Chapter 3: Uncontrolled Envy

79 17 208
                                    

Ava

"Natuwa 'yung teacher ko ate, salamat sa pagtulong sa akin sa project ko."

"Mabuti naman kung gano'n. Nahirapan din tayo sa pag-iipon ng mga balat ng itlog." Sabay kaming natawa ni Angel.

Inipon ko talaga ang mga balat ng itlog para sa egg mosaic na project ni Angel.

"Heto pala ate 'yung bayad ko sa burger." Inaabot niya sa akin ang fifty-pesos.

"Ano ka ba Angel, libre ko na 'yan sa 'yo."
Napangiti si Angel. Napakaganda talaga niya at hindi niya kailangang maging maputi para masabing maganda. Halos lahat yata silang magkakapatid ay nabiyayaan ng napaka-among mukha.

Malapit sa akin si Angel. Alam din niya na may lihim akong pagtingin para sa kaniyang kuya Angelo. Suportado naman niya ang aking nararamdaman at nais niyang ipagtapat ko sana ito, ngunit natatakot ako na mailang sa akin si Angelo. Hindi ko kakayaning mapalayo kay Angelo.

Eighteen years old na si Angel, siya ang pumapangalawa sa panganay, sumusunod naman si Angela na sixteen years old at ang bunso na si Angelina na eleven years old.

"Bakit nandito ka Angel?" tanong ni Angelo.

Kararating niya dahil bumili siya ng mailuluto nila para sa hapunan. Kasalukuyan kong pinupunasan ang pinaglulutuan namin.

"Dinalaw ko lang si ate Ava, kuya. Uuwi na rin ako."

Napatango lamang si Angelo at napatingin sa akin. Nginitian ko siya nang sobra na halos ilabas ko lahat ng aking ngipin ngunit agad din niyang inalis ang paningin niya sa akin.

Ngipin ko na nga lang ang maganda sa akin ay 'di pa niya magawang tingnan.

"Iuwi mo na itong nabili kong karne ng baboy at repolyo para may hapunan tayo."

"Sige, kuya."

Tumayo na si Angel at kinuha ang pinamili ni Angelo at tumingin sa akin.

"Salamat ulit, ate. The best ka talaga."

***

"Palagi na lang gulay ang baon mo, Ava. Mukha ka ng dahon."

Tumawa nang malakas si Filimon. Sinimangutan ko lang siya. Tanghali na at wala pa namang bumibili kaya sabay-sabay kaming kumakain na tatlo.

Sawang-sawa na rin ako sa gulay pero hindi namin kayang bumili ng karne araw-araw.

"Ano ka ba, Philip. Masustansya ang gulay at malaki ang benefits nito sa katawan natin," ani Angelo.

Buti pa si Angelo.

Nanlaki na lang ang aking mga mata nang ilagay ni Angelo ang isang piraso ng prinitong galunggong sa baunan ko. Dalawa kasi ang baon niya.

"Bakit 'to?"

Tipid siyang ngumiti. "Okay na 'tong isa sa'kin. Sa 'yo na 'yan."

Nag-init ang aking mga pisngi. Nakakahiya!

"S-Salamat, Angelo."

Tipid siyang ngumiti.

Biglang tumawa si Filimon. "Ayos a, para kayong nasa Elementary. Sharing is Caring!"

Napailing na lang ang ulo ni Angelo at tiningnan ko lang nang masama si Filimon.

Wala ng naka-imik sa aming tatlo.

Napangiti na lang ako sa aking sarili dahil binigay ni Angelo ang mas malaking galunggong sa akin.

***

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon