Chapter 4: Hidden Love

87 16 235
                                    

Ava

"Angelo, curious lang ako. Ano'ng type mo sa babae?"

Walang masyadong customers kaya umupo muna kami ni Angelo rito sa loob ng stall. Ang kati-kati na ng dila ko na tanungin ang bagay na ito pero ayaw ko namang isipin niya na may gusto ako sa kanya kasi baka layuan din niya ako.

"Hindi ko alam. Hindi naman natin mapipili ang mamahalin natin," aniya habang pinupunasan ang mga palagyanan ng sauce.

Natahimik na lang ako. Wala pa siguro siyang natitipuhan ngayon.

"Bakit mo naman naitanong, Ava?"

Hala! Ito ang ayaw ko, 'yung may kakambal na tanong ang tinanong ko.

"Wala lang. 'Di ba sabi ko curious lang ako. Wala ka kasing pinapakilala sa amin ni Filimon."

Napatingin ako kay Filimon na kasalukuyang may kausap na customer. May mga lamesa sa pagitan ng stall namin at stall niya kaya hindi niya naririnig ang pinag-uusapan namin.

"Wala pa 'yon sa isip ko, Ava. Kailangan ko munang mag-focus sa mga kapatid ko."

Napatango ako nang dahan-dahan at napangiti.

Kung hindi ako gusto ni Angelo, at least wala pa siyang ibang gusto ngayon.

***

"Hello po Lolo at Lola. Ako po si Ava, ang apo niyo."

Nagtirik ako ng dalawang kandila sa puntod ng aking yumaong lolo at lola.

"Alam naman nilang apo ka nila. Hindi nakalilimot ang mga patay. Wala man sila ay patuloy tayong mabubuhay sa mga puso nila."

"Kuya naman e." Lumayo ako nang kaunti kay kuya na kasalukuyang nakaupo sa damuhan.

Ang sarap ng pagdampi ng hangin sa aking balat. Ang sariwang hangin ay nakakagaan ng pakiramdam. Ibang-iba nga naman talaga ang hangin dito kumpara sa Manila. Kung pwede lang ilagay sa supot ang hangin ay mag-uuwi ako.

"Alam mo kuya, gusto kong dito ako tumanda at magka-asawa."

"Paano mo dadalhin dito si Angelo?"

Napalingon ako kay kuya na kasalukuyang nilalaro ang mga damo.

"P-Paanong... P-Paano mo nalamang gusto ko si Angelo?"

Napatingin sa akin ang kaniyang walang emosyong mga mata. "Hindi ka man magsalita ay kitang-kita naman sa iyong mga galaw."

Napayuko ako. Gano'n ba ako ka-obvious?

"Kung hindi ka man niya magustuhan ay tanggapin mo nang maluwag. Mangarap ka muna at huwag puro si Angelo ang isipin mo. Bata ka pa at marami ka pang makikilala. Pinapangunahan ko lang para hindi ka masaktan kung sakaling hindi kayo pareho ng nararamdaman." Muli siyang napatingin sa puntod nina Lolo at Lola.

Natahimik na lamang ako at pumikit. Hindi ko alam kung naiinis ba ako o natamaan ako sa sinabi ni kuya. Bakit kasi ganito siya.

"Pero parte na ito ng pag-ibig. Ngayon ko pa lang nasusubukang magmahal, Kuya. Kung kailangan kong sumugal ay gagawin ko, hindi ko malalaman ang tunay na kahulugan ng pag-ibig kung hindi ko susubukan."

Napatingin siya sa akin. "Ngunit minsan, ang pag-ibig ay hihilain ka pailalim hanggang sa hindi ka na makabangon pa. Maaaring ito ang magtuldok sa mga taong handa talagang suklian ang pagmamahal mo. Hindi ko nakikita kay Angelo ang nakikita mo sa kanya. Hanggang kailan ka aasa? Hanggang kailan ka magbibigay?"

Natahimik na lamang ako dahil ramdam ko ang paninikip ng aking dibdib. Nag-uumpisang mabuo sa aking mga mata ang mga luhang hindi ko inaasahang lalabas ngayon.

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon