Ava
"Handa ka na ba?"
"Handang handa na," sagot ni Ate Glenda kay Valentina.
Narito kami sa rooftop ng isang building. Tulad ng ginawa ni Ate Glenda sa bundok ay itinaas niya kanina ang kaniyang dalawang kamay habang nakapikit at dahan-dahang nagkaroon ng malakas na hangin. Ipinikit ko rin ang aking mga mata dahil sa malamig na pagdampi ng hangin sa aking mukha.
Nang imulat ko ang aking mga mata ay nasa harapan ko na ang dalawang Amor na sina Valentina at Leona. Nagpaalam muna ako kay Angelo na may bibilhin sa palengke kaya naiwan siya sa burger stall.
Hawak ni Ate Glenda ang binoculars habang tinatanaw si kuya na nasa palengke. Kinakabahan naman ako dahil mapapana ang aking kuya. Paano kung magkagusto si Kuya kay Ate Glenda na alam ko namang siguradong mangyayari dahil nakita kong makapangyarihan ang mga Amor.
Tama ba ito? Kawawa naman si kuya.
"Sigurado na ba tayo?"
Napatingin sila sa akin.
"Oo, Ava. Gusto mo bang wala ng magmahal sa kuya mo? Tumatanda na rin siya, Ava. Kailangan niya ng mag-aalaga sa kanya at ako iyon, Ava. Mamahalin ko siya nang higit pa sa sarili ko."
Natulala nalang ako. Mukhang wala nang atrasan 'to.
Napangiti si ate Glenda. "Simulan na natin."
"Uno."
Itinaas ni Valentina ang kaniyang pana. Napahawak ako sa aking dibdib.
"Dos."
Dahan-dahan niyang hinila ang bowstring gamit ang kaniyang kanang kamay hanggang sa magpantay ito sa kaniyang tainga. Inihanay niya ang dulo ng palaso sa kinaroroonan ni kuya.
Ang bilis ng tibok ng puso ko. Kitang-kita ang malawak na ngiti sa mukha ni ate Glenda.
Bigla akong kinabahan at mas lalong dumagundong ang lakas ng tambol ng aking puso nang magsalita muli si Valentina.
"Tres!"
Nagwagi siyang napakawalan ang palaso ngunit agad na sumigaw si Valentina at napatakip sa kaniyang bibig si Ate Glenda.
Bigla akong kinabahan nang sobra kaya hinablot ko mula kay Ate Glenda ang binoculars.
"May humarang na lalaki." Nabalot ng takot ang boses ni Valentina.
Tiningnan ko kung sino ang tinamaan. Isang lalaking nakahawak sa kaniyang dibdib.
Si Filimon!
***
"Gusto kong malaman kung bakit kayo lang ni Lilith ang may napakalakas na pana? Ibig niyo bang sabihin na one hundred percent ang sa inyo tapos fifty percent lang sa ibang kasama niyong mga Amor?"
Akala ko ay matatawa siya sa aking tanong ngunit seryoso lamang ang mukha ni Leona. Hinihintay namin si Angelo na lumabas mula sa burger stall. Kami lang ni Leona ang nandito sa isang mataas na building kasi emosyonal pa rin si Ate Glenda na hindi si Kuya Abe ang napuruhan ng palaso ni Valentina.
Aaminin kong nakahinga ang aking dibdib dahil hindi tinamaan si kuya, pero agad din akong nalungkot dahil kaibigan ko naman ang tinamaan.
"Dati kaming magkapatid ni Lilith noong tao pa kami."
Kumunot ang noo ko. Akalain mo 'yon, dati palang mga tao ang mga 'to.
Tumingin siya sa akin nang matalim dahilan para mapaatras ako nang kaunti.
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...