Chapter 23: I LOVE YOU

59 14 221
                                    

Ava

"Ano 'yan?"

"Cake."

"Alam ko. Hindi ako tanga. Para sa'n 'yan?"

Hindi ko na alam kung paano ko pa mapapagaan ang sitwasyon namin ni Filimon.

"Gusto ko lang na gumaan ang pakiramdam mo. I'm sorry, Filimon. Alam kong nagkamali ako."

Hindi niya nagawang tingnan ang dala kong cake dahil abala siya sa paglilinis sa loob ng ice cream truck.

"Filimon, please. . ."

"Hindi mo ba nakikita, Ava? Busy ako! Doon ka na at baka itapon ko sa 'yo 'tong mga icecream dito." Tiningnan niya ako nang matalim. Ang sakit isipin na nagkaganito ang pagkakaibigan namin.

Sumikip na naman ang aking dibdib. "Filimon, gusto ko lang pagaanin ang nararamdaman mo."

Napabuga ng hangin si Filimon. Kinagat niya nang madiin ang ibabang labi niya.

"Ano ba, Ava? Hindi ka ba nakakaintindi? Gusto mong malaman kung anong nararamdaman ko?" singhal niya sa akin.

Lumabas si Levi sa burger stall at naramdaman ko siya sa aking likuran. Hinawakan niya ako sa braso at pilit na pinababalik sa burger stall, ngunit nanatili ako sa harapan ng ice cream truck.

"Philip, huwag kang sumigaw," sabi ni Levi.

Ibinato ni Filimon ang hawak niyang pamunas sa sahig at lumabas siya ng ice cream truck para harapin kami ni Levi. Nakakatakot ang nanlilisik niyang mga mata.

"Kapag binibiro kita, hindi naman totoo ang mga 'yon. Maganda ka, Ava, pero gustong-gusto lang kitang biruin alam mo ba 'yon? Pero kahit kailan ay 'di kita niloko! Tapos 'yang aksidenteng nagawa ni Glenda ay hindi mo man lang sinabi sa 'kin! Maiintindihan ko naman kung sasabihin mo sa akin para 'di na ako nagmukhang tanga! Akala ko kaibigan kita, pero pinagmukha n'yo akong gago! Para ano? Siguro tinatawanan mo ako kasi alam mong hindi si Glenda ang tipo ko pero shit—winalanghiya mo lang ang pagkakaibigan natin!"

Halos duruin na ako ni Filimon na lalong nakapagpadurog sa aking puso. Tama naman siya. Namumuo na ang luha sa aking mga mata.

Nagulat na lang ako nang itulak siya ni Levi. Agad akong pumunta sa pagitan nilang dalawa at hinawakan ko sa braso si Levi.

"Pinsan kita pero h'wag mong pagsalitaan ng ganyan si Ava. Gustong-gusto niyang sabihin sa 'yo, pero maski siya ay hindi alam ang gagawin."

Hindi tiningnan ni Filimon si Levi. Direkta lamang ang paningin niya sa akin. Matalim at malalim ang pagtama ng mga mata niya sa aking nagmamakaawang mga mata.

"Mapapatawad lang kita kapag nagawan mo ng paraan na hindi mamamatay si Gelo!"

Nanlaki ang aking mga mata. "At isa pa, nagpakita 'yung Amor na si Valentina sa 'kin kagabi! Dahil nalaman ko na ang totoo ay nawalan na ng bisa ang kaniyang palaso. Hindi na ako kailangang pakisamahan ni Glenda para hindi na ako mamatay! Buhay ng tao ang pinaglaruan n'yo, Ava! Pero alam mo kung ano'ng pinakamasakit?"

"A-Ano?" Hindi ko alam kung bakit nawalan na ako ng boses.

"Mahal ko na si Glenda!"

***

"Sana ay gumaan na ang pakiramdam ni Filimon."

"Sana. . . pero hindi naman tama ang mga sinabi niya sa 'yo."

Hindi na pumasok si Filimon ngayong araw na ito. Ang boss niya ang kasalukuyang nagtitinda sa ice cream truck. Hindi ko makalimutan ang mga galit niyang mata kahapon.

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon