Chapter 5: Winged Supernatural Entities

62 16 153
                                    

Ava

"Malapit na tayo, Ava. Kaunting tiis na lang."

Ilang beses na yatang nakapunta rito si Ate Glenda dahil hindi pa rin siya hinihingal, samantalang ako ay ramdam ko na ang sakit sa mga kasu-kasuan ko. Napahinto ako sa paglalakad.

"Ate, hindi ko yata kayang tumuloy." Hinahabol ko ang aking hininga.

Nilingon niya ako at natulala sa hitsura ko. "Bakit? Pagod ka na ba?"

Huminga ako nang napakalalim bago nagsalita. "Hindi ko kayang gawin ito kay Angelo, Ate."

Habang nasa daan kami kanina ay naikuwento ko kay Ate Glenda ang tungkol sa pagtingin ko kay Angelo. Nakita ko naman ang tuwa sa kaniyang mga mata at nais din niyang makamit ko ang inaasam na pag-ibig mula kay Angelo.

"Parang pinapangunahan ko kasi ang tadhana, Ate at kung matamaan naman siya ng palaso at iibig siya sa akin ay parang ang sakit namang makita na minahal niya ako dahil lang sa kupido." Napayuko ang aking ulo. Lumapit sa akin si Ate Glenda at hinawakan niya ang aking dalawang kamay. Napatingin ako sa kaniyang dalawang malalaking mata.

"Ayaw mo bang maging masaya, Ava?"

"Gusto ko pero..." Muling napayuko ang aking ulo.

"At least hindi masasaktan si Angelo sa 'yo dahil alam mo sa sarili mo na mahal na mahal mo siya."

Gano'n ba 'yon? Kakayanin ko ba?

"Kung bakit naman kasi hindi ako maganda. Laging sinasabi ng mga tao na sakto lang ang beauty ko, 'yung hindi maganda at hindi rin pangit."

Nakita kong nanlaki ang mga mata ni Ate Glenda. "Bakit, Ava? Iniisip mo bang batayan ng love ang hitsura?"

"Bakit, hindi ba, Ate?"

Napabuntong hininga si Ate Glenda. "Hindi, Ava. Baka talagang hindi ka lang gusto ni Angelo tulad ni Abe." Napayuko ang kaniyang ulo. "Alam kong mataba ako, makapal ang mga lips, pango ang aking ilong at dinadaan ko lamang sa make-up ang contour ng mukha ko, pero hindi ko iniisip na dahilan ito kaya hindi ako magustuhan ng kuya mo, kasi kahit hindi ako maganda ay mabait naman ako."

Napabitiw ako sa kaniyang mga kamay at napahilamos sa aking mukha. Mababaliw na yata ako.

"Ano ba kasi ang batayan ng kagandahan, Ava? Kasi, ang alam ko ay beauty is in the eye of the beholder."

Sana nga gano'n.

"Pero bakit kapag nakakakita ako ng magandang babae ay alam kong may hitsura at kapag pangit naman ay alam kong pangit ito?" tanong ko sa kanya.

Napaupo ako sa isang malaking bato. Pagod na ang aking katawan kasabay ng aking isipan.

"Kasi, Ava, culture dictates the standard of beauty."

Napaupo siya sa tabi ko. "Sa tagal na ng panahong nabubuhay ang mga tao ay naging matagumpay na ang society at media sa pagdidikta sa atin ng ganda ng tao. Na-manipulate na ang ating utak na dapat ang babae ay may mga katangiang nakikita natin sa mga commercials, palabas sa tv at mga modelo. Dapat daw na ang babae ay may maliit na baywang, long legs, narrow hips, mahaba at kumikinang na buhok, flawless skin at slim body. Pero, what's the point, 'di ba? Kaya generations by generations ay pinagpapasahan na 'yang standard of beauty na 'yan na palala nang palala sa pagdaan ng modernong panahon."

Hay naku!

Natahimik na lang ako. Mukhang bagay nga sila ni kuya ko. Kahit 'di ko naintindihan ay tumango na lang ako. Pagod na kasi ako kaya hindi na gumagana ang utak ko.

"Pero, Ava, believe me, hindi batayan ang hitsura sa love. Baka nagkataon lang na 'di talaga tayo napapansin ng ating mga hinahangaan kaya kailangan nating humingi ng tulong sa mga Amor. Isipin natin ang ating mga sarili upang tayo ay sumaya."

Sandali akong napatitig sa kaniyang mga mata. Handa nga ba akong sumaya kapalit ng karapatan ni Angelo na magmahal? Kasalanan ba ito?

Hindi ko namalayan ay tumayo na ako at magkasabay na naming tinatahak ang masukal na daan papunta sa mga Amor.

***

NANG marating namin ang mataas na bahagi ng bundok ay tila nawala ang aking pagod nang matanaw ko ang napakagandang pagsikat ng araw. Hindi na kami umakyat sa pinakaitaas. Tumigil kami sa isang parte nito na puno ng mga iba't ibang ligaw na mga halaman at nagtataasang mga talahib. Hindi na kami dumaan sa bandang inaakyat ng mga turista kaya mas matarik ang aming dinaanan ni ate Glenda. Kung may camera lang sana ang cellphone ko ay kumuha na ako ng maraming litrato.

Gusto ko na rin talagang maramdaman ang mahalin ako ni Angelo, kaya kahit nagdadalawang-isip ako ay hihingi na rin ako ng tulong sa mga Amor. Gusto kong maging masaya.

"Nandito na tayo."

Inilibot ko ang aking paningin ngunit tulad ng aming mga nakita kanina ay puro bato at puno lamang ang aking nakikita.

Tama ba ang narinig ko?

"Dito?"

Ipinikit ni Ate Glenda ang kaniyang mga mata habang ikinukumpas ang kaniyang dalawang kamay sa ere na tila maihahambing ko sa mga taong gumagawa ng yoga.

Wow, ang weird.

Dumaan ang malakas ng ihip ng hangin. Napahawak ako sa dibdib ko dahil akala ko ay magkakaroon na ng buhawi. Nanlaki ang aking mga mata nang may mga lumilipad sa aming paligid. Kinusot ko nang maraming beses ang aking mga mata at nakaramdam ako ng matinding kaba nang umapak ang sampung maliliit na mga babae sa harapan namin.

Hindi ko alam kung bakit maliliit sila, kalahati lamang ng katawan namin ni Ate Glenda. Napahawak ako sa aking bibig dahil hindi ko alam kung mapapahanga ba ako sa kanilang angking ganda o matatakot dahil hindi ko maipaliwanag kung ano talaga sila.

Nanginginig ang mga palad ko. Ramdam ko rin ang kaba sa puso ko kasabay ng pag-ikot ng aking sikmura.

Umabot hanggang tuhod ang haba ng kanilang maputing buhok. Sa sobrang puti nito ay kumikinang kapag nasisikatan ng araw. Mayroon silang mga pakpak na maliliit lamang na nakakabit sa ibabang parte ng kanilang likod. Nakasuot sila ng puting damit na umabot ang haba hanggang sa kanilang talampakan. Kumikinang din ito na parang ilaw sa lumiliwanag na bukana ng araw. Ang kanilang balat ay parang kasing puti ng niyebe, kung iisipin ay mukha silang mga batang Albino. Ang kanilang mga labi ay mapuputi rin, tanging ang mga bilog na parte lamang ng kanilang mga mata ang kulay itim.

Ngunit ang mas nakapukaw ng aking pansin ay ang pana na nakasukbit sa kanilang likuran. Kulay pula ito at may hugis na puso sa dulo ng palaso.

Anong klaseng mga nilalang ito?

Nais kong tumakbo at bumalik na sa Manila pero natatakot akong gumalaw sa kinatatayuan ko. Para akong hihimatayin!

Ito ba ang sinasabi ni Ate Glenda na mga kupido? Ang alam ko sa mga ganoon ay mukhang mga sanggol na walang saplot, mala-anghel ang mga mukha na gawa-gawa lamang na paksa ng mga tao noon. Ngunit ang mga kaharap namin ngayon ay tila mga sundalong haharap sa giyera. Nanginginig ang aking mga tuhod at ramdam ko ang talim ng kanilang paningin. Nakangiti sila ngunit iba ang sinasabi ng kanilang mga mata.

Hindi ako makagalaw. Parang naka-glue ang mga paa ko sa lupa. Muntik na akong mawalan ng balanse nang lumapit ang babaeng pinakamatangkad sa kanilang lahat. Sa sobrang kaba ko na kaharap ko siya ay tila anumang oras ay mahihimatay ako at mahuhulog dito. Nagulat ako nang bigla siyang nagsalita.

"Ako si Leona."

•••••

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon