KABANATA 29

21 4 0
                                    

Tahimik ang hapag at walang sinuman ang nagbalak na gumawa ng kahit na katiting na ingay.

Nakabibinging katahimikan. Hindi ako komportable. Madalas kasi na maingay ang hapag sa tuwing kumakain kami.

Siguro ay naaasiwa sila na gumagawa ng ingay o makagawa ng hindi kaaya- aya lalo pa't kasama namin ngayon si Jandrino.

Nasa tabi ko ngayon si Aldo na maganang kumakain. Nasa harapan ko naman si Jandrino na katabi si Brenda.

Sinadya talaga ni Brenda na makatabi ang binata kanina. Si Mang Isko kasi sana ang tatabi kay Jandrino kaso ay mabilis siyang nakalapag ng pinggan sa pwestong katabi ng binata.

Wala namang malisya ang mga tao rito. Madalas nga kaming magkasama at nagtatabi ni Aldo kaya normal na lang din para sa kanila na magtabi ang isang binata at dalaga.

Napansin kong hindi pa nagsisimulang kumain si Jandrino. Nakatingin lang siya sa kaniyang pinggan na may lamang kanin at bagoong. Mayroon ding gulay at saging na nakahain sa harapan niya.

Binalingan siya ni Brenda. "G- ginoo, anong problema?" Nahihiyang tanong ng dalaga.

Napansin ko ring namumula ang kaniyang pisngi ng balingan siya ni Jandrino. Anong himala ang nangyari at bigla yata siya naging mayumi ngayon?

Sabagay, nasa tabi niya ang binatang nagugustuhan kaya hindi na dapat akong magtaka.

Bumalik na ako sa pagkain at hindi nalang sila pinansin. Namalayan ko ring nagsimula nang kumain ang binata.

"Marunong naman palang magkamay. Andami pang arte." Bulong ko.

Nagulat ako ng lagyan ako ni Aldo ng malaking bulto ng kanin ang aking pinggan.

"Kumain ka nang marami para madali kang gumaling," sabi niya lang at nagpatuloy na sa pagkain.

Hindi ako makapaniwala!

Marami na akong nakain kaya hindi ko na 'to mauubos! Mukha ba akong baboy para pakainin niya ako ng ganito karami?!

Naiinis ko siyang binalingan pero abala na siya sa pagsubo. Nakita kong paubos na ang laman ng plato niya at mukhang patapos na siya.

Ngumisi ako ng may maisip.

Kumuha ako ng maraming kanin at inilagay 'yon sa plato niya.

"Kumain ka rin nang marami. Para magkalaman ka naman," sabi ko at ngintian siya ng matamis.

"Mirasol!? Tapos na ako eh!" Reklamo niya.

"Ano? Ulam? Ay oo, kulang pala ng ulam. Teka lang."

Inabot ko ang mangkok na may lamang gulay at nilagyan siya sa kaniyang plato.

Sa gulat ay hindi niya ako napigilan. Nilagyan ko rin ng tatlong bagoong at dalawang saging. Ipinaglagay ko pa siya ng tubig sa baso.

Nakarinig ako ng tikhim kaya naman napa- angat ako ng tingin.

Sumalubong sa akin ang nanunuring mga mata ng mga kasamahan namin sa mesa.

"Mirasol? Alam naman naming bagay kang maging asawa ni Romualdo sapagkat tunay kang maalaga. Pero alalahanin mo rin na hindi pa nakakakain ang iba, huwag mong ubusing ihain ang pagkain sa kasintahan mo." Nanunukso ngunit may halong pagbabanta ni Aling Adelayda.

Namula ako sa hiya ng sabay- sabay nila kaming asarin.

Yumuko ako at sinulyapan ang nakangising si Aldo.

Ano ba naman 'yan?! Siya dapat ang iniinis ko eh! Bakit sa akin nabaling ang atensyon!?

"Pasensya na po, Aling Adelayda. Masyado lang nag- aalala itong mahal ko sa akin. Uubusin ko nalang para walang masayang na grasya." Natatawang wika ni Aldo.

Nahiyawan ang lahat at mas lalo kaming tinukso ni Aldo sa isa't- isa.

"Nako, bagay na bagay talaga kayong dalawa! Kailan ang kasal? Dadalo kami!" Kinikilig na sabi ni Elena.

"Hindi, tao ako at hayop 'yan. Tsaka sino ang nagsabi sayong imbitado ka? Walang kasalan na magaganap." Sagot ko sa dalaga.

Naramdaman kong siniko ako ni Aldo. "Aray, mahal. Dahan- dahan, nasasaktan ako sa mga sinasabi mo."

Sinipa ko ang paa niya sa ilalim ng mesa. "Umayos ka." Banta ko.

"Masyado ka namang malambing, mahal. Hindi mo na kailangang ibulong sa akin. Hayaan mong marinig ng lahat ang sinasabi mo sa akin."

Muling naghiyawan ang lahat kaya nanlulumo akong napapikit.

"Huwag mo 'kong sisimulan, Mirasol. Hindi talaga kita tatantanan." Nakalolokong saad ni Aldo.

"Ilang taon na kayong magkasintahan? Grabe, ang galing niyong magtago ha. Hindi man lang namin alam." Kinikikig na wika ni Daday.

"Magda- dalawang taon na. Hindi na namin pinaalam kasi ayaw ni mahal. Gusto ko na kung saan siya masaya ay doon ako kaya hindi na rin ako nagtangkang sabihin sa inyo." Paliwanag ni Aldo habang malapad na nakangiti.

Biglang uminit ang dugo ko. Parang gusto kong pumatay ng lalaking nakaupo ngayon sa tabi ko.

Hiyawan na naman ulit. Ang kaninang katahimikan ay tuluyan nang natuldukan. Parang bigla ko tuloy pinagsisihan na hiniling na umingay ang hapag.

Asiwa ko silang tiningnan habang sunod- sunod na umiling. Muli kong sinipa si Aldo sa kaniyang paa.

"Aray!" Daing niya.

"Mahal naman, mamaya ka na maglambing. Kumain na muna tayo."

"Punyeta ka!" Mariing saad ko.

"Mahal din kita." Nakalolokong ani niya.

"Jandrino? Gusto mo ng gulay?"

Naagaw ang atensyon naming lahat nang magsalita si Brenda.

Nahuli kong nasa amin ang atensyon ni Jandrino pero pag- angat ko ng tingin ay agad siyang umiwas at bumaling sa kaniyang katabi na si Brenda.

"Ako na." Seryoso niyang sagot.

Pero hindi siya pinansin ni Brenda at ito na mismo ang naglagay ng ulam sa plato ng binata.

"Maraming salamat." Wika ng binata at ngumiti sa dalaga.

Tumango lang si Brenda at nginitian si Jandrino. "Walang anuman." Mayumi nitong sagot saka yumuko.

"Kain na."

Nagising ang diwa ko nang siniko ako ni Aldo.

Nagpatuloy ako sa pagkain pero parang nawalan na ako ng gana.

Ayos din. Pangiti- ngiti lang siya na akala mo'y kung sinong maginoo.

Mabuti naman at si Brenda ay nagagawa niyang nginitian pero kami puro pangaral lang ang natatanggap.

Busangot ako habang sinusubukang ubusin ang pagkaing nilagay ni Aldo. Busog na talaga ako at hindi ko na kaya.

Masikip din ang dibdib ko sa hindi malamang dahilan.

Napasulyap ako kay Jandrino na seryoso na muli sa pagkain. Panaka- naka siyang sinusulyapan ni Brenda pero hindi na siya tumingin pang muli sa dalaga.

Napadako ang tingin ko sa kaniyang brasong may benda. Napahinga ako ng malalim.

Galit na talaga siya sa akin.

Pag- angat ko ng tingin ay nahuli kong nakatitig siya kaya naman agad akong yumuko.

Kailangan ko nang ubusin 'tong pagkain ko. Kaumay na.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon