Ava
"Tsaa."
Nilagay ni kuya ang isang tasa ng tsaa sa lamesa malapit sa aking kama.
"Kapag natapos mong inumin ay ipalo mo na rin sa ulo mo para magising ka."
Napakunot ang aking noo sa sinabi ni kuya.
"Gising na ako, Kuya." Ang sakit ng ulo ko."Ang ibig kong sabihin ay magising ka sa kahibangan mo. Naglasing ka pa talaga kagabi. Dahil lang sa lalaki ay nagkakaganyan ka."
"Kuya..."
Umupo siya sa aking kama. Nakahiga pa rin ako ngunit kailangan ko nang bumangon upang maligo.
"Inuwi ka ng prinsipe mong hindi naman ikaw ang prinsesa. Ayoko nang maulit ito, Ava. Paano kung may nangyari sa 'yong masama? Alam kong hindi ka na bata pero ingatan mo naman ang iyong sarili. Babae ka. Hindi ka dapat umiinom kasama ang mga lalaki, kahit na kaibigan mo pa sila. Hindi alam ni Itay ang nangyari sa 'yo dahil binuhat kita agad dito sa kuwarto mo."
Napayuko ang aking ulo.
"Sorry, Kuya."
Tinitigan niya ako. Puno ng pag-aalala ang kaniyang mga mata.
"Kung minsan, ang pag-ibig ay parang domino, Ava. Nahulog ka sa kanya pero nahulog siya sa iba."
***
"Ayos a, bagong gupit!"
Hindi talaga ako makakawala sa pang-aasar ni Filimon. Nagpabawas lamang ako ng buhok para hindi ko na ito iipitan. Hanggang balikat ang haba. Hindi man ito unat, ay mas maayos naman ito kumpara sa buhok kong araw-araw kong iniipitan.
Tahimik lamang si Angelo. Nasa loob siya ng stall at inaayos niya ang palagyanan ng mga burgers. Inaayos ko naman ang mga tables and chairs samantalang walang magawa si Filimon. Nakatayo lang siya sa tabi ko.
"May pinopormahan ba tayo, Ava?"
"Wala. Masama bang magpagupit?" walang gana kong pagkasabi.
Umupo siya sa isang monobloc. "Alam mo ba, ang sabi nila, kapag biglang nagpagupit ang isang babae ay nagmo-move on daw ito. Nabasted ka 'no?"
Tiningnan ko siya nang matalim. "Wala ka na ba talagang masabing maganda, Filimon!"
Tumawa nang malakas si Filimon. "Ava, chillax ka lang. Ano'ng nangyayari sa 'yo? Hindi ka na mabiro. Nasa'n na 'yung bumibuweltang Ava?"
Natahimik ako. Wala na! Nag-goodbye Philippines na!
Naging seryoso ang mukha ni Filimon. "Alam mo Ava, kung may problema ka ay 'wag mong papasukin sa sistema mo. Nag-iiba talaga ang isang tao kapag problemado."
Tumayo siya at bumulong sa aking tainga. "Kalimutan mo na si Angelo."
Napayuko ang aking ulo. "Pinipilit ko Filimon, kaso ang hirap."
Napahawak si Filimon sa kaniyang baba. "Siguro kung ako rin, hindi ko kakayanin kapag iniwan ako ni Glenda."
Mabilis akong napatingin sa kanya. Nakokonsensya na naman ako.
"Pero alam mo, Ava, pilitin mo na lang mag-move on. Masasaktan ka lang, lalo at inlababo si Angelo kay Arabella."
Napabuntong hininga ako. Tama siya.
"Ano'ng pinag-uusapan n'yo?"
Napalingon kami ni Filimon kay Angelo.
"Pinag-uusapan lang namin 'yong chicken mo. Ang sweet n'yo kasi."
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...