KABANATA 9

28 4 0
                                    

Nandito kami ngayon sa mansyon ng mga Ledezma. Abala ang lahat dahil mamayang gabi na idaraos ang engrandeng handaan.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang dahilan kung bakit sila magdiriwang. Wala namang nabanggit sa akin si inay. Siguro ay may mahalagang anunsyo mamaya. Hindi ko lang sigurado.

"Anak, isalang mo na itong kaldero roon sa kalan." Utos ni nanay.

Tumango ako at agad na sumunod.

Tulad ng nakasanayan, maraming putahe na lulutuin para sa okasyon mamaya kung kaya't paroon at parito ang mga katulong dito sa mansyon.

Halos nasa sampong katao kami rito sa kusina. Kami ang naatasang magluto. Marami kami para mas madaling matapos ang mga gawain.

Mayroon ding mga tao na nag- aasikaso sa sala at sa labas. Naglalagay ng mga palamuti at disenyo para mas lalong maging kaakit- akit ang paligid at ang buong mansyon.

Sinalang ko na sa kalan na may apoy ang kaldero saka hinintay na matuyo ang tubig bago ko tinawag si inay. Agad niyang sinimulan ang paggisa ng mga sahog.

Hindi na ako nag- aksaya pa ng panahon na manood at sa halip ay inabala ko na lamang ang aking sarili sa paghuhugas ng mga kagamitan para hindi na ito magtambak.

Pasimple akong sumilip sa loob ng mansyon. Nagtaka ako dahil ilang oras na kami rito ngunit parang wala pa rin akong nakikitang miyembro ng pamilya Ledezma na lumabas man lang.

Hindi sa inaabangan ko sila. Pero nakapagtataka lang. Nasaan kaya sila?

"Susmaryosep, Mirasol!"

Nagising ang diwa ko nang tawagin ako ni inay.

"P- po?"

"Iyang gripo patayin mo! Huwag mong aksayahin ang tubig at baka bahain tayo rito sa loob!"

Bigla akong nataranta at napabaling sa lababo. Dali- dali kong pinatay ang gripo dahil napupuno na ng tubig ang lababo. May ilan na ring umaapaw na tubig mula rito dahilan para mabasa ang sahig ng kusina.

"P- pasensya na po, nay." Hinging paumanhin ko sa kapabayaang nagawa.

"Umayos ka at baka pumasok dito si senyora, malalagot ka, Mirasol." Pangaral ni inay.

Tumango ako saka mabilis na tinapos ang paghuhugas. Pagkatapos ay kumuha ako ng basahan para patuyuin ang nabasang sahig.

Sina inay na ang nagluluto. May katulong naman siya at ang tanging ginawa ko lang rito ay ang maghiwa ng mga sangkap at sahog. Paulit- ulit na maghugas sa tuwing dumarami na ang nakatambak na hugasin at sumunod sa ipinag- uutos ni inay.

Alas otso raw magsisimula ang piging kung kaya't kita sa pagkilos ng lahat ang pagmamadali. Sinisiguradong walang makaliligtaan at mailalagay sa ayos ang lahat ng bagay.

Kilalang istrikta ang senyora kung kaya't takot ang halos lahat ng mga katulong rito sa ginang. Mahinahon naman ang senyor subalit nakakatakot din ang kaniyang mukha lalo kapag unang kita mo pa lamang sa kaniya.

Halos maga- alas singko na nang matapos ang lahat. Inihahanda na lamang ang mga pagkaing ilalabas mamaya para sa mga bisita.

Lumabas ako ng kusina at namangha nang makita ang disenyo sa loob ng mansyon.

Napanganga ako sa sapagkat napaka- engrandeng tingnan ang paligid. Ang mansyon na ito ay sumisigaw at naglalahad ng kayamanan at karangyaan ng pamilya Ledezma.

Pagdating ko sa labas, sa malawak na harapan ng mansyon ay mayroong mga ilaw na nakasabit na siyang magsisilbing palamuti at liwanag mamaya pagsapit ng gabi. Mayroon ring mga mesa na siyang paglalagyan mamaya ng mga pagkain.

Madalas na rito pumupwesto ang mga taga- hacienda na dumadalo sa piging. Espesyal na panauhin lamang ang pinapayagang pumasok sa loob.

Mayroon lang na mga katulong na magsisilbi rito sa labas para hindi na kailangan pang pumasok sa loob para kumuha ng pagkain.

Naglakad- lakad ako patungo sa likod ng mansyon, sa hardin.

Nag- inat ako dahil sumasakit ang buo kong katawan. Natuwa ako nang makita ang mga matitingkad na mirasol na nakatanim rito. Parang biglang nawala ang pagod ko.

Nakaharap ito sa direksyon ng araw ng ngayon ay papalubog na. Ilang sandali nalang ay magsisimula na ang piging. Magiging abala na naman ulit ako kung kaya't susulitin ko na muna ang sandaling 'to na nakapagpapahinga ako.

Nilapitan ko kumpol ng mga bulaklak na mirasol at marahang inabot. Bahagya itong matangkad sa akin kung kaya't kailangan kong tumingkayad para maabot ito.

Marami mang magagandang bulaklak sa hardin ay hindi naagaw ng mga iyon ang aking pansin at atensyon. Tanging ang mirasol lamang ang namumukod- tanging maganda para sa akin.

Bukod sa kapangalan ko ang bulaklak, ay gustong- gusto ko ang simbolong hatid nito.

Liwanag, pag- asa at saya.

Napangiti ako habang tinitingnan ang bulaklak.

Napapikit ako kasabay ng pag- ihip ng pang- hapong simoy ng hangin. Dinama ko ang sandaling nagbibigay ng kapayapaan sa aking puso.

Pakiramdam ko ay biglang napuno ang enerhiya ko sa katawan. Parang nawala lahat ng aking pagod at alalahanin sa buhay.

Sa tuwing iihip ang hangin ay sinasayaw nito ang aking mahabang buhok na mas lalong nakapagbibigay ng gaan sa aking pakiramdam.

Ramdam ko ang sikat ng araw na tumatama sa aking biluging pisngi. Hindi ko ito ininda dahil hindi naman masakit ang pagtama nito sa aking balat.

Napaka- perpekto ng araw na ito.

Matagal- tagal na rin noong huli akong nakalapit sa bulaklak na mirasol. Ngayon lang ulit ako nagkaroon ng pagkakataon na maging malaya kasama ito.

Abala ako nitong mga nakaraang linggo sa pagtatanim ng palay sa bukid kung kaya't hindi ako nakakapamasyal sa hardin na pinagtatrabahuhan ni itay.

Kung pupunta man ako roon ay upang sunduin lamang siya. Hindi ako tumatagal dahil umuuwi rin kaagad kaming dalawa.

Hindi katulad dati na madalas akong dumalaw roon. Pagkatapos ay isasama niya ako sa paglilibot sa paligid ng hardin. Tuturuan niya akong magtanim ng mga punla ng bulaklak. Tutulungan ko siya sa pagdidilig at pagbubungkal ng lupa.

Minsan pa ay nakapagdadala ako ng isang piraso ng mirasol pauwi dahil pasimple akong ipinagkukuha ni itay.

Patuloy kong dinama ang halimuyak na hatid ng bulaklak. Natatahimik ang isipan ko sa kapayapaang hatid nito.

Mas lalo akong napangiti dahil kinikilig ako sa pag- iisip na balang- araw ay may isang ginoo na magbibigay sa akin nito.

Walang sinuman ang may alam maliban sa amin ni itay na ito ang paborito kong bulaklak. Kahit pa na sabihing kapangalan ko ito, walang sinuman ang nakapagbigay sa akin nito maliban kay itay.

Kaya sinabi ko sa aking sarili na ang sinumang makagagawa niyon ay siyang lalaking itinadhana para sa akin.

"Bawal ang sinuman na pumasok rito, binibini."

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon