Chapter 32: The Time Has Come

45 15 124
                                    

Ava

Naalimpungatan ako nang may narinig akong mga kaluskos sa paligid. Iminulat ko ang aking mga mata at nakita ko si Papa at si Levi na nakatayo sa harapan ng aking aparador. Wala na ang aking mga damit doon. Kinusot ko ang aking mga mata. Napatingin sa akin si Levi at agad siyang lumapit sa akin.

"Ava." Hinawakan niya ang aking kamay at inilapit niya ito sa kaniyang pisngi. Namamaga ang kaniyang mga mata.

"Are you okay, Ava?"

Tumango ako kahit ang totoo ay masakit ang buong katawan ko.

"Maaari mo ba kaming iwan muna, Levi? Ayusin mo muna ang mga dadalhin natin," sabi ni papa.

"Sige po."

Hinalikan ni Levi ang aking pulsuan bago tumayo at lumabas ng aking silid. Umupo sa tabi ko si Papa.

"Aalis na tayo rito, anak."

Nagulat ako sa sinabi ni papa, ngunit wala na akong lakas para magtanong. Tila naunawaan ni papa 'yon kaya muli siyang nagpatuloy.

"Narito na ang mga Amor. Kailangang maitakas ka namin dito."

Tumulo ang mga luha mula sa mga mata ni Papa. Pinilit kong magsalita kahit parang may nakabara sa aking lalamunan. "Huwag na po, Papa. Tanggap ko na mamamatay na po ako. Hindi naman po masasayang ang buhay ko dahil makakalaya na po ang mga Amor."

Hinawakan ni Papa ang kamay ko. "Huwag mong sabihin 'yan, anak. Alam kong napakarami kong kasalanan. Hindi patas ang karma dahil mas matindi ito maghiganti. Matatanggap ko pa siguro kung sa akin ito tumama, ngunit sa iyo pala, anak. Mas masakit—sobrang sakit. Pinapana ko si mama mo kay Leona dahil isa ako sa mga humahanga sa kanya. Isa akong janitor sa unibersidad kung saan siya nag-aral. Palagi ko siyang nakikita kaya nagpatulong ako sa aking ina na isang manggagamot. Ipinakilala niya ako kay Leona at ipinapana ko ang iyong ina. Hindi ko akalaing ang mga ligayang naramdaman ko noon ay may kapalit pala na higit pa sa kalungkutan ngayon."

Sumisikip na naman ang aking dibdib. "Papa, alam n'yo po bang napana ni Lilith si Mama bago n'yo siya pinapana kay Leona?" Halos pabulong na ang aking pagsasalita. Umiling-iling si papa. "Hindi ko alam at hindi rin alam ni Leona."

"Bakit po hindi namatay si Mama nang mapana siya? Tumama naman ang parehong palaso ng dalawang magkapatid na Amor."

"Nang malaman ni Leona na napana ng dalawang beses ang iyong ina ay agad niya itong sinabi sa akin. Ayaw niyang mamatay ang iyong ina kaya tinulungan niya akong maitakas si Eva. Dinala ko siya sa Maynila dahil sa oras na magkrus ang landas niya at ang dalawang magkapatid na Amor ay mamatay ang iyong ina."

Paano kapag nakita nila ngayon si mama?

Napalunok ako ng aking laway. Bakit ang pait ng aking panlasa? Napaubo ako nang maraming beses. Agad kumuha si papa ng towel at inilagay sa aking bibig. Naglabas ako ng maraming dugo. Nabalot ng matinding takot ang aking puso nang makita ang mapulang likido.

"Itay! Wala na tayong panahon," narinig kong pagkasabi ni Kuya nang buksan niya ang pinto. Napatingin siya sa akin at lumapit. "Nagsusuka siya ng dugo, Itay!"

Naramdaman ko na lang ang mga kamay ni Kuya sa aking likuran at mga binti. Binuhat niya ako palabas ng kuwarto. Nakita ko si Levi na nanlaki ang mga mata nang makita ako. Binuhat niya ang tatlong malalaking bag. Binuhat naman ni Papa si Mama at lumabas na kami ng bahay.

Nagulat na lang ako nang biglang dumagundong ang malakas na tunog ng kulog na may kasamang kidlat sa langit. Nagliwanag ito na parang kinakain ang kadiliman ng gabi. Hinihingal si Kuya sa pagbubuhat sa akin. Nakakatakot!

Masakit lahat ng parte ng katawan ko.

Naramdaman ko na lang na huminto sila. Iminulat ko ang aking mga nanghihinang mga mata. Isa-isang bumaba sa lupa ang mga Amor. Nasa gitna nila kami dahil pumosisyon sila pabilog. Dahan-dahan akong ibinaba ni Kuya. Pumunta siya sa aking harapan para takpan ako. Ibinaba na rin ni Levi ang mga bagahe namin at niyakap ako nang mahigpit. Hinubad niya ang kaniyang jacket para punasan ang mga dugo sa aking bibig. Ibinaba na rin ni Papa si Mama at inihiga sa lupa. Tinakpan din niya si Mama.

Pilit kong hinanap ang kamay ni Mama at hinawakan nang mahigpit.

"A-Ako na lang ang patayin ninyo," sabi ni Kuya habang umiiyak. "Huwag na ang kapatid ko, nakikiusap ako." Tumulo na rin ang aking mga luha.

"Hindi namin siya gustong patayin, pero alam naming nanghihina na si Ava. Ayaw kong magpakita sa kaniya, ngunit hindi ko matiis na unti-unti siyang mamamatay," narinig kong pagkasabi ni Leona.

Isang malakas na sigaw naman ang nagmula kay Lilith.

"Eva!"

Agad siyang lumapit kay Mama, ngunit tinakpan ni Papa si Mama. Nanlaki ang aking mga mata nang biglang tumilapon si Papa dahil pinalipad siya ni Lilith. Agad siyang nilapitan ng ibang mga Amor.

"Papa!" Pinilit kong sumigaw kahit pabulong na lamang ito.

Agad hinila ni Kuya si Mama sa pagkakahawak ni Lilith. Tulad ng nangyari kay Papa ay tumilapon din si Kuya at namilipit sa sakit.

"Kuya!"

"Sumosobra ka na, Lilith! Hindi ka dapat nananakit!" galit na pagkasabi ni Leona. Lumapit si Leona at itinulak si Lilith.

Parang parehong sasabog ang mga mata nila sa matulis na titigan.

"Tama na, Lilith! Hindi ka na ba nadala ha? Ang laki na nga ng kasalanan mo noon, hanggang ngayon ay gumagawa ka pa rin ng kasalanan!" Nagngingitngit ang mga ngipin ni Leona.

Magkaharap sila na parang may duwelo sa pagitan nila.

"Gusto ko lang lapitan si Eva!" sigaw ni Lilith. Nakabibingi ito sa tainga.

"Mamamatay na ang anak ni Eva! Hindi mo ba nakikita? Kailangan natin siyang tulungan, Lilith!"

"Wala akong pakialam sa kaniya, Leona! Gusto ko lang mahagkan si Eva!"

"Wala kang konsensiya, Lilith! Minahal kita kahit na ganyan ang ugali mo! Pero wala kang bait sa sarili, kapatid ko! Paano natin makakamtan ang kapayapaan kung patuloy kang gumagawa ng masama—kung patuloy mong itinataboy ang pagmamahal!"

Sandaling natahimik si Lilith. Ramdam ko ang bigat ng mga sinabi ni Leona. Patuloy lamang ang pagtulo ng aking mga luha at hindi ko namamalayang umaagos na ito sa dibdib ni Mama na pilit kong niyayakap. Pinilit namang gumapang ni Kuya palapit sa amin habang walang malay si Papa na katabi ng ibang mga Amor. Si Levi naman ay nakayakap lamang sa akin habang umiiyak.

Patawad, Levi kung kailangan mong pagdaanan ang lahat ng ito.

Namutla na lang ako nang biglang gumalaw ang mga kamay ni Mama at unti-unting bumangon paupo.

Hala!

Nanlaki ang mga mata naming lahat hanggang sa mapatingin sa kaniya sina Leona at Lilith.

Nanlaki rin ang mga mata nina Leona at Lilith.

Ano'ng nangyayari? Sobrang sakit ng katawan ko at hindi ko maibuka nang maayos ang aking mga mata ngunit gising na gising ang aking diwa dahil sa pagbangon ni Mama.

Hindi ko alam kung matutuwa ako o matatakot nang marinig ko ang boses ni mama.

"Hayop ka, Lilith."

•••••

AMORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon