Chapter 29: The Other Man

41 17 164
                                    

Ava

Wala ng mas sasakit pa sa katotohanang ako'y bunga ng isang huwad na pagmamahal.

Paano ko pa ba i-de-describe kung saan ako nagmula? Peke, mapanlinlang, o mandaraya? Kami ni Kuya ay bunga lamang ng isang maramot na pagmamahal.

Ngayon ay naiintindihan ko na. Kung sakaling walang gusto sa akin si Angelo noon at nagtagumpay ang bow and arrow of love ni Leona ay magsasama kami nang masaya ni Angelo. Maaari kaming bumuo ng maraming anak at magkaroon ng masayang pamilya. Pero, hindi ko naisip na hindi si Angelo ang niloloko ko, kundi ang sarili ko. Ganito rin ang mararamdaman ng mga magiging anak ko kung sakaling malaman nila ang katotohanan. At ang isa pang bagay na alam kong magtutuldok sa samahan namin ni Kuya ay kung siya ang tinamaan ng palaso ni Valentina. Mahal na mahal ako ni Kuya at lahat ay ginagawa niya para sa akin. Nasa wastong edad na siya ng pag-aasawa ngunit isinantabi niya ito dahil nag-iipon sila ni Papa ng perang pang-aral ko.

Napahilamos ako sa aking mukha. Sumasayaw ang mga dahon sa puno na para bang naiintindihan nila ang nararamdaman ko. Narito na kami sa Balungao at nakapagtatakang mayroon na kaming tirahan agad. Inuupahan namin ang isang bahay na malapit kina Ate Glenda. Pagdating namin ay may mga sarili na kaming mga gamit. Hindi na ako nagtanong dahil masama ang loob ko kay Papa.

Naninibago ako rito at nami-miss ko na sina Filimon at Angelo. Naalala ko ang huling paalam ko sa kanila.

"Palagi kang tatawag, Ava, ha."

"Oo naman, Filimon. Kung gusto mo ay hahanapan kita roon ng binibini."

Napailing si Filimon. "H'wag na. Noong huling punta mo sa Balungao ay nagdala ka talaga ng binibini sa buhay ko."

Tumawa siya nang malakas samantalang tipid akong ngumiti. Napatingin naman ako kay Angelo na kanina pa nakatingin sa akin.

"Angelo, maraming salamat sa lahat-lahat. Hindi kita makakalimutan."

Hinawi niya ang buhok na humarang sa aking mga mata saka niya ito inipit sa likod ng aking tainga.

"Ava, mami-miss kita. Gusto kitang samahan sa Balungao. Gusto kong makasama mo ako sa laban na 'to."

Matingkad kong nginitian si Angelo. "Hindi na, Angelo. Mas kailangan ka ng mga kapatid mo rito. Palagi akong tatawag sa inyo ni Philip at magkikita tayong muli."

Lumapit siya sa akin at niyakap ako. Marahan niyang hinaplos ang aking likod. "Mabuhay ka at maging masaya, Ava. Nandito lang kami para sa 'yo."

Napatango ako kasabay ng isang ngiting nahaluan ng luhang bunga ng kagalakan.

"Ikaw rin, Angelo. Sana ay maging masaya ka."

"Group hug na tayo. Dapat kasali ako," sabi ni Filimon. Lumapit si Filimon at niyakap niya kami. Niyakap nila ako nang mahigpit.

Tumayo na ako at pinagpagan ang aking pantalon. Maghahanap ako ng trabaho ngayon sa bayan. Sumaglit muna ako rito sa paanan ng bundok para makapag-isip. Bukas ay dadalhin nila ako sa sinasabi nina Kuya na manggagamot. Nagalit din daw si Kuya kay Papa nang malaman niya ang totoo, pero ayaw na niyang manisi dahil ganito na nga ang sitwasyon namin.

Ipinapana ni Papa si Mama kay Leona noon at minahal ni Mama si papa. Nabuo kami ni Kuya habang nasa ilalim ng kapangyarihan ni Leona si Mama. Mukhang may pinagmanahan ako at si papa 'yon. Naaawa ako nang sobra kay Mama.

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon