KABANATA 23

25 4 0
                                    

Kinaumagahan ay parang gusto kong iuntog ang sarili sa pader. Sinabi ko kahapon na hindi na ako pupunta sa mansyon ngayong araw pero heto at naghahalo ako ngayon ng mainit na asukal para maging malapot. Nilinlang ako ng aking sarili at hindi ko namalayang nagluluto na ako ng bukayo.

Napapadyak ako sa labis na inis.

Eh ano naman ngayon kung magkita kami? Oo, alam kong kasalanan ko kung bakit nasugatan siya pero may kasalanan din naman siya di ba? Kaya hindi dapat ako nakokonsensya!

"Anak, magandang umaga." Bungad na bati ni tatay.

Napalingon ako at binati rin siya. "Magandang umaga rin po."

Nang makalapit siya ay dinungaw niya at sinuri kung ano ang niluluto ko. Inamoy niya ito at napapikit pa.

"Hmm, ang bango naman niyang minatamis na niluluto mo, anak. Mahal na mahal mo talaga ako, ano? Ipinagluto mo pa ako ng paborito ko?" Masayang wika niya at hindi na inalis ang tingin sa kawali.

Napakamot ako sa batok at napabusangot.

"H- hindi po ito para sa inyo, tay."

"Ha? Eh para kanino kung ganoon?"

"P- para po kay Senyor Dominador, tay." Nahihiyang saad ko at pinagpatuloy na ang paghalo.

"Bakit!?"

Napaigtad ako ng biglang sumigaw si tatay. Akala ko ay nagalit siya pero nalaman kong nagda- drama lang siya nang bigla niyang hinawakan ang dibdib at madramang umiling- iling.

"Mirasol, hindi mo na ako mahal." Maarte niyang sabi na sinabayan pa ng pag- atras at dahan- dahang naupo sa silya at nangalumbaba.

"Ano!? Pinapalitan mo na ako? Mirasol, babae ka. Ikaw dapat ang nililigawan at hinahabol ni Jandrino. Hindi itong parang ikaw pa ang nanliligaw at lumalabas na patay na patay sa kaniya. Tapos ipinagluluto mo pa ng minatamis ang ama niya. Para ano? Para magustuhan ka rin ng senyor at pumayag na itong ipakasal kayong dalawa ni Jandrino? Anak, huwag naman ganyan. Kami ang nandito, pero iba ang ipinagluluto mo." Arte pa niya sabay subsob ng ulo sa mesa.

Pinigilan ko ang sarili na matawa pero napahagikhik ako sa pinaggagagawa ni tatay. Ang galing niyang umarte. Dalang- dala ako.

Siguro kung naging artista 'to si tatay, maraming tao ang hahanga sa kaniya. Akalain mo nga naman? May tinatago rin palang talento itong ama ko?

At dahil magaling akong anak at kilala bilang mapagsabay sa kahit anong biro ay hindi ako magpapatalo. Dadamayan ko sa kabaliwan itong ama ko.

Aba eh, para saan pa at naging pinakamaganda at pinakamagaling na anak niya ako, hindi ba? Pakitaan din natin!

Inilagay ko sa pinggan ang sandok at hinayaan na maging malapot ang asukal sa kawali. Medyo matatagalan pa naman kaya babalikan ko nalang mamaya.

Nilapitan ko siya at hinagod sa likod.

"Itay, huwag na po kayong malungkot. Ayaw niyo po ba? Kapag napangasawa ko na si Jandrino, hindi na tayo maghihirap. Magkakaroon na tayo ng bahagi sa yaman nila. At syempre, hindi na ninyo kailangang magtrabaho pa ni inay. Patatayuan ko kayo ng malaking- malaking bahay!" Maarteng sabi ko at bumuo pa ng malaking bahay kunyare gamit ang paghampas ng kamay ko sa hangin.

Hinatak ko ang upuan na nasa unahan niya at nag- angat rin ng tingin si tatay.

"Pagkatapos ay hindi na kayo gagawa. Magkakaroon tayo ng katulong na uutusan kapag may kailangan kayo. Ipaghahain tayo sa tuwing kakain at higit sa lahat, hindi na magkakasakit si inay. Makakapag- aral na rin si Maliya. Hindi ba ang saya? Makakasakay na rin tayo sa kalesa kahit saan natin balak na pumunta. Kahit na pupunta lang kayo ng hardin ay pwedeng- pwede kayong sumakay sa kalesa, itay!" Nangangarap na wika ko habang hindi mapigilan ang sarili sa pagtawa dahil sa sariling kahibangan.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon