Ava
"Ang guwapo talaga niya kahit simple lang ang damit!"
Nakakainis nang pakinggan ang mga estudyanteng babae na nagpapapansin kay Angelo. Hindi naman yata burger ang ipinunta nila rito kundi ang makita si Angelo.
Hindi naman na natanggal ang ngiti sa labi ni Angelo. Gustong-gusto ba niya? Bakit noon ay ilag na ilag siya sa mga babae?
Ang bigat tuloy ng dibdib ko. Ang laki ng sinayang ko dahil sa katangahan ko. Karma ko na ito dahil 'di ko ginamit ang utak ko at higit sa lahat ay hindi ko inisip ang magiging epekto. Nagpadala ako sa aking emosyon. Nakakainis!
"Girls, heto na 'yung order n'yo," sabi ni Angelo habang iniaabot ang naka-plastic na mga burgers sa limang babae na nakaupo sa table.
NANG makaalis sila ay umupo muna ako sa monobloc na upuan. Lumapit naman si Filimon. May hawak siyang ice cream na nasa apa at inabot niya sa 'kin.
"Mag-ice cream ka muna para lumamig ang ulo mo."
Kumunot ang noo ko.
"Ano?"
Umupo siya sa katapat kong upuan. Kinuha ko naman ang ice cream at sinimulan ko itong kainin.
Si Angelo ay nasa loob ng stall na abala sa pagliligpit."Para kang sasabog kanina. 'Wag gano'n, Ava. Paano ka makakabenta kung nakasimangot ka? Buti na lang at nandiyan si Angelo kaya maraming bumibili," aniya habang nakangisi.
"Ano bang pinupunto mo?" Sinimangutan ko lang siya.
Mas lalong lumawak ang ngisi sa kaniyang mukha.
"Alam ko kung bakit ka nagkakaganiyan."
Nanlaki ang aking mga mata. Alam na ba niya na may gusto ako kay Angelo?
"H-Ha? Ano bang pinagsasabi mo?"
Humagalpak siya sa tawa. "Ganiyan ka pala ma-insecure, Ava!"
Napagdikit ko ang aking ngipin sa inis. "Nakakainis ka talaga, Filimon!"
Halos hindi na niya kayang tapusin ang tawa niya.
Biglang lumapit si Angelo sa amin. "Ano'ng pinag-uusapan n'yo?"
"Pinag-uusapan namin 'yung mga chicks mo. Parami nang parami. Baka mamaya may poultry house ka na," ani Filimon.
Napailing-iling lang si Angelo. "Malala ka na talaga, Philip."
"Itong kasama mo halos hindi na maipinta ang mukha."
Pinandilatan ko ng mata si Filimon. Ipapahiya pa talaga ako!
Napatingin lang sa akin si Angelo at ngumiti. "Bakit naman?"
"Gusto mong malaman, Gelo?" Napangisi si Filimon saka niya ako tiningnan.
"Nagseselos siya."
***
"Bagay ba sa 'kin, Ava?"
Isang oras na kaming lumilibot ni Filimon dito sa mall para mamili ng kaniyang isusuot na damit para sa date nila ni Ate Glenda.
Hindi ko akalaing ganito ang epekto sa kanya ng palaso ni Valentina.
"Bagay na 'yan. Halos nasukat mo na lahat ng nanditong damit." Napatingin ako sa aking relo. Five o'clock na ng hapon.
"Ililibre na lang kita ng dinner basta 'wag kang mainip diyan."
Napangisi ako. "Salamat, Filimon."
Nagpatuloy pa siya sa paghahanap ng kaniyang isusuot. Ipakikilala raw niya si Ate Glenda sa probinsiya nila sa susunod na linggo. Ang sabi niya sa amin ni Angelo noon ay nangako siya sa kaniyang mga kamag-anak na dadalhin niya ang isang napakagandang babae roon. Tampulan kasi ng pang-aasar si Filimon sa kanilang nayon na hindi na siya makakapag-asawa dahil hindi siya kagwapuhan, kaya bukod sa pagnanais niyang magkaroon ng napakagandang girlfriend ay nais din niyang patunayan na may magkakagusto sa kaniya na mala-diyosang babae.
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...