Ilang araw ang lumipas, nanatili si Nanay sa ospital. Sumasakit ang ulo naming lahat ngayon kung saan kami kukuha ng ipambabayad sa ospital.
Alam niyang nahihirapan kami kaya kapag ako ang nagbabantay sa kaniya ay kinakausap niya ako at sinasabihang ilabas nalang siya ng ospital dahil maayos na raw ang kaniyang pakiramdam.
Nananatili naman akong bingi sa pakiusap niya. Halos magmakaawa na siya sakin dahil dagdag gastos lang daw.
Sana daw hindi nalang siya dinala doon. Sa bahay nalang. Iinuman niya lang naman ng gamot at gagaling din siya kaagad.
Pero hindi ganoon eh. Hindi kakayanin ng kung ano- anong gamot lang ang sakit niya.
Noong nakausap ko ang doktor, sinabi niyang mayroong tuberkulosis si nanay.
Nanlumo ako dahil dulot na siguro ito ng madalas niyang pagpapagod. Minsan din ay hindi na siya nakakakain dahil hindi niya maiwan- iwan ang mga labahin.
Nasa kubo ako ngayon dahil gusto kong makapagisip- isip. Napakatahimik ng paligid dito sa palayan. Wala kang maipipintas. Tanging tunog lang ng mga awit ng ibon, hampas ng hangin at tunog ng rumaragasang tubig sa ilog ang maririning mo sa paligid.
Ibang kapayapaan ang hatid nito sa aking sistema.
Napabuntong- hininga ako.
Ayoko munang bumalik sa bahay dahil tiyak na babagabagin na naman ng mga problema ang isipan ko.
Si Maliya na muna ang nag- boluntaryong magbantay kay nanay. Tatlong araw na siyang nasa ospital at ang sabi ng doktor ay maaari na siyang lumabas sa susunod na araw.
Bagay na pino- problema ko dahil wala pa kaming pera na pambayad sa ospital. Malaki- laki rin ang hinihingi sa amin at bukod doon ay mayroon pang mga gamot si nanay na kailangang bilhin. Maraming resita ang doktor na kaniya kung kaya't malaking pera ang kailangan.
Si itay nga, kahit problemado rin ay nagtrabaho pa rin sa hardin dahil walang ibang magbabantay doon kapag hindi siya pumasok.
Nanlumo rin siya ng malaman ang nangyari kay nanay noong gabing umuwi ako galing sa piging.
Ang piging . . .
Ilang ulit akong napabuntong- hininga.
Hindi ko pa rin malimutan ang nangyari. Lahat. Lahat- lahat.
Lahat ng pangmamaliit at pagpapahiya na ginawa ni Patricia sa akin noong gabing iyon.
Natawa ako ng mapakla.
Ang gagaling din ng mga magulang. Ni hindi man lang nagawang pigilin o awatin ang anak. Hinayaan lang talaga nila si Patricia na ipahiya ako sa harapan ng lahat.
Kasiyahan ba para sa kanila ang bagay na 'yon? Ang hamakin ang kapwa nila porke mas mayaman sila? Anong pakiramdam ang naidudulot niyon sa kanila? Nagsisi man lang kaya si Patricia sa ginawa niya sakin?
Napairap ako.
Natural, hindi.
Bakit pa ba ako aasang pagsisisihan niya ang ginawa gayong bukal na bukal sa loob niyang sampalin at itulak ako. Maganda nga ang panlabas na anyo pero may tinatago rin palang kulo sa loob.
Akala mo kung sinong anghel na hindi makabasag pinggan. Hinahangaan pa naman siya ni Maliya.
Madalas siyang ikwento ng kapatid ko sa akin.
Ang sabi niya, palagi niyang nakikita si Patricia na nasa hardin at palihim niya itong tinatanaw sa malayo. Madalas kasing siya ang kumuha ng mga damit na pinalalabhan ng pamilya Ledezma kaya nagagawi siya sa mansyon.
Parang isang prinsesa si Patricia kung ikwento ito sa akin ng kapatid ko. Sobrang ganda raw ng dalaga at mayuming kumilos.
Hindi niya alam na kabaliktaran niyon ang ugali ng hipokritang dalaga. Mabuti nalang at ako ang natyempuhang nandoon at hindi si nanay. Kung hindi, baka napatulan ko siya sa oras na saktan niya si inay.
"Ang lalim ng iniisip mo."
Napaigtad ako at napahawak sa dibdib nang biglang may nagsalita sa likuran ko.
Paglingon ko ay si Romualdo lang pala.
"Hindi mo ugaling kumatok ano? Basta- basta ka nalang talaga papasok?" Mataray kong sabi at inirapan siya at muling tumanaw sa tanawin sa labas ng bintana.
Naramdaman kong lumapit siya at umupo ilang pulgada ang layo sa kinauupuan ko.
"Kumatok ako. Bingi ka lang talaga."
Ginaya niya ang ginawa ko at nasa tanawin ng palayan narin ngayon ang atensyon niya.
"O- oo nga pala. Bakit wala ka sa handaan noong isang araw?"
Hindi siya kaagad nakasagot kaya bumaling ako sa kaniya.
Nakita kong nakangisi siya ng nakaloloko habang nakatingin sa akin.
"Hindi ko alam na hinahanap mo pala ako. Nalungkot ka ba dahil hindi ako dumalo?" Tudyo niya.
Inirapan ko lang siya.
"Hindi kita hinanap, para ko sabihin sayo. Nagtaka lang ako dahil 'yon yata ang unang piging na hindi mo dinaluhan."
Hindi ko nalang pinansin ang nanunukso niyang tingin.
"May ginawa lang."
"Ano?"
Muli siyang ngumisi.
Bakit na naman? Hindi ba niya alam na nakakairita ang mukha niya?
"Kailan ka pa naging interesado?" Tanong niya.
Bumuntong- hininga ako. "Huwag na nga lang. Huwag mo nang sagutin. Kainis ka." Naiinis kong wika at muling nangalumbaba sa bintana.
Natawa siya. Parang aliw na aliw sa inis na inis kong pagmumukha.
"Huwag ka nang magtampo. May ginawa lang akong mahalagang bagay."
"Makakasagot naman pala. Ang dami pang arte." Bulong ko.
"Uy, narinig ko 'yon!"
Hindi ko na siya pinansin at inabala nalang ang sarili ko sa pagtanaw ng mga ibon na malayang nagliliparan sa langit. May ilan sa kanila na naglalaro sa pilipil sa palayan.
Mayroon ring mga paru- paro na dumadapo sa mga ligaw na bulaklak na tumubo sa paligid. May mga isdang masayang naglalangoy sa ilog na hindi kalayuan mula rito sa kubo.
"Marisol, nabalitaan ko ang nangyari."
Napabaling ako kay Romualdo nang sabihin niya 'yon. Nakita ko ang pag- igting ng mga panga niya.
A- lam niya?
"Oh? Bakit gulat na gulat ka?" Nagtatakang tanong niya.
Bigla akong pinagpawisan ng malamig. Tinago ko sa sarili ang tungkol sa nangyari sa akin noong gabing 'yon dahil ayokong malaman nina inay at itay!
Ang tanging nakaaalam lang noon ay ang pamilya Ledezma at ang mga taong kasama nila sa hapag.
Maging si Aling Marisa ay hindi alam kung bakit bigla nalang akong tumakbo papalabas habang umiiyak.
Tinanong niya ako noon pero hindi ko siya sinagot at tinalikuran ko lang siya.
"P- paano mo nalaman?" Kinakabahang sagot ko.
"Nabanggit sa akin ni Aling Marisa dahil nagpunta ako kaninang umaga sa mansyon. Kaya kita hinanap kaagad at dito kita natagpuan."
Napailing- iling ako. Nag- aalala ako. Baka umabot kina nanay at tatay. Hindi ko alam ang posible nilang gawin.
BINABASA MO ANG
SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL [COMPLETED]
RomanceLiwanag, saya at pag- asa ang mga simbolong ipinapahiwatig ng bulaklak na mirasol. Matingkad ang dilaw na kulay ng mga talutot nito na mayroong kulay kayumangging bilog sa gitnang bahagi. Sumusunod ang galaw ng bulaklak na ito sa araw kung kaya't bi...