KABANATA 35

21 5 0
                                    

"Nasaan si Mirasol!? Hoy, Mirasol! Alam kong nandiyan ka sa loob! Lumabas ka! Ang kapal ng mukha mo!"

Napatayo ako nang marinig ang galit na galit na boses ni Aling Felomina. Napangisi ako. Ah, alam na nila?

Humahangos na nagtungo sa akin si Maliya.

"Ate? Anong nangyayari? Bakit galit na galit si Aling Fely sayo?" Kinakabahang tanong niya.

Umiling ako. "Wala. Pumasok ka na muna sa kwarto. Bantayan mo si nanay. Ako na ang bahala." Utos ko.

"Pero at-"

Pinutol ko ang sasabihin niya. "Makinig ka nalang, pwede?!"

Tumango- tango siya at laglag ang balikat na naglakad na papasok ng silid nina nanay.

Tumingin ako sa labas. Ang galing. Sila pa ngayon ang matapang.

Binuksan ko ang pinto at bumungad sa aking harapan si Aling Fely. Ilan sa mga kapitbahay namin ngayon ay nasa paligid na rin habang nagbubulungan.

Kasama niya si Brenda na nanlilisik na rin ngayon ang tingin sa akin. Si Gerardo naman ay hindi magawang salubungin ang titig ko. Pilit niyang pinipigilan ang ina na galit na galit ngayong dinuduro ako.

"Tara na, Ma. Nakakahiya. Huwag kayong gumawa ng eskandalo rito."

Tinabig ng ina ang kamay ni Gerardo na pumipigil sa kaniya.

"Bitiwan mo ako, Gerardo! Tuturuan ko ng leksyon ang walang utang na loob ng babaeng 'to!" Galit niyang singhal sa akin habang dinuduro ako tsaka bumaling sa akin.

"At ikaw, walang hiya ka! Ang lakas ng loob mong saktan 'tong anak ko! Ni hindi ko nga 'to magawang paluin, tapos ikaw sasampalin mo lang!" Nanggagalaiti niyang sigaw.

"Bagay lang naman kasi." Mahinahon kong sambit.

"Aba! Kita niyo, ha?! Kita niyo!? Walang galang ang babaeng 'to! Pagkatapos ng lahat- lahat ng naitulong namin sa pamilya niyo, ito pa ang igaganti mo! Anong karapatan mong saktan ang anak ko?!"

Nakakarindi ng boses niya. Kahit kailan naman ay hindi ko kinalimutan ang mga bagay na naitulong nila sa amin. Tsaka, tinawag ngang tulong hindi ba? Dahil walang hinihintay na kapalit?

Kung labag lang din naman sana pala sa loob niya, hindi nalang siya tumulong. Kung ganitong balang- araw pala ay isusumbat niya lang din naman sa amin ang mga bagay na nagawa nila, sana hindi ko nalang tinanggap.

Oo, malaki ang naitulong nila sa pamilya namin mula pa noon at malaki rin ang pasasalamat ko dahil doon. Hindi ko 'yon nakakalimutan at palagi kong ipagpapasalamat.

Sinalubong ko ang kaniyang nanlilisik na tingin at kahit gusto ko nang sumabog ay nanatili akong kalmado.

"Unang- una Aling Fely, ang tulong sa kapwa ay ginagawa nang walang hinihintay na kapalit. Pangalawa, dapat mas alam mo sa sarili mo kung bakit ko nagawa ang bagay na 'yon sa anak mo kagabi." Matapang kong sambit.

"Ano bang alam mo?! Isa ka lang namang nagmamalinis at nagmamatapang na babae! Kaya walang may gustong lumapit sayo eh dahil ang sama ng ugali mo!" Akusa niya.

Pumikit ako para magpigil. Masyado na siyang namemersonal. Kahit papaano ay inalala ko nalang ang naging samahan ng pamilya namin noon para hindi ko siya mapatulan. Kahit papaano ay may natitira pa akong respeto. Huwag niya lang akong sasagarin at baka tuluyan 'tong mapigtas.

