Ava
"Lilith?"
"Nagkita rin tayo, Ava."
Pare-pareho lang ang mukha ng mga Amor, pero alam kong si Lilith ang kaharap ko base sa kaniyang singkit na mga mata na kahawig ni Leona. Kung noon ay masungit ang tingin ko sa kaniya, ngayon naman ay para siyang ahas na anumang oras ay kaya akong tuklawin.
"A-Anong ginagawa mo rito? May kailangan ka ba sa akin?" Pinipilit kong maging kalmado, kahit sa totoo lang ay gumapang na ang takot sa kaloob-looban ng katawan ko.
Dahan-dahan siyang lumapit sa akin. Napatayo ako at napaatras. Napatigil ako nang maramdaman ko ang dingding sa aking likuran.
"G-Gusto mo ba ng k-kape? O ano?" Ano bang sinasabi ko? Ramdam ko ang pawis sa aking noo. Gusto kong tumakbo dahil nakakatakot ang kaniyang mga mata.
"Ang sabi ng Babaylan ay kailangang mamatay ni Angelo para makamtan namin ang kapayapaan at katahimikan." Ang tinis ng kaniyang boses. Masakit ito sa tainga.
Kakaibang kaba ang nararamdaman ko. Nakakatakot. Nakakaiyak.
Napakuyom ang aking kamao. Sa kabila ng takot ay namumuo ang galit sa 'kin.
"Kaya mo ba siya pinana?" Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas ng loob ngunit tila may nagsindi ng apoy sa loob ng aking puso dahil sa sinabi niya.
"Oo. Dalawang beses dapat na makontra ang kapangyarihan ng palaso mula sa may pinakamabigat ang kasalanan. Kami 'yon ng kapatid ko. At para maisakatuparan ang kamatayan ng sampung Amor ay kailangang may magsakripisyo... kamatayan ng lalaking pareho naming pinana ni Leona."
Napahawak ako sa aking dibdib. Hindi ito maaari! Sana masamang panaginip lang ito. Hindi puwede! Hindi maaaring mamatay si Angelo!
"Hindi ka ba nakokonsensya? Gusto mong mamatay ang isang inosenteng tao para lang matapos 'yang parusa sa inyo? Dapat mabuhay si Angelo dahil wala siyang ginawang masama. Deserve mo 'yang parusa mo!"
Laking gulat ko nang nasa leeg ko na ang mga kamay niya at diniinan niya ito. Ramdam ko ang tusok na siguradong magpapahinto ng buhay ko. Gusto kong sumigaw ngunit hindi ko mahanap ang aking boses. Hindi ako makahinga. Ramdam ko ang pagbagsak ng mga luha mula sa aking mga mata.
Katapusan ko na ba?
Papa! Kuya!
"Lilith."
Bumagsak ako sa sahig at agad akong napahawak sa aking leeg. Tumingala ako at nakita ko si Leona sa aking harapan. Dahan-dahan niya akong itinayo.
"Ava, nakakahinga ka ba?"
Tumango ako. Nakita ko si Lilith sa tabi ng pintuan at naroon pa rin sa kaniyang mga mata ang nag-aalab na galit.
"Lilith, huwag mong idamay si Ava!" singhal ni Leona sa kanya.
Tiningnan ni Lilith si Leona nang matalim.
"Nahihibang ka na Leona! Dalawang beses ng nakontra ang palaso, kamatayan na lang ni Angelo ang hinihintay natin. Dapat magpakita na tayo sa kanya para matapos na ang buhay niya at makalaya na tayo rito sa impyernong hindi matapos-tapos!"
Lumapit si Leona kay Lilith. Ramdam ko ang tensyon sa pagitan nilang dalawa.
"Hindi ko kayang makita na may mamamatay nang dahil sa atin. Kung kamatayan pala ang kapalit ng ating paglaya ay mas gugustuhin ko na lang na manatiling buhay! Huwag mo nang dagdagan pa ang mga kasalanan mo. Tama na Lilith!"
Ano bang nangyayari? Sana ay isang masamang panaginip na lang ang lahat ng ito.
"Iyon lang ang tanging paraan! Hanggang kailan tayo magtitiis? Hanggang kailan!"
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...