialagaan naman ang kapatid ko dahil bukas ng maaga pa ang uwi ko," pakiusap ni Venize.
"Ven--"
"Kailangan natin ng pambili ng bigas at gamot mo, lalaki. Kapag hindi ako pumalaot, mamamatay tayo sa gutom," napipikong paliwanag ng dalaga.
"Sorry kung kailangan mo pang magtrabaho para sa akin," paumanhin ni Matter.
"Dito ka lang. Sayang ang oras," ani Venize at iniwan na ang dalawa nang makitang pinapaypay na siya ng ama ni Jemson. Bago lumubog ang araw, saka bumapaibabaw ang isda kaya iyon ang hahabulin nila. my
Malungkot na tinanaw ni Matter ang bangkang papalayo. Nabahala siya nang mapansing dumidilim ang kalangitan.
Alas kuwatro na ng hapon kaya kinuha na niya ang mga sinampay nila bago pa maabutan ng ulan.
"Pasok na tayo," yaya niya kay Ocean. May natirang kanin kaya ininit na lang niya ito para sa dinner nila ni Ocean. Saktong alas sais, pumatak ang mahinang ulan kaya dumungaw siya sa bintana. Hindi pa rin niya natatanaw ang bangka nina Venize. Sinindihan niya ang lampara at inilagay sa ibabaw ng mesa.
"Inaantok ka na ba?" tanong niya kay Ocean na ngayon ay nakatitig sa mga lamok na umiikot sa apoy ng lampara. Ang iba ay nahuhulog dahil nasusunog ang pakpak.
"Gusto ko na matulog," sabi ni Ocean kaya pinapasok na niya ito sa maliit na kuwarto nila at pinahiga sa higaan.
Medyo tumila na ang ulan. Hindi naman sobrang lakas kaya medyo napawi ang pangamba niya. Si Venize lang ang nakakaalam kung nasaan sila. Ito lang ang tanging nakakaalam ng transportasyon patungo sa bayan o lagusan patungo sa karatig pook kaya kailangan pa niya ang dalaga.
Pasado alas dos na pero gising pa siya. Hindi pa rin nakauwi si Venize. Hinihila na siya ng antok at tumitiktilaok na ang mga manok sa likod-bahay nang bumukas ang pinto kaya napatayo siya.
"Ven?"
"Ba't gising ka pa?" tanong ni Venize na nagulat nang makita si Matter na may bitbit na lamparang papaubos na ang gas kaya mahina na ang apoy.
"You're wet," ani Matter kaya natigilan ang dalaga.
"I m-mean, nabasa ka ng ulan," pagpaliwanag ni Matter nang ma-realize ang sinabi. Kinuha niya ang tuwalya na nakasabit sa dingding at inabot kay Venize.
"Okay lang ako," sabi ni Venize na hinubad ang basang damit kaya napatalikod si Matter. Maingat na inilapag ni Matter sa isang sulok saka bumalik sa silid nila ni Ocean.
Narinig niya ang pagbukas at sara ng pinto sa kabilang silid. Dalawa ang kuwarto na hinati sa kawayang dingding.
Napabuntonghininga siya nang makita mula sa maliliit na siwang ng dingding na pinatay na ni Venize ang lampara nito.
Darating ang araw, mababayaran din niya ang kabutihan ng dalaga. Sa ngayon, kailangan niya munang magpagaling.
BINABASA MO ANG
LA Pescadora
Romanceby: sha_sha0808 Ash Simon PROLOGUE UPNEXT... "LA PESCADORA" (The Fisherwoman) "Kung ako ang naging dahilan ng pagkawasak ng buhay mo, hindi ko iyon pagsisisihan dahil alam kong ako pa rin ang bubuo ng pagkatao mo."--Matter. Si Rose: Sikat, maganda a...