"Bakit pagbabawalan mo kung ganoon si Gerardo na lumapit sa kapatid ko? Bakit mo siya inuutusang lumayo kay Maliya? Ngayon, sino sa atin ang masama ang ugali? Ina ka, pero bakit mo pinipigilan ang mga bagay na ikasisiya ng anak mo?"

Nakita kong natigilan siya. Maaaring hindi niya inaasahan na alam ko ang plano niya.

Wala akong pinag- aralan, Aling Fely. Pero hindi ako tanga para malaman kung ano ang binabalak mo.

Matalim ko siyang tinitigan. Agad ding bumalik at mukhang mas lalo pang nadagdagan ang kaniyang galit sa akin.

"Ano ang karapatan mo para kwestyunin ang mga bagay na gusto kong gawin ng anak ko?! Wala kang alam kaya manahimik ka! Nakapa- pakialamera mo! Akala ko pa naman dati ay mabuti kang bata. Isa ka rin palang walang kwenta! Ang sama- sama ng ugali mo!" Sigaw niya mismo sa mukha ko.

Tumagis ang bagang ko. Kumuyom ang aking kamao at parang gusto ko siyang sapakin. Namumula na rin ako sa galit at parang naiiyak na ako dahil hindi ko maipalabas ang mga salitang gusto kong isampal sa mukha niya.

Napansin yata ni Gerardo na hirap na hirap na akong magpigil ng galit kaya naman muli niyang sinubukang awatin ang kaniyang ina. Ngunit tinampal lang nito ang kaniyang kamay.

"At isa pa, ano naman ngayon kung hindi na makikipagkaibigan si Gerardo kay Maliya? Dapat nga ay noon ko pa pinigilan 'tong anak ko eh. Hindi magandang impluwensiya 'yang kapatid mo! Kababae pa namang tao. Hindi siya nararapat na maging kaibigan ng anak ko!"

Binalingan ko si Gerardo. Umasa akong ipagtatanggol niya ang aking kapatid dahil kahit papaano ay may pinagsamahan naman sila. Pero binigo niya ako. Nanatili lang siyang nakayuko. Hinayaan niya lang ang ina na maliitin ang pagkatao ng kapatid ko.

Muli kong ibinalik ang atensyon kay Aling Fely.

"Mali ka." Seryoso kong sambit.

"Hindi nararapat si Gerardo na maging kaibigan ng kapatid ko." Bumaling ako sa binata. "Isa siyang duwag. Hindi niya kayang magdesisyon para sa kaniyang sarili. Para sa kaniyang kaligayahan. Hinayaan ka niyang manipulahin ang kaniyang pasiya. Ang mga ganyang klase ng tao ay hindi nararapat para sa kapatid ko." May paninindigan kong sambit.

"Huwag mo nang ipipilit ang mga baluktot mong rason, Mirasol. Mas mabuting ibang babae nalang ang hahayaan kong maging kaibigan ng anak ko. Babaeng mas higit na marangal kesa sa kapatid mo!"

"At sino ang babaeng 'yon, Aling Fely? Si Patricia Ledezma?"

Nagulat siya sa biglaang pagbanggit ko sa pangalan ng dalaga. Natigilan siya at namutla.

"Kahit na sino pa, basta ay huwag lang ang kapatid mo. Maayos naman sana 'yan eh. Ang kaso, nahawaan mo kaya natulad sayo." Puno ng pangungutya ang mga tinging ipinupukol nila sa akin.

Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ganyan siya magsalita gayong pareho- pareho lang naman kaming mahihirap. Akala mo kung sinong mayayaman kung umasta.

"Tandaan mo, Mirasol. Pagsisisihan niyo 'to." Banta niya sa akin bago tuluyang tumalikod at umalis.

"Brenda . . ." tawag ko sa kaibigan.

Umiling- iling lang siya na parang dismayado at agad na sumunod sa kaniyang ina at kapatid.

At noong pagkakataong 'yon. Kasabay ng pagkaputol ng ugnayan ng aming pamilya at pagkakaibigan nina Maliya at Gerardo, ay tuluyan na ring natuldukan ang aming pagkakaibigan.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon