KABANATA 34

20 4 0
                                    

Tapos na ang pagdiriwang at ang halos lahat ng mga bisita ay nakauwi na. Alas diez na ng gabi at pagod na rin ako sa buong araw na pagtatrabaho dito sa mansyon.

Gusto ko nang umuwi kaso ay hindi ko mahagilap kung nasaan si Maliya. Nagpaalam siya sa akin na may pupuntahan lang pero hindi pa siya nakakabalik.

Napadpad ako sa may hardin ng mansyon kaya naman naisipan kong dumito nalang muna. Gusto ko ring makalanghap ng sariwang hangin para kahit papaano ay mabawasan ang pagod ko.

Naglakad- lakad ako sa palibot ng mga malulusog na halaman. Lumapit ako sa bulaklak na nakapagbibigay sa akin ng kakaibang sigla. Hindi ko alam kung bakit pero sobrang ganda ng epekto sa akin ng bulaklak na Mirasol.

Sa tuwing napapalapit ako rito ay biglang napapayapa ang aking kalooban. Nawawala ang aking pagod at natatahimik ako sa aking mga alalahanin. Matanaw ko lang ito mula sa malayo ay parang simbolo na ito kaagad na magiging maganda ang mga bukas darating.

Nakapikit ako at naglalakad- lakad habang sinasayaw ng hangin ang aking buhok at damit. Ang liwanag ng sinag ng buwan ngayong gabi ang siyang nagsisilbing tanglaw ko. Mabini ang simoy ng hangin na tumatama sa aking balat. Medyo malamig pero magandang sabayan.

Itinaas ko ang aking kamay na parang sinusubukang abutin ang buwan na payapang nananatili sa kalangitan. Malinis ang langit at kitang- kita ang pagkinang ng mga butuin. Tunay ngang napakaganda ng gabi ngayon.

"Dito na lang."

Napasiksik ako sa madadabong na bulaklak ng mirasol nang may marinig akong kaluskos at mga yapak ng paa na patungo rito sa hardin.

Sinilip ko kung sino ngunit tumigil sila sa medyo madilim na parte ng hardin. Nag- uusap sila at batay sa nakikita ko, mahigpit na nakayakap sa braso ng lalaki ang babae. Hindi ko lang talaga maaninag kung sino sila.

Gusto ko sanang umalis nalang at hayaan na silang mag- usap. Kaso ay tiyak na malalaman nilang nandito ako kapag lumabas ako dahil tiyak na dadaan ako sa direksyon nila.

Pero hindi naman siguro nila iisipin na nandito ako. Mayabong 'tong halaman kaya tiyak na pwede akong magtago na muna rito.

Aakto nalang akong hindi nakikinig. Hahayaan kong makapag- usap sila nang masinsinan. Hindi na ako makikialam.

"Bakit mo ako dinala rito?"

Nanigas ako sa aking kinatatayuan nang marinig ko ang pamilya na boses.

Hindi ako maaaring magkamali!

Iwinaksi ko ang anumang naiisip. Hindi ko naman nakita ang mukha kaya hindi ako pwedeng humusga. Marami namang magkapreho ang boses na tao sa mundo kaya hindi naman siguro 'to si . . .

"Hindi tayo pwedeng mag- usap sa loob. Maraming tao. Baka may makakita sa atin." Sagot ng babae sa tanong kanina ng lalaki.

Maging ang boses ng babae ay pamilyar din. Nagkataon lang ba ito? O sila talaga itong naririnig kong nag- uusap?

"Ano ang gusto mong sabihin? Bilisan mo kailangan ko nang umuwi." Parang walang gana na wika ng lalaki.

"Ano ka ba? Bakit ka nagmamadali? Kitang nag- uusap pa nga tayo eh." Reklamo ng babae ng parang nasaktan at nagtatampo.

"Sabihin mo na ang anumang gusto mong sabihin para hindi na magtagal pa ang usapang 'to." Sabi ng lalaki.

"H- hindi mo pa ako nababati." Parang nahihiyang saad ng babae.

"Oo at wala akong plano na batiin ka." Walang emosyong sambit ng lalaki.

"Gerardo!"

Sumigaw ang babae siguro ay dahil sa labis na inis sa kausap. Isang sigaw sa pangalan dahilan para mapatunayan ang hinala ko sa pagkatao ng dalawang nag- uusap.

"Ano ba? Hinaan mo ang boses mo, Patricia. Baka may makarinig!" May diing pangaral ni Gerardo.

Biglang uminit ang ulo ko. Parang gusto kong manakit bigla. Parang gusto kong manapak. Umiinit ang kamay ko at baka kapag hindi ako nakapagpigil ay may masaktan ako ngayong gabi.

Ang kapal ng mukha niya! Ang kapal- kapal! Ilang araw nang malungkot si Maliya at ni hindi man lang niya kinausap o pinaliwanagan ang kapatid ko kung bakit bigla- bigla nalang siyang umiwas! Tapos ngayon makikita ko silang dalawa ng matapobreng Patricia na 'to dito sa hardin na masinsinang nag- uusap?!

Sinigurado pa talaga nila walang ibang tao ang makaririnig sa anumang pag- uusapan nila ha? Ang kakapal ng mukha! Humanda ka sakin, Gerardo.

"Huwag mo nga akong singhalan! Tayo lang ang nandito, Gerardo, kaya walang ibang makakarinig!"

Diyan ka nagkakamali, Patricia. Nandito ako. Nandito ang kapatid ng babaeng dapat sana ay kasama ngayon ng lalaking kasama mo!

Ibang- klase ka talaga. Sumobra ka sa yaman pero kinulang ka sa respeto at galang. Ang ganda- ganda mo pero may tinatago ka rin palang kulo.

Kaya una palang talaga eh hindi na kita gusto eh. Nakakahiya ka. Hinahangaan ka pa naman ng kapatid ko.

Bigla akong naawa kay Maliya.

Mabuti nalang at wala siya rito. Paano nalang kung siya ang nakasaksi sa lahat ng ito? Mapagkunwaring malakas si Maliya pero alam ko na mahina siya pagdating sa mga ganitong bagay.

Ang hayaang masaktan siya ang pinakahuling bagay na hahayaan kong mangyari. Kaya hanggat may magagawa ako ay ipagtatanggol ko siya sa mga taong hindi karapat- dapat na maging parte ng buhay niya.

"Aalis na ako. Walang kwenta at walang patutunguhan 'tong usapan na 'to."

Tumalikod si Gerardo at naglakad paalis pero agad siyang napigilan at nahawakan ni Patricia sa braso.

Punye-!?

"Binalaan ka na ng ina mo, Gerardo. Kaya alam kong alam mo na ang dapat mong gawin simula ngayon." May diing wika ni Patricia.

Natigilan si Gerardo na parang hindi alam ang gagawin.

Anong sinasabi ni Patricia? Anong binalaan ni Aling Felomina si Gerardo? At kailan pa naging malapit ang dalaga sa ginang? Anong nangyayari?

Ngumisi si Patricia. "Ano? Natigilan ka dahil tama ako? Hindi ka na pwedeng lumapit pa sa malanding babae na 'yon, Gerardo. Walang- wala siya kumpara sa akin kaya umayos ka." Babala ni Patricia bago tuluyang umalis at iwan ang ngayo'y tulala at hindi makakilos na si Gerardo.

Hindi na ako nakapagpigil pa at agad akong lumabas sa aking pinagtataguan. Nakita kong nasindak si Gerardo nang makita ako.

"Ate Miras-"

Bago pa man niya masambit ang aking pangalan ay isang malakas at malutong na sampal na ang tumama sa kaniyang pisngi.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon