Chapter 15: Strange Enigma

59 15 208
                                    

Ava

"Nawawala si Lilith."

O, ano ngayon kung nawawala siya? Hanapan ba kami ng nawawalang Amor?

"Baka naman namasyal lang?" sambit ko.

"Hindi umaalis si Lilith nang walang paalam."

Hala grabe naman! Hindi ba nila alam na may mga trabaho kami at kailagan naming kumayod.

"E, ano'ng gusto niyong gawin namin? Maghanap din kami?" Pinagkrus ko ang aking dalawang braso. Hindi naman ako naiinis pero ito lang pala ang sasabihin nila. Naghalf-day lang ako sa trabaho at sayang sana ang kikitain ko.

"Dito sa lugar na ito umiilaw ang aking palaso, ibig sabihin ay narito lang sa tabi-tabi ang aking kapatid malapit sa 'yo," seryosong pagkasabi ni Leona habang nakatingin sa akin.

Inilibot ko ang aking paningin. "Wala naman akong napansing kakaiba. Ano ba'ng mangyayari kapag nawala siya?"

Tahimik lamang si Ate Glenda. Nakatingin lamang siya kina Leona at Valentina.

"Noong araw na napana namin sina Filimon at Angelo ay agad naming sinabi ito sa mga kapwa naming mga Amor. Kinabukasan ay bigla na lang nawala si Lilith," malumanay na paliwanag ni Valentina.

Saan naman nagpunta ang Amor na 'yon?

"Ano namang koneksyon sa amin lalo kay Ava kung narito siya? Hindi rin naman siya nagpapakita sa amin," tanong naman ni Ate Glenda. Hindi na siya naiiyak bagkus ay seryoso lamang siyang nakatingin sa mga Amor. Napansin kong naging malungkutin na rin si Ate Glenda mula nang sumablay ang palaso na tatama sana kay Kuya.

"Hindi niyo naiintindihan. Kung narito siya ay siguradong may binabalak siya." Tila nawalan na ng pasensiya ang boses ni Leona. Nanatiling seryoso ang kaniyang mukha.

Ano namang binabalak niya?

Napahawak ako sa aking dibdib. Wala naman akong natatandaang atraso namin kay Lilith. Baka iniisip niyang ipinagsabi ko ang tungkol sa mga Amor, ngunit ang Kuya Abe ko lamang ang nakakaalam at hindi ito nanggaling sa aking bibig.

"Ano sa tingin mo ang binabalak ng kapatid mo?" Kung kanina lang ay walang ganang makipag-usap si Ate Glenda, ngayon naman ay nag-aalala ang kaniyang mukha.

Seryosong napatingin sa akin si Leona kahit na si Ate Glenda naman ang nagtanong.

"Hindi ko alam, ngunit nakasisigurado akong konektado ito kay Ava."

***

"Ava..."

Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses.

Angelo.

Tumakbo siya palapit sa akin.

"Hindi mo yata kasama ang boyfriend mo? Hindi ka man lang niya maihatid." Sarkastiko ang tono ng boses niya.

Ngayon ko lang ulit nakita si Angelo. Halos kalahating buwan siyang hindi nagparamdam.

"May kailangan pa kasi siyang bilhin. Hindi naman ibig sabihin na kapag nagka-boyfriend ay kailangang ihatid na niya ako. Kaya ko naman ang sarili ko."

Malalim na buntonghininga ang pinakawalan ni Angelo habang nakasukbit ang kaniyang dalawang kamay sa bulsa ng kaniyang pantalon.

"Si Arabella kasi ay kakaiba. Gusto niyang ihatid ko siya gabi-gabi."

Pabebe kasi 'yang girlfriend mo.

Kung ako rin ang may boyfriend ay gusto ko rin ang pakiramdam na maihatid pero kapag si Arabella ang topic namin ay kakambal na niya ang kaartehan.

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon