Angelo
Bakit hindi ko kayang magalit sa kanya?
Paulit-ulit na tanong sa isipan ko. Hindi ako makatulog. Ilang beses na akong umikot-ikot dito sa kama. Malalim na ang gabi, pero paulit-ulit na naglalaro sa utak ko ang maamo niyang mukha.
Napabangon ako at napasandal sa dingding na plywood. Huminga ako nang malalim.
Ang sabi nila ay mamamatay ako sa oras na magpakita ang dalawang magkapatid na Amor. Aaminin kong natatakot ako, ngunit ayaw ko nang manisi ng tao.
Paano na lang si mama kapag namatay ako? Paano ang mga kapatid ko?
Paano si Ava?Ava.
Mahal ko...
Ang tanging babaeng minahal ko.
Simula noong maging magkatrabaho kami ay nagkaroon ng pag-asa ang bawat araw na nabubuhay ako. Nagkaroon ng kulay ang mundo ko at natutunan ko kung paano mabuhay.
Masasabi kong bumabalik ang mga bata at matatanda naming customers noon dahil sa masayahin niyang pagkatao.
Nakita ko rin ang pagiging positibo niya na maabot ang kaniyang mga pangarap. Nais niyang makatapos ng pag-aaral kahit na umabot pa raw siya sa pagiging matanda.
Hanggang sa hindi ko namalayang unti-unti na pala akong nahuhulog sa kanya. Pinakagusto ko ang kaniyang ngiti, ngunit hindi ko kayang tingnan ito dahil baka hindi ko mapigilan ang aking damdamin. Hindi ko kayang aminin sa kanya na gusto ko siya at unti-unti ko siyang minamahal sa pagdaan ng mga araw.
Hindi ako duwag ngunit isa lamang akong lalaking mas mahirap pa sa daga. Umaasa sa akin ang aking tatlong kapatid. Hindi ako nakatapos ng aking pag-aaral at tanging prinsipyo lang ang mayroon ako. Malayo rin ang agwat ng edad namin. Gusto ko sanang maging handa bago ko aminin sa kanya ang aking damdamin. Ayokong mas lalo siyang maghirap dahil ganito lamang ako.
Ganito lamang ako.
Wala akong maipagmamalaki sa kanya.
Sa pagdating ni Arabella ay hindi ko inaasahang makakalimutan ko ang pagmamahal ko para kay Ava. Malayong maganda si Arabella kaysa kay Ava. Sa tuwing tinatanong ko ang aking sarili kung bakit gusto ko si Arabella ay tanging ang mukha niyang maganda ang pumapasok sa aking isipan, hanggang sa naramdaman ko ang isang bagay na akala ko ay bago lamang para sa akin. Kilala ng aking puso si Ava. Hindi ito tumitingin sa pisikal na hitsura. Maganda rin si Ava, ngunit hindi ito ang dahilan kung bakit mahal ko siya. Mahal ko siya bilang siya.
Ngunit, isinuko ko na ang aking nararamdaman nang halikan ko si Ava. Isang halik na hindi niya tinugunan. Hindi tinanggap ng kaniyang puso. Naaalala ko pa ang tagpong iyon.
"Angelo..."
"I'm sorry, Ava. Mahal kita, Ava, kaya hindi ko napigilan."
Binuksan niya ang kaniyang bibig ngunit agad din niya itong isinara.
"Sorry, alam kong may boyfriend ka na pero..." napayuko ang aking ulo, "gusto ko lang malaman mo na mahal kita."
Hinawakan niya ang aking pisngi, saka nabaling sa kuwintas na hugis anghel ang kaniyang paningin. Regalo niya ito noong birthday ko. Hanggang sa bumalik sa akin ang kaniyang paningin, nagsusumamong intindihin ko ang kaniyang sasabihin.
"Mahal ko si Levi, Angelo."
Ang sakit. Kahit mabigat ang damdamin ko ay handa akong tanggapin para maging masaya si Ava.
BINABASA MO ANG
AMOR
RomancePublished under INKSPIRED PUBLISHING HOUSE. ➶ ♡➶♡➶♡ Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Matagal nang may pagtingin ang isang simpleng babae na si Ava sa kanyang makisig at maginoong kaibigan na si Angelo. Sa pagnanais niyang mahalin...