Ava
"Tungkol ba sa mga Amor ang sasabihin mo?"
Napatingin ako kay Kuya na napaawang din ang mga labi. Tulad ko ay hindi namin inaasahan ang sinabi ni Angelo. Mas lalo namang naging madiin ang pagkakahawak ni Levi sa aking kamay, marahil ay hindi na niya ito namamalayan dahil sa pagkagulat.
"A-Ano?" Bakit ba ako nagtatanong? Natuyuan na yata ako ng laway. Hindi ko inaasahan ito.
"Amor? Amor Powers? Teleserye lang pala ang pag-uusapan natin?" hindi makapaniwalang tanong ni Filimon. Napailing-iling ang kaniyang ulo. Nakangisi siya na malapit nang matawa. Hindi naman maipinta ang mukha ni Ate Glenda. Nakangiwi ang kaniyang mga labi.
Kainis! 'Di ko talaga inaasahan ito.
"Narinig ko kayong nag-uusap ni Levi kahapon. Ang sabi mo sa kanya ay handa ka nang sabihin sa amin ni Philip ang tungkol sa mga Amor. Hindi ko rin alam kung paano mo nalaman pero nakakita ako ng isang Amor."
Hala?
"Kailan?" Dapat hindi sila magpakita sa kanya!
Diretso lang ang mga mata niya sa akin. "Noong kami pa ni Ara. Isa siyang batang babae kung titingnan, puti ang kulay ng kaniyang buhok, hanggang sa damit at balat."
Napanganga ako sa aking narinig. Pare-pareho ang reaksyon naming lahat maliban kay Filimon.
Saan?
"Wow! Hindi ko nagi-gets, Gelo. Ano 'to? Kwentuhan ng horror?" Napahagalpak sa tawa si Filimon saka napahawak sa kaniyang baba. Hindi naman siya pinansin ni Angelo.
"S-Saan mo nakita ang Amor?" Ang lakas ng tibok ng aking puso. Hindi ko kakayanin kung magpapakita sila kay Angelo.
Huminga muna siya nang malalim bago nagsalita. Diretso lamang siyang nakatingin sa aking mga mata. Tila nagsusukatan kami ng paningin.
"Noong magkarelasyon pa kami ni Ara ay nakita ko siyang kausap ang isang bata. Lalapitan ko sana sila nang mapansin ko ang pana at pakpak sa likuran niya. Akala ko ay naka-costume lang ang bata, ngunit seryoso silang nag-uusap. Nagpasalamat si Ara sa bata dahil natupad daw ang kahilingan niya. Kakaiba ang naramdaman ko sa sinabi ni Ara, kaya magmula noon ay mas naging mapagmatyag ako. Muli ko na naman itong nakita noong palagi kaming nag-aaway ni Ara. Nais ni Ara na panain akong muli. Hindi ko alam kung ano'ng pana ang tinutukoy niya. Hindi ko naintindihan ang sinabi ni Ara kaya nagpunta ako sa Quiapo. May nakausap akong isang matandang manghuhula. Ang sabi niya sa akin ay nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng isang masamang elemento. Naikuwento ko sa kanya na may girlfriend ako at sinabi niya na hindi totoo ang nararamdaman kong pagmamahal para kay Ara. Kaya pala palagi akong napapaisip na parang may mali sa akin." Hindi inalis ni Angelo ang paningin niya sa akin.
Napasandal ako sa aking upuan. Hinila ko ang aking kamay sa pagkakahawak ni Levi at napahilamos ako sa aking mukha. Mas mahirap pa palang marinig ito mula kay Angelo. Naaawa ako sa kanya. Ang bigat ng dibdib ko.
Balak pa pala niyang ipapana ulit si Angelo! Mas maramot ang kaniyang pagmamahal kaysa sa akin. Alam kong mali rin ako noon pero pilit ko itong itinatama.
Tahimik lamang si kuya. Marahil ay tinitimpla muna niya ang lalabas sa bibig niya.
"Anak ng teteng! Wala akong naiintindihan! Gusto mo bang sabihin na ipinapana ka ni Arabella, kinupido, parang gano'n ba 'yon? Parang ginayuma ka gano'n?" Hindi naniniwala si Filimon pero sa tingin ko ay unti-unti na niyang naiintindihan ang sinasabi ni Angelo. Pilit na ang kaniyang pagtawa.
Mas lalo akong kinakabahan habang lumalalim ang aming usapan.
"Oo, dahil hindi naman gano'n kabilis mahulog ang loob ko sa isang babae. Alam mo 'yan, Philip dahil kaibigan kita." Seryosong napatingin si Angelo kay Filimon.
![](https://img.wattpad.com/cover/252870143-288-k204740.jpg)
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...