LA PESCADORA ( The Fisherwoman )
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 11
UNEDITED....
Kakauwi lang nina Venize. Okay na si Ocean pero natuto na siya. Anumang sakit na nararamdaman nito ay hindi niya puwedeng balewalain.
"Hindi na po ba talaga babalik si Kuya Matter?" malungkot na tanong ni Ocean.
"Hindi na. Umuwi na kasi siya," sagot ni Venize at tinanggal ang lahat ng damit sa malaking bag.
"Pero sabi niya isasama niya tayo."
"Hindi na. Ang mabuti pa, ipagluto kita ng nilagang mais. Di ba gusto mo 'yon?"
"P-Pero sabi niya kapag umalis siya, magkasama tayong tatlo," naiiyak na sabi ng bata. "H-Hindi na ba tayo mahal ni Kuya Matter?"
"Ocean?" Lumuhod siya at hinawakan sa magkabilang balikat ang bata. "Mahal ka ni Matter. Pero hindi natin siya pagmamay-ari."
"K-Kung mahal niya tayo, b-bakit niya tayo iniwan? B-Bakit hindi na siya bumalik?" naluluhang sabi ng bata. Sa loob ng ilang buwan, si Matter ang madalas niyang kasama sa bahay. Si Matter din ang nagsilbing ama niya at nagtuturo sa kaniya. "N-Nami-miss ko na si Kuya..."
Malungkot na pinahidan ni Venize ang mga luha ng bata. Kung puwede lang niyang mapawi ang sakit na nararamdaman nito. Pero kailangan niyang ipagpatuloy ang buhay dahil hindi lang kay Matter umiikot ang mundo niya.
"Magpahinga ka muna, magluluto lang ako ng mais."
Tumayo siya at inilagay sa laundry basket ang mga damit mula sa hospital.
"Dito ka lang," bilin niya saka tumungo sa kusina. Palibhasa pag-umuwi siya noon, naka-ready na ang lahat.
Medyo basa ang kahoy na panggatong kaya natagalan siya sa kusina.
"Ocean? Paabot naman ako ng sabon," pakiusap niya dahil maghuhugas siya ng plato. "Ocean?"
Lumabas siya pero wala ang bata kaya pumunta siya sa kuwarto.
"Napagod ka--" Wala rin si Ocean sa loob kaya kinabahan siya. "Ocean?"
Dali-dali siyang lumabas.
"Ocean!" Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita si Ocean kasama ang nakatalikod na dayuhan.
"Ate!" masiglang sabi ni Ocean nang lumingon sa kaniya.
"Halika!" tawag niya kaya tumakbo ang bata palapit sa kaniya.
Humarap ang lalaki at naglakad palapit sa kaniya kaya binuhat niya si Ocean.
"A-Anong kailangan mo?" tanong niya sa lalaking kaharap na niya.
Ngumiti ito sa kanila kaya lumitaw ang maputi at pantay na ngipin. Pogi ito at matangkad.
"Hi. Venize, right?"
"B-Bakit ka nandito?" tanong ni Venize.
"Hindi ba ako welcome?" baliktanong ng lalaki at iginala ang mga mata sa buong isla.
"In fairness, maganda nga ang isla. Nakatalikod lang ang puwesto ninyo sa Paradise island pero okay na," wika nito na nakapamulsa.
"Kung wala ka nang sasabihin, papasok na kami."
"Si Ocean," wika nito kaya natigilan si Venize. "Siya ang binisita ko."
"Bakit?"
"Wala lang, tahimik lang si Matter pero alam kong nag-aalala siya sa bata. Na-ospital pala si Ocean. Buti na lang dahil nandiyan sina Tito Zero para mag-asikaso ng lahat."
"Diretsuhin mo ako, ano ang kailangan mo, Star?"
Tumawa ito kaya napakunot ang noo ng dalaga.
"Wala naman. Gusto lang kitang pasalamatan sa pagligtas sa kapatid ko," malungkot na sagot ni Star.
"Pasok ka muna, may nilaga akong mais," paanyaya ni Venize at bumalik na sa loob ng bahay. Sumunod si Star at naupo sa upuang gawa sa kawayan.
"Maliit lang ang bahay namin, pasensiya ka na."
Ibinaba ni Venize si Ocean sa upuang nasa tabi ni Star. Tumungo siya sa kusina para tingnan ang mais kung luto na ba? Kumuha siya ng limang piraso at inilapag sa maliit na mesa sa harapan ni Star.
"Alam mo bang nagkakaproblema kami dahil hindi maalala ni Matter ang kaniyang asawa?" tanong ni Star.
"Wala na ako roon."
"Ayaw niyang maalala ang asawa niya."
"Desisyon na niya iyon. Tahimik na ang buhay ko rito kaya sana patahimikin nyo na rin kami ni Ocean."
"Paano?" tanong ni Star.
"H-Huwag na kayong tumungo rito sa isla," sagot ni Venize.
"Alam mong hindi iyon maaari."
Napakunot ang noo ni Venize at nakikagtitigan kay Star.
"Hangga't nasa iyo si Ocean," makahulugang dagdag ni Star kaya iniwas ni Venize ang mga mata.---------------------
[Matter POV]
"Si Rose na pala ang pumalit sa 'yo sa finance," sabi ni Daddy.
"Bakit? Akala ko ba sina Sun ang may hawak nun?"
"Magaling si Rose at mapagkatiwalaan siya," sagot ni Daddy.
Nasa meeting room kami ng bahay at pinag-uusapan ang negosyo.
"Okay lang po, Daddy Sky, kahit sina Star na lang po ang hahawak sa finance."
"No, okay lang. Mas may tiwala pa ako," panunuya ni Daddy kay Star na kakarating lang.
"Psh! Si Chummy na ang hahawak ng sa amin," sabat ni Star. "May tiwala naman ako sa asawa ko."
"Bakit ka titiwalag e negosyo ng buong pamilya 'to?" tanong ni Daddy. Ang pinasikreto ng pamilya sa tagumpay ay ang family business. Lahat ng main branch ng pamilya namin ay kami lahat ang nagpapaikot. Pero ang totoo, hindi naman talaga kami main branch dahil ang pinaka-main ay mula pa kina Lolo Ian na pinapatakbo ng tatlo niyang anak na sina Lolo Skyler, Kyler at Kevin. Bago salain ng pamilya namin, saka na namin ipapasa sa itaas para sa whole family ng Villafuerte. Magulo ipaliwanag pero basta ganoon.
"Come on, fifteen percent lang naman ang sa amin at pagod na 'yan si Rose," ani Star kaya natahimik sila. "Si Chummy, kilala naman ninyo siya, right? Magaling siya."
"Fine," pagpayag ni Dad at napasulyap kay Chummy. "Kapag makialam 'tong asawa mo dalaw kayo malalagot."
"Sige po," sagot ni Chummy.
Nag-usap pa sila ng kung ano kaya nakinig na lang ako. Marami akong gustong sasabihin pero mas minabuti kong manahimik. Isa pa, nas tabi ko si Rose.
"Okay, lumabas na nga kayo!" pagtataboy ni Daddy dahil nag-aasaran na ang mga kapatid ko. Nakita ko na rin si Dust dahil umuwi ito noong isang linggo pero 3 days lang.
"Magpapahinga ka na ba?" tanong ni Rose nang palabas na kami.
"Yes," sagot ko. "Ikaw rin?"
"How about a cup of coffee?" tanong niya.
"Puwede rin," sagot ko kaya nakita ko ang saya sa mga mata niya.
"Sa kuwarto ko na lang," sabi niya kaya sumunod ako sa kuwarto niya. Isinara ko ang pinto at naupo sa mahabang couch. Siya naman ay nagtimpla ng tea.
"Here, mainit pa."
"Thanks," pasalamat ko nang kinuha ang ibinigay niya.
"Do you like it?" tanong niya at naupo sa tabi ko.
"Yes," sagot ko at nginitian siya.
"Gustong-gusto mo 'yan. Noong bagong kasal tayo, araw-araw kitang ginagawan niyan," pagkukuwento niya.
"Ano bang meron tayo noon?" tanong ko kaya napasulyap siya sa akin. "Anong klaseng relasyon meron tayo."
"Noon?" aniya. "Mahal natin ang isa't isa. Maloko ka nga e. Ang dami mong babae at night out dito, night out doon. Pero lahat ng iyon ay nagbago nang maging tayo. Well, hindi sa mabilisan pero paunti-unting nagbago ka," natatawang pagkukuwento niya.
"Ang tagal pala nating ikinasal bakit wala pa rin tayong anak?" tanong ko.
"Kasi busy ako sa career ko. Pasensiya ka na ha," malungkot na sabi niya.
"Okay lang," sagot ko at uminom ng tea. "Naunawaan ko."
"S-Sana matupad pa rin natin ang pangarap nating bumuo ng pamilya," sabi niya. "Simple lang kasi ang pangarap ko para sa atin."
"Thank you sa pagiging mabuting asawa, Rose," pasalamat ko.
"Wala iyon. Mahal kita kaya tungkulin ko na alagaan ka. W-Wala ka pa rin bang maalala?" usisa niya.
Umiling ako. "Pasensiya ka na, nahihirapan akong maalala ang lahat. Kahit noong una tayong magkita, hindi ko na matandaan. Hayaan mo, babawi ako sa 'yo."
Ngumiti siya. "Okay lang, handa akong maghintay sa pagbalik ng memorya mo."
"Salamat, Rose," pasalamat ko at tumayo. "Magpapahinga lang ako."
"Hatid na kita."
"Huwag na, magpahinga ka na rin kasi alam kong pagod ka," tanggi ko saka lumabas.
"Mabuti naman at madalas na kayong mag-usap ng asawa mo," sabi ni Daddy nang makasalubong ko.
"Nag-tea lang kami."
"Gawa rin kayo ng baby," nakangising sabi niya na ikinailing ko. Puro talaga 'to kalokohan ang tandang 'to.
"Magpapahinga lang ako," paalam ko at nilagpasan siya.
"Matter?" tawag ni Dad nang binuksan ko na ang pinto. "Sana maalala mo ang lahat ng nangyari."
"Susubukan ko," wika ko at pumasok na.
Naupo sa tapat ng dresser at pinagmasdan ang sarili. Nanumbalik na ang katawan ko at kulay ng balat.
" Kamusta ka na, Ven?" tanong ng isip ko. Isang buwan na ako rito pero parang ilang dekada na kaming pinaglayo ni Venize.
Alam kong ang unfair ko kay Rose. Well, unfair sa mga mata ng lahat pero wala akong pakialam dahil hindi nila alam kung gaano kasakit ang napagdaanan ko.
Napasulyap ako sa photo album na ibinigay ni Rose kahapon. Binuklat ko ito. Mga litrato ng kasal namin noon.
Bakas sa mukha ko ang saya. Meron pa ngang parang naiiyak ako e. Napanood ko na rin ang video. Ayaw ko nga sana pero pinilit ako nina Sun at Clouds dahil kailangan ko raw iyon para makaalala ako.
Itiniklop ko ang album saka itinago sa drawer kahit na hindi ko pa tapos tingnan ang mga litrato. Para ano pa?
Kung anong memorya meron ako, iyon na lang ang panghahawakan ko.
Tumayo ako at ini-lock ang pinto.
Binuksan ko ang TV at DVD player saka isinalang ang video na pina-copy ko kay Star.
Pabagsak na nahiga ako sa kama. Cut na ang video dahil wala rin namang kuwenta ang laman.
Ito ang eksenang sinusubukan naming lasingin si Star dahil may babae kaming ipakilala sa kaniya. Well, gusto lang naming makabawi si Chummy noon at siya naman ang paglaruan ni Chummy para makaganti.
Pinindot ko ang pause sa remote. Ilang beses ko na ba itong napanood? Hindi ko na mabilang.
Nandoon si Rose nang gabing iyon, magkasintahan pa lang kami pero agad itong umuwi dahil may taping pa raw kinabukasan kaya dahil sa kalasingan, nakipaglandian ako sa iba. Ewan. Siguro dahil gusto ko ang amoy at mga labi ng babaeng dinala ng mga kaibigan ko?
Napatingin ako sa TV at muling ipinlay ang eksenang nakipaghalikan kami ni Moon sa babaeng kasama namin habang si Star ay inom nang inom.
" Venize," usal ko habang nakatingin sa babaeng kahalikan ko. Damn! I miss her so much.
Lahat ng pamilya ay naghahangad na magkabalikan kami ni Rose dahil ito ang asawa ko. Ito ang unang minahal at sineryoso ko pero alam kong hindi na ngayon dahil si Venize na ang nagmamay-ari ng puso ko.
Tama sila, na kapag mahal ko ang isang tao, kahit mawalan pa ako ng alaala, hindi siya makakalimutan ng puso ko.
Pero puso ko na mismo ang nagpasyang makalimot.
Ilang beses ko nang pinilit na itakwil sa isip ko ang mga nangyari. Okay na sa akin na maalalang ikinakasal ako at mahal ko si Rose pero ayaw ko nang umabot pa ang alaala ko sa eksenang kamuhian ko siya.
Kapag ba bumalik ang memorya ko, may maniniwala ba sa akin? Wala. Kasi hindi iyon ang nakikita at pinaniniwalaan nila.
Mahirap maalala ang ikinubli kong alaala. Dahil higit kanino man, ako ang labis na nasaktan.
BINABASA MO ANG
LA Pescadora
Romanceby: sha_sha0808 Ash Simon PROLOGUE UPNEXT... "LA PESCADORA" (The Fisherwoman) "Kung ako ang naging dahilan ng pagkawasak ng buhay mo, hindi ko iyon pagsisisihan dahil alam kong ako pa rin ang bubuo ng pagkatao mo."--Matter. Si Rose: Sikat, maganda a...