Chapter 1: My Feelings

121 19 177
                                    

Ava

"Dalawang burger with double patty."

Hindi maiwasan ng dalawang babae na hindi ipakita ang kilig na nararamdaman nila dahil kay Angelo.

"With cheese po ba?"

"Hindi, okay na 'yon," malambing na sagot ng isang babaeng may kulot-kulot na buhok.

Ang sarap ibato ng mga patties na niluluto ko sa pagmumukha ng dalawang babae. Hindi ba sila nahihiya?

"Sunog na, Ava. Ilagay mo na sa buns," seryosong pagkasabi ni Angelo. May dalawa pang babae na nakapila kaya nagmamadali na rin siya.

Mabilis kong nilagyan ng mayonnaise at ketchup ang mga burger saka s-in-erve sa dalawang babaeng sumimangot nang iabot ko sa kanila ang kanilang order. Kung hindi lang sila customers ay siningkitan ko na sila ng mata.

"Ako na rito, kunin mo na ang orders nila," muling pagkasabi ni Angelo. Alam kong naiilang si Angelo na makiharap sa mga bumibiling mga estudyante na halos titigan siya magdamag sa kaniyang ginagawa.

Napapadalas na rin ang pagpapa-cute ng mga babaeng estudyante sa kanya. Tinitigan ko naman sila nang matalim at bigla na lang nagbago ang ekspresyon ng kanilang mga mukha. Nakita kong umiling-iling ang ulo ni Filimon na katapat naming nagtitinda ng ice cream sa isang stall.

Walang bumibili kay Filimon.

May tatlong klase ng pagkainan ang makikita rito sa park. Ang ice cream truck na binabantayn ni Filimon Felipe Atienza, ang kaibigan naming mahilig magpatawa, ang Almusalan House na pagmamay-ari ni Aling Nena, na siya mismo ang nagbebenta at itong Burger stall na pinagtatrabahuan namin ni Angelo. Bukod sa burgers ay nagbebenta rin kami ng fries at hotdogs.

NAKABUSANGOT na umalis ang mga babaeng nagpapapansin kay Angelo. Palapit naman si Filimon kay Angelo na kasalukuyang nag-aayos ng mga lamesa at nagtatapon ng mga napagkainang plastics.

Ang gaganda nga ng mga babaeng 'yon, pero 'di naman marunong magtapon ng mga napagkainan sa basurahan. Ang hirap kasi sa ibang tao, maayos at malinis sa kanilang sarili pero nagdudumi naman sa paligid.

"Ayos pare a, ang dami niyong customers. Mamaya mabalitaan na lang natin na nasa balita ka na, parang si Carrot man at Badjao girl. Lupet!"

Heto na naman si Filimon.

"Ikaw talaga, Philip, nagpupunta sila rito para kumain," walang emosyong pagkasabi ni Angelo habang pinupunasan ang mga lamesa.

Umupo si Filimon sa monobloc chair. "Pa-humble ka pa, pare. Mas okay na maraming pumupuntang mga babae rito. Blessing in the eyes. Mga kolehiyala, makikinis at sexy. Nakakasawa na rin kasing si Ava ang araw-araw nating nakikita rito."

Ano?

Tumingin sa akin si Filimon na may mapang-asar na ngiti sa maitim niyang labi. Siningkitan ko lang siya ng aking mga mata. "Kahit na dagsain pa rito ng isang milyong babae ay walang titingin sa 'yo, Filimon."

Itinatago ko na ang mga gamit namin dahil malapit na kaming magsara.

Parang umusok ang ilong ni Filimon at sinamaan ako ng tingin. Bukod sa sinabi ko ay hindi niya gustong tinatawag siya sa kaniyang tunay na pangalan.

"Humanda ka Ava, kapag ako ang yumaman at gumuwapo, who you ka sa akin kahit magmakaawa ka."

Pinagkrus ko ang aking dalawang braso. "As if I care!"

"Tama na nga. Kayo talagang dalawa, para kayong hindi magkaibigan," puna ni Angelo.

Madalas kaming magbiruan ni Filimon ngunit magkaibigan talaga kami.

"Tapos ko na lahat dito, Angelo." Nilawakan ko ang aking ngiti ngunit hindi siya tumingin sa akin. Isang tango lamang ang kaniyang itinugon. Dalawang taon na kaming nagtatrabaho rito at pareho kaming hikaos sa buhay kaya mabuti na lamang ay tinanggap kami ni Mrs. Rivera dito. Kahit papaano ay may kinikita kami.

Si Angelo at Filimon ay parehong twenty-seven years old, samantalang ako ay twenty years old pa lang. Dito na rin kami nagkakilala at nahulog na ang puso ko para kay Angelo. Pilit kong itinatago ang aking nararamdaman dahil ayaw kong lumayo ang loob niya sa akin tulad ng pag-iwas niya sa mga babaeng nagkakagusto sa kanya. Hindi ko alam kung may babae na siyang minamahal pero alam kong wala siyang girlfriend.

"Halika na Ava. Uwi na tayo."

———

"HALA! Naputol ang tsinelas ko." Napatigil ako sa paglalakad ganoon din si Angelo.

Pinulot ko ang tsinelas ko.

"Dapat kasi bumili ka na ng bago. Ang tagal mo na 'yang ginagamit."

Hala naman, nakakahiya! Napansin pala niya.

Naglalakad kami sa masikip na eskinita papunta sa bahay namin. Tatlong bahay ang pagitan ng tinitirahan namin at kay Angelo.

"Oo nga. Sige kapag sumahod na tayo sa Sabado."

Walang mababakas na reaksyon sa kaniyang mukha. "Tingnan ko na lang kung may hindi na ginagamit ang kapatid ko. Sa tingin ko ay magka-size lang kayo ng paa."

Napailing-iling ang aking ulo. "Naku, hindi na Angelo, nakakahiya naman kay Angel. Hayaan mo na, bibili na lang ako."

Iniisip ko kung paano ako maglalakad ngayon.
Nagulat na lang ako nang pumunta sa aking harapan si Angelo at bahagyang yumuko.

"Sakay na."

Ha? Natulala ako sa aking kinatatayuan habang hawak ko ang naputol kong tsinelas.

"Uhmm, mabigat ako."

"Baka magkasugat ka kapag naglakad ka nang naka-paa."

Napahawak ako sa aking batok.
"Nakakahiya kasi."

"Bakit naman? Sige na, 'wag ka nang maarte."

Wala na akong nagawa kundi ang hawakan ang kaniyang likuran at dahan-dahang umakyat sa kanya. Matangkad na tao si Angelo samantalang ako ay isang maliit na babae. Ipinulupot ko ang aking mga braso sa kaniyang leeg. Humawak siya sa aking binti at dahan-dahan siyang tumayo. Iba't ibang sensasyon ang nararamdaman ko dahil buhat-buhat ako ng taong mahal ko. Akala ko ay sa panaginip ko lamang siya mahahawakan ngunit napagbigyan ang aking munting hiling na mayakap siya. Hindi man ito isang pormal na yakap ay nakapagbibigay naman ito ng matinding saya sa aking puso. Kung pareho lang sana kami ng nararamdaman.

Isinubsob ko ang aking mukha sa kaniyang balikat. Parang wala lang naman ito sa kanya. Maghapon na kaming nagtinda pero mabango pa rin siya.

"Mabigat ka nga."

Inangat ko ang aking ulo at nakaramdam ako ng hiya.

"Sabi ko na kasi sa 'yo."

Napangiti naman siya. Ang guwapo talaga niya.

"Binibiro lang kita, ano ka ba."

"Kawawa na nga ako sa mga biro ni Filimon, dadagdag ka pa."

"Gustong-gusto kasi ni Philip na makita ang reaksyon mo kapag naiinis. Para kang kamatis sa sobrang pula ng mukha mo."

"Gano'n ba?" Napakunot ang aking noo. "Sige 'di na ako magpapaapekto sa mga pang-asar niya."

NAKARATING na kami sa bahay namin at ibinaba na ako ni Angelo.

"Salamat sa pagbubuhat sa akin, Angelo. Baka sumakit ang likod mo mamayang gabi."

"Okay lang. Sige bukas na lang ulit. Maaga pa tayo bukas."

Nginitian ko siya nang sobra ngunit hindi siya tumingin sa akin kaya agad ding bumalik sa normal ang aking mukha.

Tumalikod na siya nang bigla akong nagsalita.

"Sandali."

Lumingon siya sa akin at kitang-kita ko ang kaniyang guwapong mukha na nailawan ng ilaw sa poste.

"Salamat, Angelo."

Tipid siyang ngumiti.

"Goodnight, Angelo. Sweetdreams."

"Goodnight, Ava."

—•••••—

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon