"Hayop ka, Lilith."Halos hindi makapaniwala ang mukha nilang lahat nang dahan-dahang tumayo si Eva sa harapan ni Lilith. Magkahalong pagkagulat at takot ang naramdaman ni Lilith nang masaksihan niya ang galit sa mukha ng dating kaibigan.
"E-Eva . . ."
"P-Paano ka nakatayo?" Hindi makapaniwalang tanong ni Lilith. Muling nadurog ang kaniyang puso. Ang binibigay na tingin ni Eva ang nakapagpahina sa matigas na puso ni Lilith.
"Ang pagmamahal ng anak ko sa akin ang nakapagpagaling sa sakit ko."
Napaangat ang mukha ni Ava nang bitiwan ng ina ang mga salitang hindi niya akalaing maririnig niya habang siya ay nabubuhay.
"Lahat na lang ba ng mga taong mahal ko ay sasaktan mo, Lilith? Una, si Armando, ngayon naman ay si Ava! Hanggang kailan ka magiging maramot?" Tumulo ang mga maiinit na luha mula sa mga mata ni Eva. Kaytagal niyang hindi nailabas ang mga luhang naging simbolo ng mga emosyong hindi niya magawang sabihin—mga emosyong nakulong nang matagal sa kaniyang puso.
Nanlilisik ang mga mata ni Lilith na tumitig kay Eva. Kung tao lang siya ay halos masugat na ang kaniyang labi sa sobrang pagkagat niya.
"Si Armando pa rin ba, Eva? Lahat ay ginawa ko para sa 'yo. Nang malaman kong napana ka ni Leona ay hindi na ako nagpakita sa 'yo. Kahit masakit ay ginawa ko 'yon para mabuhay ka! Nang sagasaan ka ni Bella ay pinatay ko siya dahil sa 'yo!"
Matinding pagkagulat ang mababakas sa mukha ng mga taong narito. Lahat sila ay hindi magawang isara ang kanilang mga bibig. Napakalaki ng mga mata nila, hindi lang dahil sa pagkagulat, kundi sa namuong takot.
Si Ava ay patuloy na nagsusuka ng dugo habang hinahagkan siya ni Levi. Si Abe ay natulala sa kaniyang kinalalagyan, samantalang unti-unti nang nagkakamalay si Andre.
"Anong sinabi mo? Pinatay mo si Bella? Nagawa mo 'yon, kapatid ko? Wala ka na talagang konsiyensya!" Sa labis na poot na nag-alab sa puso ni Leona ay itinulak niya nang napakalakas si Lilith. Napatumba sa lupa si Lilith, ngunit mas tumindi ang bigat ng kaniyang paningin sa kaniyang kapatid.
"Pinatay ko siya dahil sinagasaan niya si Eva! Nalaman niyang mahal pa rin ni Armando si Eva kaya nadala siya sa kaniyang pagkamuhi at selos kaya niya sinagasaan si Eva. Masakit ang nangyaring iyon sa akin kaya ginawa ko lamang ang sa tingin kong magpapalaya sa matinding sakit na aking naramdaman!"
Nabaling ang paningin ni Lilith kay Eva. "At kahit gano'n ay mas pinili mong kamuhian ako!"
"Stop! Please, stop! Nanghihina na si Ava!" pagsusumamo ni Levi habang hinahagkan ang kaniyang babaeng pinakamamahal.
Agad umupo sa kaniyang tabi si Eva at hinawakan ang magkabilang pisngi ng anak.
"Ava! Ava, anak!" Hinagkan ni Eva ang kaniyang anak at bumitiw si Levi. Napahilamos si Levi sa kaniyang mukha. Ang bawat paghagulgol ng ina ni Ava ay parang kutsilyong sumasaksak sa kaloob-looban ng puso niya
"Anak!" Niyakap ni Eva ang kaniyang anak sa kaniyang dibdib. Parang tinutusok nang paulit-ulit ang kaniyang puso. Wala nang mas sasakit pa sa pakiramdam ng isang nanay na hagkan ang kaniyang anak sa mga huling hininga nito. Gustong-gusto niyang sumabog sa mga sandaling ito.
Pinilit ni Ava na hawakan ang pisngi ng ina. "Mama . . . masaya po ako dahil magaling ka na."
Napahagulgol nang sobra si Eva.
"Ava, mahal na mahal kita anak!"
Ang paghagulgol ni Eva ang nakapagpaluha sa mga Amor, maliban kay Lilith. Yumuko si Leona sa tabi ni Levi.
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...