KABANATA 33

19 4 0
                                    

Sa susunod na linggo na ipagdidiriwang ang kaarawan ni Patricia. Nasabihan na kami ni Maliya na tutulong sa handaan kaya naman hindi maitago ang kaniyang kasabikan sa bawat araw na dumadaan.

Pero madalas ko pa rin siyang makita na malungkot. Palaging nakatanaw sa malayo at malalim ang iniisip. Problemado at panay ang pagbuntong- hininga.

Hinahayaan ko na muna siya dahil pakiramdam ko ay gusto niyang munang mapag- isa para makapag- isip- isip.

Namalayan kong hindi na siya madalas na umalis ng bahay hindi gaya ng dati. Hindi na sila nagkakasama ni Gerardo kaya siguro madalas siyang malungkot.

Gustuhin ko mang tumulong kung anuman ang problema nilang dalawa, wala naman akong karapatan.

Oo, ayokong nakikitang malungkot ang kapatid ko pero silang dalawa lang ang may karapatan na magdesisyon at humarap sa problema nila ngayon. Malalaki na sila kaya naman ayoko nang makisali pa.

"Maliya, paki- abot nga ng mga sahog." Pakiusap ko sa kapatid.

Ngayon ang araw na pinakahihintay ng lahat.

Ang kaarawan ni Patricia.

Abala ang lahat ng tao ngayon sa mansyon. Gaya ng madalas na mangyari tuwing may mga pagdiriwang.

Nasa kusina kami ni Maliya dahil tumutulong kami sa pagluluto. Ako na muna ang gumawa ng mga trabaho na dapat sana ay si nanay ang gumagawa.

Magaling na siya pero hindi pa rin siya pwedeng magtrabaho. Siguro ay pagpapahingahin nalang namin siya. Sa bahay nalang siya mananatili. Patitigilin ko na rin siya sa paglalabada.

Hindi namin pwedeng ilagay sa alanganin ang kalusugan ni nanay. Kailangan naming masigurado na hindi na ulit siya magkakasakit.

Inabot sa akin ni Maliya ang mga sahog at agad ko itong nilagay sa mantikang pinainit ko sa kawali.

Mga ulam ang naatasang ipaluto sa akin. Kailangan kong galingan para hindi kami mapagalitan ko masinghalan mamaya. Hindi kami pwedeng tatanga- tanga at nandito naglilibot at nagbabantay ang babaeng hindi pinalad sa pag- ibig.

"Ang kukupad niyong kumilos! Bilisan ninyong gumawa!"

Narito na siya.

"Kayo! Ano!? Hindi pa kayo tapos diyan!?" Singhal niya sabay turo sa amin ni Maliya.

Umirap lang ako at pinagpatuloy na ang pagluluto ng menudo.

"Ikaw? Tatayo ka lang diyan!? Kumakaway ang mga hugasin sa lababo oh! Hugasan mo!" Sigaw niya kay Maliya.

Parang nasindak ang kapatid ko kaya naman agad siyang kumilos at nagtungo sa lababo para maghugas.

Hindi na niya ako madadala sa mga pasigaw- sigaw niya. Huwag niya akong sisimulan kung ayaw niyang mapahiya rito. Makikipag- away talaga ako kapag kinanti niya kami.

Mabuti naman at agad siyang umalis. Biglang tumahimik ang kusina. Umiingay lang naman kasi kapag nandito ang presensya niya.

"Ang pangit na nga ng mukha, di man lang binawi sa ugali."

Napahagikhik ako nang marinig ang bulong ni Maliya.

Sinulyapan ko siya at nakitang nakatingin siya sa direksyong nilabasan ni Aling Marites. Bumalik din kaagad siya sa paghuhugas.

Walang kaduda- duda, magkapatid nga talaga kami.

Pinahid ko ang pawis na namumuo sa aking noo. Mausok din kung kaya't naluluha ako.

Tumayo ako at nag- inat ng kaunti. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Ang lahat ay abala sa kaniya- kaniyang gawain. Halos nasa sampung katao kami ang narito sa loob ng malawak na kusina.

Nang matapos kami sa pagluluto ay agad naming inayos ang mga pagkain. Inilagay sa mga lalagyanan at siniguradong kumpleto na bago ihain sa sala sa labas kung saan naroroon ang pamilya Ledezma at mga bisita nila sa gabing ito.

Bawat isa sa amin ay may dala- dalang lalagyan na naglalaman ng ulam. Ihahatid namin ito sa loob at ihahain sa mesa.

Hindi ako sigurado kung nandoon na sila pero hiniling ko na sana ay wala pa. Lalo nang maalala ko na maaari kong makitang muli si Jandrino.

Naiinis ako sa pagmumukha niya. Sa ilang araw na pagbisita niya sa bukid ay hindi ko kailanman tinulutang mag- krus ang landas naming dalawa. Kapag nandiyan siya ay palagi akong umiiwas. Minsan ay inaaya ko si Romualdo sa ilog para lang mapalayo sa kubo kung nasaan sina Jandrino at Brenda.

Masyado rin kasing halata ang dalaga. Halata sa kilos at mga pananalita niyang gusto niyang mapalapit sa binata. Kaya naman hindi na ako nangingialam sa tuwing mangyayari 'yon. Ako na mismo ang umiiwas. Wala naman akong pakialam kung maging malapit man ang loob nila sa isa't isa.

Nakakatawa.

Totoo naman kasing wala akong pakialam. Pero bakit may kung anong kirot sa puso ko sa tuwing naiisip ko na balang araw ay magiging magkasintahan silang dalawa? Sabay silang mamasyal at sasakay sa kalesa. Mamasyal sa bayan at bibilhan ng magagandang damit at alahas ni Jandrino si Brenda. At balang- araw ay maaari silang pagbuklurin at ikasal?

"Ate, kinakabahan ako. Nasa loob po ba si Patricia?" Bulong sa akin ni Maliya.

Umiling ako. "Hindi ko alam."

Napansin kong namumutla siya at halos manginig sa kaba.

Napailing- iling ako. Hindi karapat- dapat si Patricia para sa papuri at paghanga ng kapatid ko. Sobrang sama ng ugali niya. Wala siyang respeto at galang. Sana ay makita ni Maliya ang tunay na pagkatao ng dalaga. Nang sa gayon ay malaman niyang hindi tunay ang nakkikita niyang mapagbalat- kayong ng pagkatao nito.

"Ipasok niyo na 'yan!" Maawtoridad na utos ng dragonang mayordoma.

Agad kaming kumilos at naglakad papasok sa loob. Nakasunod sa akin si Maliya. Ito ang unang pagkakataon na nagtrabaho siya rito sa loob ng mansiyon kaya naman ginagabayan ko siya sa mga bagay na dapat gawin.

Pagbukas ng pinto sa kusina ay naglakad kami papasok ng sala. Rinig ko ang tawanang umalingawngaw sa loob ng mansyon.

Bumuntong- hininga ako.

Nandito na nga sila sa loob. Natanaw kong nag- uusap si Senyor Dominador at ang gobernador. May ilang opisyal rin na kasama nila sa mesa. Nag- uusap at nagtatawanan.

Inilapag ko ang pagkain sa mesa nang nakayuko. Ramdam ko ang titig sa akin ng kung sino. Hindi ako nag- angat ng tingin at agad na tumayo sa gilid para hintayin ang lahat na makatapos sa paghain.

Sumunod si Maliya na inilagay ang menudo malapit sa pwesto ni Patricia. Sinamantala niya ang pagkakataon na matanaw nang malapitan ang hinahangaang dalaga. Kitang- kita ko ang pagkamangha sa kaniyang mga mata.

"Ano pang tini- tingin- tingin mo riyan? Alis na." Mataray na pantataboy ng matapobreng dalaga sa aking kapatid.

Agad na tumango at yumuko si Maliya saka tumabi sa akin. Paminsan- minsan pa rin siyang tumitingin sa direksyon ng dalaga na ngayon ay malapad ang ngiti habang pinupuri ng gobernador.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon