Ava
"Ako si Leona."
Amasona ang boses niya.
Napahawak ako sa aking batok. Ano ba 'tong pinasok ko?
"A—e. . . a—uuwi na ako sige ha, alam ko na 'yung daan pabalik, Ate Glenda."
Tatalikod na sana ako nang biglang nagsalita ang Amor na si Leona. Napapikit ako at napakagat sa aking ibabang labi.
"Ava."
Hala naman!
Pakiramdam ko ay natuyuan ako ng pawis at natanggal ang dugo ko sa buong katawan. Kakaibang takot ang aking nararamdaman. Lumapit si Ate Glenda at hinawakan ang aking kamay.
"Huwag kang matakot, Ava. Naikuwento na kita sa kanila. Sinabi kong ikaw ang kapatid ni Abe."
So, famous na pala ako rito.
Nanginginig akong napatingin kay Ate Glenda.
"P-Paano..." Bumitiw ako sa kaniyang pagkakahawak at napahilamos ako sa aking mukha. Bata pa lang ako ay kilala ko na si Ate Glenda. Ilang taon na rin siyang may gusto kay kuya, pero hindi ko akalaing may mga kakilala siyang ganitong klaseng mga nilalang.
"Ang aking lola ang nagdala sa akin dito bago siya namatay. Naging kaibigan ko na ang mga Amor na naninirahan dito sa bundok."
Napatingin si Ate Glenda sa kanila. Paano niya nagagawang tumingin nang diresto sa mga mata nila? Para akong hihimatayin sa pagtitig nila sa akin.
"Nais din ni Ava na humingi ng tulong sa inyo. Umiibig din siya at nais niyang maging masaya." Pinaglapat niya ang kaniyang dalawang palad! Aba! Natutuwa pa siya!
Napangiti naman sila at tumingin sa akin.
"Huwag kang matakot, Ava. Tutulungan ka namin," malambing na pagkasabi ng isang Amor na katabi ni Leona.
"A... e... ano ba kayo? Nakalista ba kayong tribo sa Pilipinas?" Bigla kong tinakpan ang aking bibig.
Ano ba'ng sinabi ko? Baka laruin ako na parang darts ng mga 'to.
"Ava..." seryosong sambit ni Ate Glenda. Na-offend ko yata sila. "Mga kupido sila ng pag-ibig. Ang sino mang matamaan ng kanilang pana ay iibig sa taong humiling sa kanila."
Napatingin ako sa pana na nakalagay sa kanilang likuran. Hindi ko alam kung gawa ba ito sa bakal. Safe kaya 'yon? Paano kung mamatay si Angelo? Parang masakit kapag tumama ito sa tao.
Humakbang palapit ang pinakamaliit na Amor. "Sana ay huwag mong ipagsasabi kahit kanino ang tungkol sa amin. Tahimik lamang kaming mga Amor at may mga kaunting tao lamang ang nakakaalam ng tungkol sa amin."
Mukhang masungit ang isang 'to at hindi siya nakangiti. Hindi naman ako madaldal. Kung pwede nga ay ibaon ko na lang sila sa limot dahil baka ma-trauma pa ako.
"Ako na ang papana sa taong natitipuhan mo Glenda," sambit ng Amor na katabi ni Leona.
Napangiti naman si Ate Glenda sa kanya sabay tango. Desidido na talaga si Ate Glenda na panain ang aking kuya.
Tama ba? Kaya ko bang gawin ito kina kuya at Angelo?
Huminga ako nang malalim. Bahala na!
"Puwede ba'ng mamili," sabi ko habang nakangisi ngunit agad din itong nawala sa aking labi dahil seryoso ang kanilang mga mukha.
"Sino'ng gusto mo sa amin?"
Paano ako pipili? Ituturo ko ba? Nakakatakot naman dahil baka bawal silang duruin.
![](https://img.wattpad.com/cover/252870143-288-k204740.jpg)
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...