Chapter 16: Logical Theory

65 15 180
                                    

Ava

"Ano 'yan, Filimon?"

"Pabango, Ava. Ibibigay ko kay Glenda."
Ibinabalot ni Filimon ang isang box na may laman na pabango.

Bigla tuloy akong naawa sa kanya. Sana mapatawad mo ako, Filimon.

"Sandali, binilhan din kita." Tumayo siya at pumasok sa ice cream truck.

Mas lalo tuloy akong nalungkot. Lumabas siya ng ice cream truck at inabot niya sa akin ang pabango na nasa pink na palagyanan.

"Ayan, para bumango ka naman."

Bigla akong napangiti. "Nakaka-touch ka naman, Filimon."

Muli siyang umupo at itinuloy niya ang ginagawa niya.

"'Wag kang assuming, Ava, ha, may Glenda na ako. Gusto ko lang na bumango ka." Hindi siya makatingin sa akin.

Hinila ko ang monobloc sa tabi niya at umupo rin ako. "Ikaw talaga, Filimon. Siyempre bestfriend mo ako kaya mo ako binigyan."

Kitang-kita ko kung paano namula ang pisngi niya.

"Tumigil ka na, Ava."

Inamoy ko ang pabango. Ang bango... "Salamat, Filimon."

Tumango lang siya na hindi nakatingin sa akin. "Ava, may tatanungin pala ako sa 'yo."

"Ano 'yon?"

Napatingin siya sa akin at seryoso ang kaniyang mukha.

"Akala ko ba, si Angelo ang gusto mo. Bakit biglang si Levi na? Alam ko namang hindi mo siya niloloko, pero ang pangit naman kung rebound lang siya."

Huminga ako nang malalim at napatingin ako sa burger stall. Hawak ni Levi ang malaking notebook na pinagsusulatan namin ng mga nabebenta namin. Binibilang niya ang mga paninda.

Hindi ko puwedeng sabihin kay Filimon na nagkukunwari lang kami. Ang hirap nito.

"Hindi ko siya ginagawang rebound, Filimon. Hindi ko na mahal si Angelo."

Nanlaki ang mga mata ko. Bakit ang gaan lang ng pagkasabi ko? Hindi ko na ba mahal si Angelo?

Tumango lang si Filimon. "Mabuti naman kung gano'n, Ava. Ayaw ko kasing masaktan si insan. Ayaw rin kitang masaktan kung sakali."

Napatitig na lang ako kay Filimon na muling nagpatuloy sa ginagawa niya. Ang sarap sa pakiramdam na sa kabila ng aming mga biruan ay nangingibabaw pa rin ang pagkakaibigan namin.

Tuluyan na akong nalungkot dahil sa isang reyalisasyon.

Hindi ko yata kakayanin kapag nalaman ni Filimon ang totoo.

Patawarin mo sana ako... kaibigan.

***

"Ano na naman itong pinasok mo, Ava?"

Seryoso ang mukha ni Kuya habang nakatingin sa akin. Hindi ako makapagsalita dahil sa hiya.

"May boyfriend ka na raw sabi ni Angelo? Kailan pa, Ava?"

Nanginginig ang aking mga daliri na pilit kong pinapakalma sa ilalim ng lamesa ng aming pagkainan.

"Kuya, huwag kang maingay dahil baka marinig tayo ni Papa."

Sumandal si kuya sa upuan. Ramdam kong nawawalan na siya ng pasensiya sa akin. Nasa harapan ko siya at hinihintay niya ang aking sasabihin.

"Hindi ko siya boyfriend, Kuya. Nagpapanggap lamang kami sa harap ni Angelo."

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon