KABANATA 11

36 5 0
                                    

Eksaktong alas siete y media ng gabi nang magsidatingan ang mga panauhin na siyang dadalo sa piging.

Parang bigla akong nanliit sa sarili nang makita ang mga engrande at mararangya nilang kasuotan.

Sinuri ko ang aking sarili at isang simpleng baro at saya lamang ang suot ko ngayon na halos kupas na ang kulay sa sobrang kalumaan. Isang bakya ang sapin ko sa paa na halos sira- sira na rin dahil halos magi- isang taon ko na itong ginagamit.

Gustuhin ko mang magsuot ng magagarang kasuotan o magsuot ng mamahaling bakya, wala naman kaming pambili nun kaya magtitiis nalang ako sa kung anong meron.

Kailanman ay hindi ako humingi kina inay at itay ng mga bagay para sa aking pansariling pangangailangan. Alam ko kung gaano kahirap maghanap at kumita ng pera dahil nararanasan ko ito mismo.

Minsan nagugulat nalang ako, kapag galing sa bayan si inay, may bitbit na siyang pasalubong para sa amin ni Maliya pag- uwi niya. Madalas kong tanggihan ang ibinibigay nila dahil para sa akin ay aksaya lang 'yon sa pera lalo pa't hindi ko naman minsan kailangan.

Pero ipinipilit nila na tanggapin ko dahil pasasalamat daw nila iyon sa akin dahil naging mabuti akong anak sa kanila.

Tinatanggap ko nalang para hindi na humaba pa ang usapan. Pero minsan, binibigay ko kay Maliya lalo kapag hindi ko naman magagamit. Tinatago ko naman kapag nagustuhan ko.

Tapos na kami sa pagsasaayos ng mga pagkain kanina kaya't may libreng oras na ako ngayon para magpahinga at kumain.

Ang sabi kanina ay impunto alas ocho magsisimula ang piging. May ilang mga taga- hacienda na rin ang dumating.

Ginabayan ko sila patungo sa mga bakanteng mesa at doon pinaupo. Malawak ang bakante sa harapan ng mansyon kaya tiyak naman na kakasya ang lahat ng bisita.

Maliwanag ang paligid dahil sinindihan na ang mga ilaw na nakasabit. Mas lalo pang nakapagdagdag sa liwanag ang sikat ng buwan at ningning ng mga bituin sa kalangitan.

Mabuti nalang at maganda ang panahon dahil sa oras na umulan ngayong gabi, tiyak na mababasa kaming lahat na nandito sa labas.

Nakipag- kwentuhan muna ako sa aking mga kakilala. Ang iba ay kasamahan namin sa bukid. Ang iba naman ay kapitbahay namin.

Binalingan ko si Aling Felomina na ina ni Brenda.

"Aling Felomina, nakita mo po ba si Brenda?" Tanong ko.

Umiling siya. "Hindi eh, sa pagkakaalam ko, kanina pa umalis ang batang 'yon sa bahay. Nagpaalam nga sakin, ang sabi pupuntahan ka raw dito. Bakit? Hindi ba kayo nagkita?"

"A- ah, ano . . . nakita ko po siya kanina. K- kaso ngayon, hindi ko na siya mahagilap."

"Ganoon ba? Nako, Mirasol! Kilala mo naman iyang kaibigan mo, kung saan- saan 'yan nagsususuot! Hanapin mo nalang sa paligid. Tiyak nandiyan lang 'yan."

Nagpaalam muna ako bago tumayo at umalis doon.

Hindi ko pa nakakausap si Brenda kaya kailangan ko siyang hanapin. Nag- aalala ako sa kalagayan niya at baka kung ano na ang nangyari sa kaniya.

Nagpalinga- linga ako sa paligid.

Wala talaga eh. Ni anino niya hindi ko makita. Nasaan na kaya ang babaeng 'yon?

Napapa-isog ako sa gilid sa tuwing may mga mayayamang dumaraan.

Masasakit pa ang tinging ipinupukol nila sa akin pero dahil wala akong pakialam, hindi ako yumuyuko dahil gusto kong ipaalam sa kanila na sa yaman at karangyaan lang sila umangat. Pare- pareho pa rin kaming tao at lahat kami ay pantay- pantay sa aspeto na 'yon.

Pasimple ko silang inirapan at umalis na lang.

Mas mabuti pang hanapin ko nalang ang kaibigan ko kesa makita ang mga sopistikadang nasobrahan sa yaman pero kinulang sa mabuting asal.

Napapansin ko na sa tuwing may hihintong kalesa sa harapan ng mansyon ng mga Ledezma ay natutuon doon ang atensyon ng mga tao. Lalo na ng mga kasamahan ko. Nagniningning ang mga mata nila akala mo'y nanonood ng palabas.

Nangalay na ang mga paa ko, napuno na ng pawis ang noo ko at nahapo na ako kakahanap kay Brenda pero hindi ko pa rin siya nakita.

Nasaan na ba kasi 'yon? Pinapahirapan niya pa ako eh. Nag- aalala talaga ako sa kaibigan ko dahil baka mamaya may masama nang nangyari sa kaniya.

Halos nalibot ko na ang buong mansyon. Ang tanging lugar lang na hindi ko pa napupuntahan ay ang hardin subalit duda naman akong nandoon siya. Siguro alam niya naman na bawal pumunta roon dahil ang sabi ng lalaki kanina, halos alam ng lahat. At base sa pagkakakilala ko kay Brenda, hindi siya kailanman naging ignorante sa ganoong mga bagay.

Bagsak ang balikat ko nang magdesisyon akong bumalik nalang sa handaan.

Bukod sa gutom na ako ay pagod na rin ang buo kong katawan. Kung pwede nga lang na makauwi na para makapagpahinga ay ginawa ko na. Pero hindi ko pwedeng iwan si inay dahil wala siyang kasama pauwi.

Nandito rin naman si Maliya. Kasama niya si Gerardo pero tiyak kong mauuna silang uuwi mamaya. Kaya kami lang talaga ni inay ang mahuhuli at magkasamang uuwi.

Pagdating ko sa mesa nina Aling Felomina ay mukhang hindi niya ako namalayan dahil abala siya sa pakikipag- usap sa kumare niya.

Tahimik nalang akong naupo at naghintay sa opisyal na pagsisimula ng piging. Ilang minuto na rin lang naman.

Sa sobrang pagod ay halos makatulog na ako sa aking upuan.

Kumurap- kurap ako upang kahit papaano ay mawala ang antok ko.

Marami pa kaming gagawin mamaya pagkatapos kaya kailangan kong mag- ipon ng enerhiya.

"Grabe, sobrang yaman talaga ng mga Ledezma, ano? Halos nandito lahat ng mga maimpluwensiya at mayayamang pamilya sa ating bayan." Manghang kwento ni Aling Felomina sa kausap.

Tinanaw ko ang loob ng mansyon.

Oo nga naman. Napuno ito ng mga opisyal at negosyante. Kasama nila ang kanilang mga asawa at mga anak.

Ang iba ay halos kaedaran ko lang at ang ilan ay malalaki na at mayroon nang pamilya.

Nakakatawa silang panoorin.

Kitang- kita at lahat na lahad sa kanilang mga kilos at gawi ang pagkukunwari na mabubuti silang tao. Na malilinis sila at hindi mga ugaling buwaya.

Hindi ko nilalahat pero mayroon talagang mga tao na hayok sa yaman at kapangyarihan. Gagawin ang lahat para lang ma- angkin ang isang bagay.

Napangisi nalang ako.

Mga nakakahiyang nilalang.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon