KABANATA 1

103 10 0
                                    

“Mirasol!”

Napalingon at sinipat kung sino ang tumawag sa akin. Malapad akong ngumiti at kumaway sa ngayo’y papalapit na si Brenda.

“Halika rito!” masayang tawag ko.

Nakita kong lumundag siya para iwasan ang bahagi ng palayan na may awang. “Hay, kakapagod! Ang init- init pa ng panahon. Ang sakit kapag tumatama sa balat!”  reklamo niya habang pinapaypayan ng abaniko ang sarili nang makarating sa kinaroroonan ko.

Ngumiti ako.  “Hala ka! Iitim ka na niyan!”  pananakot ko sa kaniya.

Hinampas niya ako sa braso kaya naman mas lalo akong natawa. “Heh! Hindi ako puwedeng umitim no! Baka hindi ako makapag- asawa ng mayaman kapag naging mukha akong sunog na kanin!”

Umiling- iling ako.  “Sus, wala naman ’yan sa kulay ng balat, Brenda! Kahit anong kulay ng balat ng isang tao, maganda pa rin sila. Huwag mong iisipin na porket maitim lang eh pangit na.”

Tumango siya.  “Pero iba pa rin kasi kapag maputi ka at namumukod- tangi sa lahat. Mas madali kang makakaakit ng lalaking mayaman!”  Kinikilig na ani niya.

Napangisi nalang ako.

Kahit kailan talaga ’tong si Brenda. Puro pagyaman at pag- angat sa buhay ang nasa utak.

Si Brenda ang pinakamalapit kong kaibigan na babae rito sa aming hacienda. Anak siya ni Mang Ferdio subalit malaki ang pagkakaiba ng kanilang ugali. ’Di hamak na mas mabait at maayos makitungo si Brenda sa mga tao na siyang namana niya sa kaniyang ina samantalang sobrang masungit at akala mo’y laging galit sa mundo naman si Mang Ferdio. Naging malapit kaming magkaibigan dahil madalas kaming magkasama noong mga panahong pareho pang nagtatrabaho si itay at Mang Ferdio rito sa palayan. Ang lugar na ito ang nakasaksi ng lahat. Mula sa kami ay magkakilala at hanggang ngayon na kami ay naging matalik na magkaibigan.

“Nasaan na ang pagkain? Kanina pa ako nagugutom!”

Naagaw ang atensyon namin ni Brenda nang pumasok si Romualdo sa kubo.

Tinaasan ko lang siya ng kilay.

Makareklamo naman akala mo amo, tsk!

“Ginoo, narito na ang inyong pananghalian. Pasensya na at ngayon lang ako nakarating,”  wika ni Brenda sabay lapag ng bitbit niyang mga supot na naglalaman ng kanin at ulam para sa mga trabahador.

“Bilisan mo! Kupad- kupad naman kumilos!”

Sinuntok ko si Romualdo sa braso kaya naman napa- ‘aray’ siya.  “At sino ka para utusan at sigawan si Brenda nang ganiyan!? Amo ka ba, ha? Amo ka!?”

“Eh, bakit ka naninigaw!? Hindi naman ikaw ang inutusan ko! Nakatingin ka lang nga diyan eh, kung tinulungan mo sana ’yang si Brenda, e di naihanda na kaagad ang pagkain!”

Aba . . .

“Aray, aray!” 

Piningot ko ang tainga niya. Hindi ko binitawan kahit nagrereklamo na siyang masakit daw.

“Si Mang Ferdio ang nanermon sayo kanina kaya huwag mong ibubunton kay Brenda ’yang inis mo!”  sermon ko.

“Oo na, oo na! Bitawan mo ang tainga ko dahil masakit! Parang maaalis na!”

Doon ko lang namalayan na medyo napalakas pala ang pagpingot ko kaya agad akong bumitaw. Pero hindi ako nakuntento at pinukulan ko siya ng masamang tingin.

“Huwag na huwag mong aawayin ang kaibigan ko kung hindi ay malalagot ka sa ’kin!”  banta ko.

“Huwag na huwag aawayin,”  pang- aasar niya habang pakutyang inuulit ang sinabi ko.

Muling uminit ang ulo ko kung kaya’t muli ko siyang nilapitan. Tumakbo siya papunta sa kabila para iwasan ako.

“Oo na! Hindi ko na aawayin! Ang arte ninyong dalawa! Hindi sana kayo makapag- asawa!”

Tumigil na ako kahahabol sa kaniya dahil sayang ang lakas ko para sa lalaking ’to. Narinig ko ang pagtawa ni Brenda kaya naman taka akong napatingin sa kaniya.

“Bagay kayo,”  nakangiting komento niya.

Namilog ang mga mata ko sa gulat at biglang umiwas ng tingin dahil namula ang pisngi ko!

Totoo bang sinabi niya ’yon!? Brenda naman! Magkakampi tayo rito! Parang biglang pinagsisihan ko tuloy ang pagtatatanggol sa ’yo. Sana hinayaan nalang kita na utos- utusan ni Romualdo kanina.

“Tsk. Panget ’yan at masyado akong gwapo kaya hindi kami bagay,”  pagyayabang ni Romualdo sabay iwas ng tingin habang umiigting ang panga.

“Hindi talaga tayo bagay! Kasi tao ako samantalang hayop ka!”

At bago pa man kami magbatuhan ng mga pinggan ay pumagitna na si Brenda sa amin. Kita sa mukha niyang pinipigilan niyang ngumiti para asarin kami lalo.

Huwag ako, Brenda. Baka hindi kita matantiya at makalimutan kong magkaibigan tayo. Baka ikaw pa ang mabato ko ng plato.

“Awat na, kakain na tayo. Biro ko lang naman ’yon kaya huwag kayong masyadong seryoso riyan!”

Umismid ako.  “Hindi nakakatawa.”

Umupo na ako sa pwesto ko at agad na tumabi sa akin Brenda. Nagsipasok na rin sa kubo ang ibang trabahador. Kaniya- kaniya silang tungo sa kanilang mga puwesto at agad na nagsandok ng kanin at ulam.

Pinigilan ko ang kamay ni Brenda nang akma niya akong ipaghain.

“Ako na,”  sabi ko saka siya nginitian.

Tumango nalang siya at hindi na nagpumilit pa.

Tulad ng nakasanayan ay naging masaya ang aming tanghalian at hindi kami magkamayaw sa pagtawa sa mga kwento ng mga matatanda naming kasama. Minsan ay nagpapabida pa si Romualdo na agad ko ring babarahin kaya mauuwi na naman kami sa tuksuhan at asaran ng lahat.

“Napakahina mo, Romualdo! Ligawan mo na kasi iyang si Mirasol! Baka matipuhan ng iba at maunahan ka!” parinig ni Mang Pedring.

Namula na naman ang mukha ko sa hiya dahil kami na naman ni Romualdo ang nakita nila. Lagi kami nilang inaasar dahil bagay daw kami na maging magkasintahan.

“Ayaw ko po! Baka sa halip na maging malambing ’yan sa akin ay puro bugbog at sapak ang aabutin ko!”  tanggi niya sabay tawa.

Biglang nagpanting ang tenga ko.  “Ayaw ko rin naman sa ’yo, no! Babaero ka at habulin ng mga babae kahit ang pangit- pangit mo naman! Hindi ko nga alam kung ano ang nakita nila sa ’yo at habol sila nang habol! Parang mga ewan!”

“Uy! Si Mirasol nagseselos!”  tudyo ni Aling Lucing.  “Binibini, natural lang na maging sentro ng atensyon sa mga kababaihan ’yang si Romualdo dahil isa siyang makisig na ginoo. Pero may katuwiran ka rin naman. Paano nga kung maging kayo, ano? Tiyak mahihirapan ka dahil marami kang magiging kaagaw sa kaniya,”  dagdag pa ng ginang.

Halos masuka ako sa sinabi niya.

Ako? Magkakagusto riyan?

Hindi!

Hinding- hindi mangyayari ’yon!

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon