KABANATA 10

38 4 0
                                    

Napaigtad ako ng biglang may nagsalita sa likuran ko. Kunot- noo akong lumingon at sinuri kung sino ang sumaway sa akin.

Tumaas ang kilay ko dahil parang pamilyar sa akin ang lalaking nasa harapan ko ngayon. Hindi ko nga lang matandaan ko saan ko siya nakita.

"Hindi ko alam." Suplada kong sagot.

Bahagya siyang ngumiti ngunit agad ding nagseryoso.

"Bakit hindi? Alam ng halos lahat ng tao rito ang bagay na 'yan. Ikaw lang yata ang hindi."

Umayos ako ng tayo at tuluyan siyang hinarap habang nakataas pa rin ang mga kilay.

Sino ba ang lalaking 'to? Pabigla- bigla nalang susulpot at mambubulabog sa pananahimik ko rito.

"Anong pakialam ko kung alam nila? Hindi ko naman tinanong." Mataray kong saad sabay pinag- krus ang aking mga kamay sa aking dibdib.

"Masyado kang mataray para sa isang binibini." Puna niya habang mukhang aliw na aliw sa reaksyon ko.

"At may pakialam ka dahil?"

Umiling- iling siya at nag- iwas ng tingin sabay basa ng kaniyang pang- ibabang labi dahilan para sumilay ang biloy niya sa magkabilang pisngi.

Halos mabuwal ako sa kinatatayuan ko ngayon nang makita ang ginawa niya.

Pasimple akong umiling. Hindi ako pwedeng magpadala.

Matibay ako.

"Isa ka ba sa mga katulong sa loob? Oras ng pagtatrabaho ngayon, bakit hindi ka tumutulong doon?" Pang- iiba niya sa usapan.

Napanganga ako. Nang- aakusa ba siya na hindi ako nagtatrabaho!? Sinasabi niya bang tamad ako dahil nandito ako sa hardin sa halip na nandoon sa loob para tumulong!?

"Sino ka ba?! Bakit ang dami mo naman yatang oras para pakialam ang mga ganap ko sa buhay? Lubayan mo nga ako!" Hindi na ako nakapagtimpi at nasigawan ko siya.

Nanlaki ang mga mata niya sa biglaang pag- aalburuto ko. Kahit ako rin naman ay hindi inaasahan na masigawan siya.

Nakakairita kasi. Masyadong pakialamero!

Tumawa siya saka itinaas ang dalawang kamay na parang sumusuko.

"Kalma ka lang, binibini. Taliwas sa iyong panlabas na anyo ang iyong ugali. Mukha kang anghel pero ugaling . . ."

Uminit lalo ang dugo ko ng hindi niya tinuloy ang pangungusap. Tinaasan ko siya ng kilay.

"Ugaling ano!? Ha? Ugaling ano?"

Wala na akong pakialam kung sakali mang makahanap ako ng away dito.

Kilala ako sa hacienda bilang palaban na dalaga. Kaya nga walang nanliligaw sakin dahil ang sabi ay natatakot raw sila sakin.

Mas lalo akong nairita ng hindi niya ako sinagot. Sa halip ay mas lalo lang siyang tumawa.

Nabalot ng kaniyang tawa ang katahimikan dito sa hardin.

Ang sikat ng araw ay parehong tumatama na ngayon sa mukha at katawan naming dalawa. Ang init na dala nito ay mas lalong dumagdag sa init ng ulo ko.

Ilang metro nalang ang layo namin sa isa't isa pero wala akong pakialam. Gigil ko siyang sinamaan ng tingin.

Para siyang aliw na aliw sa pag- aalburuto ko rito. Nagmumukha yata akong tanga sa harap niya.

"Walang kwentang kausap." Bulong ko saka naglakad para lampasan siya.

Pero agad akong natigil nang hawakan niya ako sa braso.

"Sandali."

Sa gulat ko ay natapik ko ang kamay niyang nakahawak sa akin.

Lapastangan! Alam ba niyang hindi nararapat na gawain ng isang binata ang paghawak sa braso ng isang dalaga!?

Parang bigla siyang natauhan sa kapusukang ginawa kung kaya't sumeryoso siya.

Galit ko siyang tinitigan.

Wala akong pakialam kung sobrang lapit na namin sa isa't- isa.

Hindi ko alam kung anong naisip ko. Basta, nagulat nalang ako sa sunod kong ginawa.

Sinampal ko siya.

Medyo napalakas ang sampal ko at ramdam ko 'yon dahil biglang humapdi ang palad ko.

Napabaling sa kanan ang ulo niya sa lakas ng ginawa kong pagsampal.

Nakita kong pumikit siya at agad na hinimas ang kaniyang pisngi at pangang natamaan ng sampal ko.

'Yan ang napapala ng mga lalaking mga bastos! Ni hindi nga kami magkakilala! Bigla- bigla nalang siyang eeksena, eh nananahimik ako rito sa may hardin!

"Umayos ka. Kahit na sino ka pa, hindi kita sasantuhin." Banta ko at mabilis na umalis doon.

Sa paglingon ko ay nakita kong nandoon pa rin siya sa kaniyang kinatatayuan at parang hindi pa rin makapaniwala sa nangyari.

Nag- angat siya ng tingin at tumama ang aming mga paningin sa isa't- isa.

Inirapan ko lang siya at padabog na nagpatuloy sa paglalakad. Gusto kong lumayo sa bastos na lalaki na 'yon!

Sa lahat ng lalaki na nakasalamuha ko, siya palang ang naglakas loob na hawakan ako!

Ang kapal din naman ng mukha!

Kahit si Romualdo, hindi kailanman ako hinawakan sa kahit na saang parte ng katawan ko! Hindi ako komportable sa ganoon kung kaya't hindi ko namamalayan ang bagay na nagagawa ko sa oras na hinawak ako lalo pa't biglaan.

Makakasapak ako nang wala sa oras!

"M- mirasol?"

Napa- angat ako ng tingin nang marinig ang boses ni Brenda.

"B- brenda? K- kanina ka pa diyan?"

Hindi maipinta ang kaniyang mukha.

Mukha siyang galit na naiinis na ewan. Anong nangyari?

"Nakita m-"

Bago ko pa man maituloy ang sasabihin ko ay agad siyang tumalikod sa akin at tumakbo papalayo.

Namataan kong nagpunas siya ng mga luha.

T- teka? Umiiyak ba siya!?

Mas lalong nadagdagan ang galit ko.

Sino ang nagpaiyak kay Brenda!? Huwag na huwag siyang magpapakita sa akin at malilintikan siya!

Hindi ako makapapayag na may mananakit sa kaibigan ko! Ako ang makakalaban niya, sinasabi ko talaga!

Sinundan ko ang direksyong tinungo ni Brenda subalit hindi ko na siya nakita. Nagtanong- tanong ako sa mga tao subalit dahil sa abala sila sa kani- kanilang trabaho ay hindi raw nila napansin si Brenda.

Napatigil ako at minasahe ang aking noo.

Parang biglang kumirot ang ulo ko.

Ang akala kong perpektong araw kanina ay biglang nasira.

Hindi ko na alam ang gagawin. Hindi ko mahanap si Brenda. Kailangan ko siyang makausap. Kailangan kong tanungin kung bakit siya umiiyak.

Kung sino ang nagpaiyak sa kaniya.

Nakita kong parang may sasabihin sana siya sakin kanina dahil kumibot- kibot ang labi niya.

"Mirasol! Nandiyan ka lang pala. Tawag ka ni nanay mo sa kusina. Ilalabas na raw ang mga pagkain."

Bumuntong- hininga ako. "Opo, susunod ako."

Mamaya ko nalang kakausapin si Brenda. Kailangan ko munang asikasuhin ang trabaho ko.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon