KABANATA 28

19 4 0
                                    

Matapos kong uminom ng gamot ay tinawag kaming lahat dahil kakausapin daw. Lahat ng mga trabahador na nasa labas ay nasipasukan at umupo sa loob. Lumabas ako ng silid para sumama at makinig sa kung anumang sasabihin.

Nang makita ako ni Romualdo ay agad niya akong dinaluhan at inalalayan kahit pa na hindi naman na kailangan. Kaya ko na ang sarili ko dahil medyo maayos na ang pakiramdam ko.

"Mirasol, bakit ka bumangon? Magpahinga ka na muna sa loob." Ramdam ko ang pag- aalala sa boses niya.

Umiling ako. "Maayos na ang pakiramdam ko, Romualdo."

Sinipat niya at hinawakan ang noo ko. "Ang tigas naman ng ulo mo, mainit ka pa nga."

Tumawa ako. "Hindi na ah. Uminom na ako ng gamot."

"Magpahinga ka na lang. Ako na ang makikinig tapos babalitaan nalang kita mamaya."

"Heh, sinat lang 'to! Ano ka ba? Ang arte mo ha."

Tumango- tango siya. "Magaling ka na nga."

Natawa nalang ako sa reaksyon niya. Sabi naman kasing maayos na ang pakiramdam ko. Masyadong mapilit ang isang 'to.

Inalalayan niya ako patungo sa upuan at ipinaghila pa. Tinatrato talaga akong bata.

Nakarinig ako ng pagtikhim.

"Senyorito, hindi pa po ba tayo magsisimula?"

Napatingin ako sa nagsalita at sa harapan.

Biglang nanuyo ang lalamunan ko nang makitang nakatingin sa direksyon namin si Jandrino.

Hindi ko alam pero parang galit na naman siya. Kitang- kita kasi ang pagkunot ng kaniyang noo at ang pagtangis ng kaniyang bagang.

Pasimple akong umirap at kinurot sa tagiliran ang ngayo'y nangungulit na si Romualdo.

Umayos siya ng upo nang makita ang isinenyas ko. Tumingin siya sa harapan at nilabanan ang galit na titig sa amin ni Jandrino.

"Aayos na po." Bulong niya.

"Magandang umaga po sa inyong lahat." Panimulang bati ni Jandrino.

Hawak- hawak niya ngayon ang kaniyang sumbrero sa kaniyang dibdib. Sinulyapan ko si Brenda na nasa unahan. Kumikinang ang mga mata niyang nakatutok kay Jandrino.

Malala na ang isang 'to. Hindi yata alam ang tunay na ugalin ng lalaki. Ewan ko nalang kapag nalaman niya. Baka pagsisihan niyang nahumaling siya sa binata.

"Sinong sinisipat mo riyan?"

Nahampas ko sa braso si Romualdo nang bigla siyang bumulong sa akin.

"Ano ba?! Umayos ka nga!" Banta ko sa mahina ngunit may diing boses.

Natawa siya ng malakas kung kaya't halos lahat ng tao na nasa loob ng kubo ay napalingon sa amin.

Maging sina Jandrino at Brenda na nasa unahan ay nakatingin na rin sa amin ngayon.

Agad kong tinabunan ang bibig ni Romualdo para hindi na siya makapagsalita pa.

Asiwa ko silang nginitian at humingi ng paumanhin.

"Pasensya na, gutom lang 'to." Wika ko habang tinatabunan ang bibig ni Romualdo.

"Hayst, mamaya na kayo maglampungang dalawa. Makinig muna kayo sa tagubilin at mas importante 'to." Naiiling ni wika ni Mang Isko.

Gustuhin ko mang ipagtanggol ang sarili at sabihing hindi kami naglalampungan ay mas pinili ko nalang na pagsabihan si Romualdo para umayos na.

Pagtingin kong muli sa harapan ay nahuli kong nasa amin na naman ang atensyon ni Jandrino.

Anong problema niya? Humingi na nga ako ng paumanhin di ba? Pasensya na at naputol ang pagsasalita niya.

Umirap nalang ako at pinandilatan ang katabi kong ngingiti- ngiti pa rin ngayon.

"Mamaya mo na ako kulitin, hindi naman ako mawawala." Parinig niya pa.

Hindi ko na siya pinansin at baka kung saang gyera na naman kami umabot.

Napasulyap ako kay Brenda at nakita kong maloko siyang nakangiti habang nagpapalipat- lipat ang tingin sa amin ni Romualdo.

Umiling ako para ipakitang walang malisya ang anumang nangyari. Kumibit balikat siya at tumingin na muli sa harapan.

"Binibigyan kayo ng karampatang sahod ng aming pamilya kung kaya't inaasahan namin na maayos ninyong ginagawa ang inyong trabaho. Kapag oras ng trabaho, magtrabaho. Hindi 'yon oras ng paglalaro at mas lalong matatanda na kayo para sa bagay na 'yon. Huwag ninyong isasama ang ibang bagay sa tuwing kayo'y gumagawa." Mariin at seryoso ang boses ni Jandrino habang binabanggit ang mga salita

Tumango ang lahat maliban sa akin.

Bakit pakiramdam ko ay kami ni Romualdo ang tinutukoy niya doon sa naglalaro sa oras ng trabaho?

Hindi naman kami ganoon ah? Nagkataon lang talaga na ganoon ang nakita niya nang bumisita siya.

Para siyang si Don Dominador kapag galit. Nangangaral at sobrang seryoso ng mukha. Kuhang- kuha niya ang ugali ng ama.

"Isang bagay pa. Ako ang inutusan ni ama na magsuri ng kalagayan ng bukid ngayon sapagkat mayroon silang mahalagang pagtitipon na kailangang daluhan. Kaya asahan niyo na nandito ako sa mga susunod pang mga araw."

"Sige po, senyorito." Sabay- sabay na sabi ng mga tao sa loob.

"Ayoko nang madatnan ang sinuman sa inyo na gumagawa ng ibang bagay bukod sa pagtatrabaho, maliwanag?" Wika niya sabay sulyap sa akin.

Umirap ako. "Ako na naman."

"May sinasabi ka, binibini?"

Napa- angat ako ng tingin. Narinig niya?!

"W- wala po, senyorito."

"May gusto kang sabihin?"

Inis ko siyang binalingan. "Wala nga! Paulit- ulit?"

Nakarinig ako ng ilang pagsinghap at doon ko lang namalayan ang ginawa ko.

"A- ang ibig kong sabihin . . . wala po, senyorito." Wika ko sabay yuko at kagat ng pang- ibabang labi.

Bumuntong- hininga siya at sinuot na ang sumbrero.

"Tapang ah? Anong pinaglalaban mo?"

Pinandilatan ko si Romualdo. "Gusto mong matadyakan?"

Hindi siya sumagot at muling itinuon ang atensyon sa harapan.

"Hindi na rin ako magtatagal, kailangan ko nang umuwi." Pamamaalam ni Jandrino.

Tumayo si Mang Isko. "Senyorito, dito na po kayo kumain. Samahan niya po kaming mananghalian. Kung ayos lang sa inyo." Anyaya ng matanda.

Bakit niyo niyayaya? Sa tingin niyo ba ay kakain 'yan ng pagkain nating mahihirap? Sus, hindi kumakain ng bagoong 'yan!

"Hindi na po, Mang Isko. Ayos lang." Magalang na tanggi ni Jandrino.

"Hindi siguro kumakain ng bagoong, Mang Isko. Tara na po! Tayo nalang ang kumain. Gutom na ako eh." Aya ko at tumayo na para ihanda ang mesa.

"Ah ganoon b-"

Naputol ang anumang balak na sabihin ni Mang Isko nang magsalita si Jandrino.

"Mamaya na po ako uuwi. Masyado pang mainit. Sasabay na akong manghalian sa inyo."

Napasinghap ang lahat na parang hindi makapaniwala lalong- lalo na si Brenda.

Lumingon ako at sumalubong sa akin ang nanghahamong titig ni Jandrino.

Talaga lang ha?

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon