At ang sunod na ginawa ng binata ay ang bagay na hindi ko inasahan.
Naglakad siya palapit sa amin ni tatay at tinulungan akong alalayan ang aking ama para makatayo. Marahil sa sakit ng tuhod at pangangatal ay muntik nang matumba si itay. Mabuti nalang at agad namin siyang naalalayan ni Jandrino.
Hindi sinasadyang magtama ang aming mga kamay nang sabay naming hawakan si tatay sa kaniyang likuran.
Para akong nakuryente nang aksidenteng magtama ang aming mga kamay kaya agad ko itong binawi.
Pagtingin ko sa kaniya ay nakatitig na rin siya sa akin. Nakita kong umigting ang panga niya nang bawiin ko ang aking kamay at dahan- dahan niya ring kinuha ang kamay niyang nakahawak kay tatay nang makatayo na ito ng maayos.
Dahil sa ginawa niyang pagtulong sa amin ay basa na rin siya ngayon. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip niya at bigla siyang lumabas para daluhan kami.
Seryoso ang kaniyang ekspresyon at nakakunot ang kaniyang noo. Ang ilang hibla ng kaniyang buhok ay napupunta sa kaniyang mukha.
Maayos na maayos ang kaniyang suot na damit kahit pa sabihing nasa bahay lang nila siya. Malinis siya kaninang tignan pero dahil sa ginawang pagtulong sa amin ay naputikan ang kaniyang puting damit.
Napunta sa kaniyang katawan ang atensyon ko at napalunok ako. Ang ganda ng hugis ng kaniyang katawan. Bakat na ngayon ang kaniyang damit dahil nabasa ito. Kung makikita mo siya sa unang pagkakataon ay hindi mo iisiping labing- walong taong gulang palang siya.
Tumikhim siya kaya naman napa- angat ako ng tingin.
Sinalubong niya ako ng kaniyang seryosong titig at halos magpalamon ako sa semento nang malamang nahuli niya akong sinusuri ang kaniyang katawan!
Namula ako at nag- iwas ng tingin.
Jusko naman, Mirasol. Umayos ka!
Napapikit ako napakagat sa ibabang labi.
"Uh . . . Mang Victorino?"
Napatingin sa kaniya si tatay nang tawagin niya ito. Biglang umamo ang kaniyang mukha habang tinititigan si tatay.
Nawala ang pagkunot ng kaniya noo at kita ko ang pag- aalala sa kaniyang mga mata.
"B- bakit po, S- senyorito Jandrino?"
Kumibot- kibot ang kaniyang labi pero hindi niya naituloy ang nais na sabihin.
Pumikit siya at binasa ang ibabang labi. Dahilan para doon na naman matuon ang atensyon ko.
"Ang mabuti pa, magpalit na muna kayo ng damit. Halikayo, sumama kayo sakin."
Napansin niya yatang nanginginig na sa lamig si tatay. Maputla rin siya at sobrang dumi na ng kaniyang suot na damit dahil balot na ito ng putik.
"Huwag na, Senyorito Jandrino. Nakakahiya naman." Pagtanggi ni tatay.
Nilingon niya ito at tinapik sa balikat.
Nakita kong sumilay ang matamis na ngiti sa kaniyang labi.
"Huwag po kayong mahiya, 'tay. At isang bagay pa, Jandrino nalang po. Huwag na niyo na po akong tawaging senyorito. Masyadong pormal." Sabi niya saka tumawa.
"Sige, Jandrino."
Napailing- iling si tatay at natawa na rin. Medyo gumaan ang tensyon sa paligid matapos nang nangyari kanina dahil sa tawa nilang dalawa.
Nanatili naman akong seryoso habang tinitingnan sila pareho. Parang nakalimutan na yata nila na nandito ako.
Tsaka makatawag naman siya ng 'tay' kay tatay. Anak siya? Kailan pa ako nagkaroon ng asungot na kapatid?
Lumingon siya sa direksyon ko kaya agad akong napa- ayos ng tayo. Umiwas din ako ng tingin at kunyare ay abala sa pagmamasid ng mga disenyo sa paligid ng mansyon.
"Uh . . ."
"Mirasol. Mirasol ang pangalan ng anak ko, Jandrino."
Napabaling akong muli sa kanilang direksyon nang marinig kong ipakilala ako ni tatay sa binata.
Nagtataka at nagtatanong kong pinandilatan si tatay na nagkibit- balikat lang.
"Mirasol."
Napatingin ako kay Jandrino nang halos pabulong niyang banggitin ang aking pangalan.
"Mirasol pala ang iyong pangalan." Nakangisi niyang saad.
Masama ko siyang tinitigan at hindi pinansin ang nagpapalipat- lipat na tingin ni itay sa aming dalawa.
"Magkakilala kayo?"
"Opo."
"Hindi po!"
Sabay naming sagot.
Medyo napalakas lang ang boses ko sa sobrang pagkataranta dahil iba ang tinging ipinupukol sa akin ni tatay.
Parang sinasabi niya na . . .
Marami kang dapat ikwento sa akin, Mirasol.
Umiling- iling lang ako para pabulaanan ang sagot ng lalaki.
Anong magkakilala!? Kailan pa!? Ni hindi nga kami nagpapansinan! Tapos sasabihin niyang magkakilala kami!?
Desisyon siya!?
"Ah, maupo nalang po muna kayo. Tatawagin ko ang mga katulong para asikasuhin kayo." Sabi niya kapagdaka at inalalayan si itay paupo sa sofa.
Sinuri ko ang sarili at para lamang kaming alikabok dito sa loob ng mansyon. Hindi talaga kami nararapat sa ganitong klaseng lugar. Mas lalo lang akong nanliliit sa sarili.
Inagapan ko si itay bago pa man siya makaupo.
"Uh, hindi na kailangan!" Pigil ko at hinawakan si tatay sa braso.
"Uuwi na lang kami. M- maraming salamat." Dagdag ko.
"Malakas pa ang ulan at tiyak na mababasa kayo. Dito na muna kayo. Pwedeng ring dito kayo magpalipas ng gabi. Marami namang bakanteng silid dito sa mansyon. Ipapalinis ko muna para magamit ninyo." Pagmamagandang- loob na alok ni Jandrino.
Sunod- sunod akong umiling.
Kami? Dito magpapalipas ng gabi? Huwag na. Mas mabuti pang magpaulan sa labas para makauwi kesa manatili sa mansyon gayong makakasama ko sa iisang bubong ang impakta.
Baka kapag dito kami magpalipas ng gabi ay hindi na si Patricia malipasan sakin, hindi na siya masikatan ng araw.
"Hindi na kailangan. Ayos lang kami. Kailangan na rin naming umuwi. May naghihintay pa samin sa bahay." Tanggi ko at pagsisinungaling ko.
"S- sino? A- asawa mo?"
Nanlaki ang mga mata ko sa tanong niya.
Grabe! Mukha ba akong may asawa!? Ganoon na ba ako ka- losyang para mapagkamalan niya akong may- asawa na!?
Pero hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko at tumango ako. Siguro ay gusto na rin lang makauwi at makalayo rito kaya hindi ko nalang ipinagkaila ang bagay na inaakala niya.
Hindi ko alam kung guni- guni ko lang pero nakita kong gumuhit ang lungkot sa kaniyang mga mata.
"Ah . . . k- kung g- ganoon. Maligo nalang muna kayo at magpalit ng tuyong damit. Ipapa- asikaso ko ang mga kakailanganin ninyo. Ipapahatid ko na rin kayo. Nasa labas ang isa pa naming kalesa, 'yon nalang ang sakyan ninyo pauwi." Mahabang litanya ni Jandrino.
"Maraming- maraming salamat, Jandrino." Buong pusong pasasalamat ni itay.
Ngumiti siya ngunit mababakas ang kalungkutan sa kaniyang mukha. Bumaling siya sa direksyon ko.
"Walang anuman po . . . itay."
BINABASA MO ANG
SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL [COMPLETED]
عاطفيةLiwanag, saya at pag- asa ang mga simbolong ipinapahiwatig ng bulaklak na mirasol. Matingkad ang dilaw na kulay ng mga talutot nito na mayroong kulay kayumangging bilog sa gitnang bahagi. Sumusunod ang galaw ng bulaklak na ito sa araw kung kaya't bi...