KABANATA 8

32 4 0
                                    

Hindi ko alam pero mukhang malakas yata ang kapit ni Brenda sa langit dahil agad na dininig ang kaniyang hiling.

"Anak?" Tawag sa akin ni inay kaya agad akong lumapit sa kaniya.

"Bakit po?" Tanong ko.

"May gagawin ka ba bukas? O may pupuntahan?"

Sandali akong nag- isip at pagkaraan ay umiling. "Wala naman po, nay."

"Maaari mo ba akong tulungan bukas? Magsasagawa kasi ng handaan sa mansyon ng mga Ledezma. Kailangan daw ng maraming katulong kaya napili ako, sabi ng itay mo." Kwento ni nanay.

"Sige po. Sasamahan at tutulungan ko kayo bukas." Pagpayag ko.

"Maraming salamat, anak! Malaki- laki rin magbayad ang mga Ledezma kaya paniguradong makakatulong 'yong pera na makukuha natin bukas para sa maidagdag sa ipon namin ni itay mo."

"Po? Ipon para sa akin? Bakit at para saan po 'yan?" Nagtatakang tanong ko.

Wala akong alam tungkol sa bagay na 'to ah? Bakit sila nag- iipon? Saan nila gagastusin at gagamitin ang pera?

Hinatak ako ni inay at pinaupo sa tabi niya kaya patalikod akong umupo sa tabi niya.

Hinawakan at sinuklay- suklay niya ang may kahabaan kong buhok na kulot sa dulo. Hanggang beywang ko na 'to dahil matagal na itong hindi nagugupitan.

"Inay? Hindi niyo pa po sinasagot ang mga tanong ko."

Narinig ko siyang bumuntong- hininga. Tinigil niya na rin ang pagsuklay sa buhok ko at pinaharap niya ako sa kaniya. Hinawakan niya ang dalawang kamay ko saka ako tinitigan.

"Mirasol, ang pera ay gagamitin mo sa pag- aaral sa susunod na taon."

Nagulat ako sa sinabi ni inay.

"P- po? Inay, huwag na po. Hindi po ako mag- aaral. Ayaw ko po. Ilaan niyo nalang ang pera sa ibang bagay." Pagtanggi ko.

"Anak, makinig ka. Ginagawa namin 'to ng itay ninyo dahil iniisip namin ang kapakanan ninyo ni Maliya. Hindi natin alam kung kailan kami mawawala kaya hangad naming mailagay kayo sa maayos na kalagayan para matahimik ang aming kalooban."

"Inay naman! Huwag po kayong magsalita ng ganyan! Sobrang tagal pa nun, magsasama pa tayo ng matagal." Naiiyak kong reklamo.

Ang sakit na marinig ang ganitong habilin sa iyong magulang. Ang sakit na kahit anong mangyari ay palagi nilang iniisip ang kapakanan naming dalawa ni Maliya.

"Hindi ko naman sinasabing ngayon na, Mirasol. Pero aminin na natin. Hindi natin malalaman kung kailan kami mawawala kaya kailangan niyong matutong tumayo sa inyong sariling mga paa hanggat maaga."

Sunod- sunod akong umiling habang umaagos ang luha mula sa aking mga mata.

"Nay, naman! Ayaw ko po. Hindi niyo kami iiwan ni Maliya. Hindi namin kaya, nay! Pakiusap, hindi po namin kakayanin!" Hagulgol ko.

Marahan siyang natawa sa biglaang pag- iyak ko. Hinawakan niya ang aking pisngi. Sobrang gaan ng paghawak niya na kahit ang pagdampi ng mga daliri niya para punasan ang aking mga luha ay halos hindi ko naramdaman.

Hinuli ko ang kamay niyang humahaplos sa mukha ko at niyakap.

Ayokong isipin na balang- araw ay kaming dalawa nalang ni Maliya ang maiiwan. Alam kong temporaryo lamang ang buhay ng tao sa mundo pero parang hindi pa ako handa.

Hindi ako kailanman magiging handa.

"Nay, buo na ang desisyon ko. Hindi na po ako mag- aaral. Gusto ko nalang pong magtrabaho sa bukid. Mas masaya po ako sa ganitong buhay, inay. Mayroon akong mga kaibigan at nandito kayo. Kapag nag- aral po ako ay mapapalayo ako sa inyo. Mas pipiliin ko pa pong yumuko at mapagod sa buong maghapon kaysa humarap sa pisara at makinig ng leksyon. Nandito po ang kasiyahan ko at kontento ako sa kung anoman ang buhay ko ngayon." Paliwanag ko.

"Hindi naman po ako magiging masaya kung sakaling nag- aral ako, inay. Nasisigurado ko po 'yan. Una sa lahat ay hindi ako mayuming kumilos. Tiyak na palagi akong mapag- iinitan ng aking magiging guro. Ayaw ko rin pong makipagsabayan sa mga anak ng mga mayayamang pamilya. Baka mauwi lang ako sa pakikipag- away lalo pa't matataas ang tingin nila sa sarili." Dagdag ko pa.

Natawa si inay sa sinabi ko. Ginulo niya ang aking buhok at hinawakan ang aking kamay.

"Naiintindihan ko naman ang mga bagay na yan, anak. Pero sinasabi ko sa iyon, sa una ka lang naman mahihirapan. Sa paglipas ng mga araw, tiyak na unti- unti ka ring masasanay. Matuto ka lang na sumabay sa kanila. Huwag mong pakikinggan ang kahit na anong sinasabi nila laban sayo. Mabuhay ka lang para sa sarili mo at mga mahal mo sa buhay."

Umiling pa rin ako. "Pasensya na, nay. Pero kahit na ano pang sabihin ninyo ay hindi ako mag- aaral." Pagmamatigas ko.

"Sige, hahayaan na muna kita sa ngayon. Tiyak naman magbabago pa 'yang desisyon mo sa mga susunod na araw."

"Hindi pa rin po. Kahit ilang araw pa ang dumaan, kahit magsimula man ang gabi at muling sumikat ang araw, hindi na po magbabago ang desisyon ko at wala nang makapagpapabago sa desisyon ko." Matigas kong tugon.

Napatingin kami ni inay sa pintuan nang pumasok doon si Maliya.

Nakangiti siyang nagtungo sa amin.

"Ate, nakauwi ka na pala?" Masiglang wika niya.

Tumango ako. "Oo, Maliya."

Binalingan niya si Inay. "Inay? Tapos ko na pong tupiin ang mga damit. Ihahatid ko na po sa kanila ni Ginang Terancia."

"O, sige. Mag- iingat ka ah."

"Opo!"

Tumayo ako. "Sasamahan na kita, Maliya."

Sunod- sunod siyang umiling. "Hindi na po kailangan, Ate. Alam kong pagod ka kaya magpahinga ka nalang po. Ako na ang bahala."

"Ayos lang ako, Maliya. Halos magga- gabi na, delikado sa daan kaya sasamahan na kita." Pagpupumilit ko.

"Huwag na po. Ayos lang talaga tsaka . . . kasama ko naman po si -" sabi niya saka humakbang na paatras.

"Mauuna na po ako! Babalik din po ako kaagad!" Paalam niya bago tuluyang tumakbo palabas ng bahay.

Tanaw ko ngayon ang isang tao na nararapat naming bigyan ng maayos na buhay. Ang taong mas nararapat na makapagtapos ng pag- aaral.

Hindi ko matiis na nahihirapan ang kapatid ko. Konting panahon nalang at sasapat na ang perang iniipon ko para ipanggastos sa pag- aaral niya. Konting- konti nalang at matutupad na ni Maliya ang kaniyang mga pangarap.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon