Chapter 10: Emotional Pain

58 16 240
                                    

Ava

"Paano kung nanindigan ako para sa tama, baka ngayon ay masaya pa rin ako."

Muli na namang tumulo ang mga maiinit na luha mula sa aking mga mata. Kanina pa ako umiiyak habang hawak ang picture namin nina Angelo at Filimon.

"Gusto ko lang naman sumaya pero na-realize ko na hindi ako magiging masaya sa paggawa ng masama," sambit ko sa aking sarili.

Lalo pa akong napahagulgol. Nag-iisa ako rito sa aking madilim na kuwarto. Ang sakit sa dibdib na makitang may iba nang minamahal si Angelo.

Masama naman talaga ang ginawa namin ni Ate Glenda. May sariling buhay ang kaniya-kaniyang tao. Hindi dapat pangunahan kung sino ang dapat nilang mahalin at hindi rin dapat maging ganid sa pagmamahal. Tama si kuya. Masyado kong pinaikot ang mundo ko kay Angelo at hindi ko na inisip ang kalayaan niya na magmahal dahil sa aking pansariling interes. Tama lang na nararanasan ko ito. Ang sama ko kasi. Handa ko na bang bitiwan ang pagmamahal ko para kay Angelo? Gusto ko na ring maging maayos ang sitwasyon ko. Gusto ko nang makawala sa bigat ng damdamin ko.

Ano'ng gagawin ko?

Huminga ako nang malalim. Kinuha ko ang notebook na nakalapag sa aking kama at inipit ko ang picture namin. Inilagay ko ang notebook sa loob ng drawer.

Kailangan kong makalimot dahil may nagmamay-ari na ng puso ni Angelo. Hindi ko na dapat iniisip ang sarili ko at hindi ko na dapat ipagpilitan pa ang nararamdaman ko.

Kailangan na kitang kalimutan. . . Angelo.

***

"Mauna ka nang umuwi mamaya dahil may lakad pa kami ni Arabella."

Wala akong naisagot kundi isang tango lamang kay Angelo. Ilang linggo na ang dumaan at mag-isa na lang akong umuuwi. Hindi naman na niya kailangang sabihin na mauna na ako dahil hindi naman na siya sumasabay sa akin.

Nagliligpit na kami ng mga pinaglutuan at naglinis na rin kami sa paligid. Hindi ko maiwasang malungkot mula noong birthday ni Angelo. Ang sabi ko ay kakalimutan ko na siya pero paano naman ako makakalimot kung araw-araw ko siyang nakikita?

Napakaamo ng mukha ni Arabella, malambot ang kaniyang boses at kasalukuyan siyang nag-aaral ng BS Tourism. Nakita ko kung paano niya napapasaya si Angelo kahit sa simpleng pagngiti lang ni Arabella.

"Angelo, I'm here."

Napalingon ako sa mala-anghel na boses. Dumating na pala si Arabella. Nagmadali namang lumabas si Angelo. "Ara, maupo ka muna, magliligpit lang kami."

"Okay, babe."

Napatingin ako sa kanya at sinamaan niya ako ng tingin. Ibang-iba ang pinapakita niya kapag nakaharap si Angelo.

Aba! Plastic ka pala.

"Ouch!"

Agad na namang lumabas si Angelo dahil sa pagsigaw ng maarte niyang girlfriend.

Hinawakan ni Angelo ang kamay ni Arabella na hindi ko naman alam kung bakit siya nasaktan.

"Nakagat ako ng langgam, Babe."

Ano? Hindi pa ba siya nakagat ng langgam noon?
Kawawang langgam.

"Bibilisan ko," aligagang pagkasabi ni Angelo.

NANG matapos kami ay nauna na silang umalis. Pinagmasdan ko lang sila na naglalakad palabas ng park.

Grabe, ang sakit!

Nakita kong nagsara ng stall si Filimon. Pauwi na rin siya.

"Uuwi na ako, Ava. Ingat ka." Naglakad na siya paalis.

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon