Chapter 2: Sweet Thoughts

97 17 226
                                    

Ava

"Ano'ng ginagawa mo rito? Gabi na."

Umupo sa tabi ko si kuya habang inaayos ko ang aking tsinelas para may magamit ako bukas. Nakatingin lamang siya sa ginagawa ko.

"Naputol kasi itong slippers ko, kuya. Wala akong gagamitin bukas."

Sa totoo lang ay dapat sapatos ang isinusuot sa pagtatrabaho, pero parating sumasakit ang mga paa ko kaya gumagamit ako ng tsinelas. Mabuti na lamang at napakabait ng amo namin.

"Hindi na 'yan maaayos, Ava. May mga bagay talaga na kahit ano'ng gawin nating pagkukumpuni ay hindi na ito babalik sa dati."

Napangiti ako. Ganito talaga ang kuya ko. Parati niyang inihahambing ang mga bagay sa mga paniniwala niya. Thirty-five years old na siya pero wala pa rin siyang asawa. Dalawa lamang kaming magkapatid at tulad ko ay puspusan din ang kaniyang pagtatrabaho bilang kargador sa palengke.

"Oo nga. Mukhang sinukuan na ako ng slippers ko." Binitiwan ko ang slipppers ko at inilapag sa lupa.

Tumango naman siya habang nakatingin sa harapan niya. "Dahil hindi sa lahat ng oras ay madadala ka niya kahit saan ka pumunta. Sumuko na ang mga yapak mo sa paa. Marahil ay may itinadhana para sa 'yo na magdadala sa mas malayo at mas magandang lugar."

Napakamot ako sa aking ulo. Tumayo na ako dahil baka mapahaba pa ang usapan namin ni kuya.

"Matutulog na ako, kuya."

Napatango lamang siya habang nakatingin sa malayo.

Pumasok na ako at hinayaan ko na lamang na sira ang aking tsinelas. Nadatnan ko si papa na pinupunasan ang likod ni mama. Pumasok ako sa kanilang silid at umupo sa gilid ng kama.

Si mama ay bedridden. Hindi na namin siya nakakausap dahil tulala na lamang siya. Nagkaroon siya ng Traumatic Brain Injury dahil nabunggo siya ng kotse noong bata pa ako. Hindi na namin nakilala kung sino ang nakabunggo sa kanya. Dumaan din siya sa ilang sessions ng therapy at medications pero hindi na namin kinaya. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako nakapag-aral ng college. Si Kuya naman ay napilitang tumigil sa kolehiyo dahil sa matinding pangangailangan namin ng pera.

Si Papa naman ay may tindahan sa harapan ng aming bahay. Nagbebenta siya ng mga prutas at gulay. Siya rin ang nag-aalaga kay mama at tinutulungan din namin siya ni Kuya.

Nakapanghihina ng puso ang aming sitwasyon, ngunit laging sinasabi ni papa na hindi dapat kami makulong sa pag-iisip na kami ay mahirap lamang at wala na kaming magagawa.

Nais niyang mabigyan kami ng edukasyon ngunit salat talaga kami sa pera. Pero, para sa akin ay masaya na ako sa kung ano man ang mayroon kami ngayon. Ang makasama ko sila ay malaking bagay na para sa akin at at ako rin ang gagawa ng aking tadhana. You only live once, but if you do it right, once is enough.

"Matulog ka na, Ava."

"Sige po, papa." Niyakap ko si papa at humalik naman ako sa pisngi ni mama. Lalabas na sana ako nang tawagin ako ni papa.

"Ava..."

"Papa?"

Ngumiti siya kahit iba ang sinasabi ng mga mata niya.

"Kapag nadagdagan ko pa ang ipon natin ay maaari mo nang ituloy ang iyong pag-aaral."

Nakaramdam ako ng pagpintig ng aking puso. Isang nakatagong kirot.

"Kahit hindi muna po, papa." Ngumiti ako para itago ang kalungkutan ko.

Ngumiti muli si papa.

"Laban lang, anak. Kakayanin natin ang lahat."

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon