Chapter 24: The Reason

59 14 162
                                    

Ava

"Salamat ulit, Ate."

Tulad ng dati ay hindi ko pa rin matanggihan ang mga kapatid ni Angelo. Hindi rin naman ako nagsasawang tulungan sila sa mga projects nila dahil masaya silang kasama. Akala ko noon ay magaan ang loob ko sa kanila dahil kuya nila si Angelo, pero ngayon ay ramdam kong kaibigan ko rin sila at tumatayo akong ate sa kanila. Day-off ko ngayon kaya natapos namin agad ang mga projects.

NANG matapos kami ay dumating na si Angelo. Iniwan muna ako nina Angel sa sala. Napayuko ang aking ulo dahil baka galit pa rin siya sa akin. Ilang araw rin siyang hindi pumapasok sa karinderya ni Aling Nena.

Umupo siya sa tabi ko kaya inangat ko ang aking ulo. "Angelo, I'm sorry."

Walang mababakas na galit sa mukha niya. Matingkad ang kaniyang ngiti at umabot ito sa kaniyang mga mata.

"Hindi ako galit sa 'yo, Ava."

Natulala ako sa sinabi niya. Hindi siya galit?

"Pero buhay mo ang nakataya."

Hindi ko namalayang mahigpit na ang aking pagkakahawak sa laylayan ng aking t-shirt.

"Alam ko. Babalik ako sa matandang manghuhula dahil baka may alam siyang paraan. Huwag kang mag-alala sa akin. Masaya akong nalaman ko ang totoo."

"Ha? Bakit ka masaya?"

Masaya siya na mamamatay siya?

Hinawakan niya ang aking kamay ngunit agad ko itong hinila na ikinagulat niya. Nakita ko kung paano niya pinilit ngumiti.

"Masaya akong minahal mo rin ako."

Ha?

Hindi ko inaasahan 'to.

"B-bakit mo ako minahal noon, Angelo? A-ano'ng dahilan?"

Tila nagtataka ang kaniyang mukha. Nagsalubong ang kaniyang dalawang kilay. "Hindi ko alam. Naramdaman kong mahal kita."

Bakit noong kay Arabella ay may rason siya. Tila nabasa niya ang iniisip ko kaya bigla siyang nagsalita.

"Kung may rason ang pagmamahal, paano na lang kapag nawala ang rason na iyon? Kunwari, mahal ka ng isang tao dahil maganda ka. Paano kapag tumanda ka at nawala ang iyong ganda? Maaari ring mawala ang pagmamahal. Kunwari, gusto ka ng isang tao dahil may mga bagay na p'wedeng ilarawan ang nakikita niya sa 'yo, paano 'pag nawala ang mga bagay na iyon at hindi na niya makita? Maaaring hangaan natin ang isang bagay sa isang tao dahil ito rin ay isang daan para mas lumalim pa ang pag-ibig, ngunit ang tunay na pagmamahal ay hindi kayang ipaliwanag, kahit ano'ng gawin ng taong mahal natin, kahit magbago pa ang hitsura at ugali, mahal pa rin natin sila. . . magbago man ang taong nasa puso nila."

Titig na titig si Angelo sa aking mga mata.

Ngayon ay nagiging malinaw na sa akin ang lahat. Minahal ko si Angelo noon dahil alam ko ang rason kung bakit ko siya gusto. Humanga ako sa mga prinsipyo niya, ang pagiging mabuting kuya sa kaniyang mga kapatid at ang paghalili sa pagiging padre de pamilya mula nang mamatay ang kaniyang ama, pero noong naging sila ni Arabella ay tila nawala ang mga prinsipyo niya at naging makitid ang pag-uugali na ipinakita niya sa mga kapatid niya. Nagbago ang paningin ko sa kanya dahil nawala ang hinahangaan kong mga pag-uugali ni Angelo. Kahit na alam kong hindi niya ito kasalanan ay hindi ko na maramdaman ang pagmamahal ko sa kanya noon. Pero pagdating kay Levi ay blangko ang isip ko. Ang tanging alam ko ay masaya at magaan ang mga bagay-bagay kapag si Levi ang kasama ko."

"Ava."

Napatingin ako kay Angelo. Nagulat na lamang ako nang muli siyang lumapit at huli na ang lahat para umatras ako dahil muling lumapat ang kaniyang mga labi sa aking mga labi. Agad ko siyang itinulak. Muntik na akong mawalan ng balanse sa kinauupuan ko nang may biglang nagsalita.

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon