Ava
"Miss, kulang ang sukli ko."
"P-Pasensiya na po." Aligaga akong naghanap ng barya at nagbilang para sa sukli ng ale. Maraming tao ang bumibili ngayong araw na ito.
"Ava, sunog na ang mga patties," puna ni Angelo.
Nilingon ko ang mga patties at minadali ko ang mga ito na binaliktad.
"Miss, ano ba? Kanina pa kami rito."
Oo pala!
"Magkano po ang pera n'yo?" Narinig kong tanong ni Angelo sa aleng naiinip na sa paghihintay.
Napatalikod na lang ako dahil sa hiya. Alam kong wala ako sa aking sarili at buong gabi akong umiyak dahil sa nangyari. May gusto sa akin si Angelo ngunit pinangunahan ko ang tadhana kaya natitikman ko ngayon ang sarili kong katangahan.
"Ava, sunog na ang mga patties!" Napataas ang boses ni Angelo dahilan para bumalik ako sa aking wisyo. Sobrang itim ng hitsura ng mga patties at hindi na namin ito puwedeng ibenta. Kumuha ako ng panibago, ngunit inagaw sa akin ito ni Angelo at sinumulan niyang magluto.
Bakas sa mukha niya ang matinding inis na mas nakapagpadurog ng aking puso. Kahit kailan ay hindi nainis sa akin si Angelo kahit na magkamali pa ako.
"Umuwi ka na lang kaysa wala ka sa sarili mo," pabulong ngunit may diin niyang pagkasabi.
Napahawak ako sa aking dibdib at naramdaman kong tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata. Umiiyak na pala ako.
NANG matapos kami at wala na ang mga tao ay lumabas ako ng stall upang magpulot ng mga basura at punasan ang lamesa. Lumapit si Filimon at umupo sa monobloc chair. Lumabas naman si Angelo para walisan ang mga nahulog na mga pagkain.
"Sa susunod ay ayusin mo ang trabaho para hindi tayo mapagalitan ni boss kung sakali. Maraming nasayang na patties," naiiritang pagkasabi ni Angelo.
Napatango na lang ako saka umupo sa tapat ni Filimon.
"Hoy, Gelo, ano'ng nangyari sa 'yo, para kang nireregla," sabi ni Filimon. Napalingon siya sa akin at pinagmasdan akong mabuti. "May sakit ka ba, Ava?"
"W-Wala naman, Philip."
Nagpakawala ng munting tawa si Filimon. "May sakit ka nga, kasi tinawag mo ako sa palayaw ko."
Lumapit si Angelo at hinila ang monobloc sa tabi ko saka siya umupo. Tumingin siya sa akin saka napayuko. "I'm sorry, Ava, hindi lang ako nakatulog nang maayos. 'Di ko maintindihan pero parang badtrip ako kahit wala namang dahilan."
Napailing naman ang ulo ni Filimon.
"Ayan tayo e, kapag naiinis ay dapat huwag ibaling sa iba," sagot ni Filimon. Napahawak siya sa kaniyang baba. "Pansin ko nga kahapon, parang wala ka sa sarili, pare."
Napatingin si Angelo sa mga puno. "Hindi ko alam. Parang may nawala sa akin na 'di ko maipaliwanag, basta ang alam ko ay may masakit akong nararamdaman sa loob ng puso ko."
Tumawa nang malakas si Filimon. "'Lang'ya pare! Baka binasted ka ng katagpo mo kahapon."
Napakunot ang noo ni Angelo. "Katagpo?"
Napakamot sa ulo si Filimon. "Siguro nagdahilan ka lang kasi may bibilhin ka." Umiling-iling ang kaniyang ulo. "Ako nga rin e, nakaramdam ako ng isang bagay na hindi ko maipaliwanag kahapon. Parang masaya, parang may makati rito." Itinuro ni Filimon ang kaniyang dibdib.
Napahilamos ako sa aking mukha. Kasalanan ko! Ang sama ko! Nagawa ko 'to sa kanilang dalawa!
"Ava."
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...