Chapter 27: The Pain

57 15 161
                                    

Ava

"Ava, sandali."

Napalingon ako kay Angelo na tumatakbo palapit sa akin. Pauwi na ako galing trabaho. Hindi ko alam kung paano natapos ang araw ko. Pakiramdam ko ay wala talaga ako sa aking sarili. May bago akong kasama sa trabaho pero hindi ko matandaan ang pangalan niya.

"Alam ko na ang totoo, Ava. Sinabi sa akin ni Kuya Abe. Ayaw kong mamatay ka, Ava. Please, mahalin mo ako." Dahan-dahang lumuhod si Angelo sa harapan ko.

"Ano bang ginagawa mo?" walang gana kong tanong. "Tumayo ka na riyan." Pinilit kong hinila siya sa kamay. Tumayo siya at puno ng luha ang kaniyang mga mata.

Muntik na akong mawalan ng balanse nang bigla niyang sinunggaban ang aking mga labi ng isang mapangahas na halik.

Buong lakas ko siyang itinulak at mabilis na tumama ang aking palad sa kaniyang pisngi.

"Ano 'yon, Angelo?" Kumawala ang aking mga luha.

"Ava, gusto kitang mabuhay. Mahalin mo na ako!" Pasigaw na ang kaniyang boses.

"Hindi 'yon gano'n kadali! Mas gusto ko pang mamatay kaysa ikaw ang mamatay, Angelo! Wala kang kasalanan, hindi ka dapat mamatay!"

Mabilis akong tumalikod at naglakad ngunit bigla niyang hinawakan ang aking baywang at niyakap mula sa aking likuran. Ramdam ko ang hininga niya sa likuran ng aking tainga.

"Handa akong ibigay ang buhay ko, 'wag ka lang mamatay, Ava."

***

"Ano ba'ng balak mong mangyari sa buhay mo?"

Tiningnan ko lamang si Kuya.

"Maghahanap ako ng trabaho."

Napahilamos sa kaniyang mukha si Kuya. "Hindi 'yon ang pinupunto ko. Ayos lang naman kung hindi ka magtrabaho, pero gusto kong bumalik ka sa dati. Nag-aalala ako sa'yo, Ava."

Nag-resign na ako sa trabaho. Apektado kasi ng aking emosyon ang pagbebenta ko. Hindi ko gustong magkaganito ako, pero hindi ko talaga kaya. Labis na rin ang hiyang nararamdaman ko sa tuwing napapagalitan ako ng boss ko.

"Hindi ko alam, Kuya. Sa tuwing pinipilit ko ay napanghihinaan ako ng loob."

Hindi ko na rin maintindihan ang aking sarili. Napakagulo ng aking kuwarto, halos hindi rin ako makakain. Nawawalan ako ng ganang gumalaw at nais ko lamang magmukmok dito sa loob ng aking silid.

"Hindi ka na babalikan ni Levi! Lumayo siya para mabuhay ka, pero ano'ng ginagawa mo sa buhay mo? Hanggang kailan ka magiging ganyan!" Hindi naman siya sumisigaw pero ramdam ko ang pagkadesperado sa kaniyang boses.

Iniwan na ako ni Levi.

Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang umalis si Levi. Pakiramdam ko ay wala rito ang puso ko. Naluluha pa rin ako sa tuwing naririnig ko ang kaniyang pangalan. Gusto ko siyang makita. Gusto kong marinig ang mga biro niya at gusto ko siyang makasama, pero iniwan na niya ako. Hindi ko rin naman gustong makita si Angelo. Araw-araw niya akong dinadalaw, ngunit wala akong nararamdaman para sa kanya.

Naramdaman ko ang pag-upo ni Kuya sa gilid ng aking kama. Alam kong labis ang pag-aalala nila ni Papa. Ang akala naman ni Papa ay naghiwalay na kami. Hindi na siya nagtanong pa at nakatulong ito sa akin dahil napapagod na akong sumagot sa mga katanungan. Hindi ko rin alam kung paano ako mamamatay, pero ngayon pa lang ay para na ring pinatay ang puso ko.

"Noon, baliw na baliw ka kay Angelo. Dumating pa sa punto na pinapana mo siya. Ngayong siya naman ang narito at inalayan ka ng tunay na pag-ibig ay 'di mo naman magawang mahalin siya pabalik."

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon