KABANATA 25

25 4 0
                                    

"Hindi mo ba ako narinig? Tumabi ka."

Napakurap ako at natatarantang tumabi dahil hindi ko namalayan na nakaharang na pala ako sa pinto.

Halos kilabutan ako sa lamig ng pakikitungo niya sa akin. Sabayan pa ng lamig ng kaniyang boses.

Hindi ko siya matingnan kaya naman napayuko nalang ako. Naglakad siya ng ilang hakbang at nilagpasan ako ngunit agad ding tumigil.

"Anong kailangan mo?"

Napa- angat ako ng tingin at likod niya ang bumungad sa akin.

"S- si Senyor Dominador sana." Nauutal at nanginginig na saad ko.

Kahit na nakatalikod siya sa akin ay hindi ko napigilan ang nerbyos. Basta huwag lang siyang haharap at baka himatayin ako sa kaba.

Ang ayos na sana ng turingan namin sa isa't isa kahapon eh. Tapos ngayon, balik na naman kami sa dati. Walang imikan at parehong pinakikiramdam lang ang isa't isa.

Halos mapasigaw ako at mawalan ng balanse nang bigla siyang pumihit paharap. Impit kong pinigilan ang sarili saka pumikit at umiwas ng tingin.

Ano na, Mirasol?! Nasaan na ang tapang na pinagmamalaki mo?! Kanina ang siga mong nakipagsagutan kay Aling Marites tapos ngayon ni hindi ka makapagsalita!?

Parang gusto kong bugbugin ang sarili para magising. Hindi ko alam kung bakit ako natataranta. Basta bumibilis ang tibok ng puso ko sa tuwing kaharap ko ang binata.

"Wala si ama. Umalis." Tipid niyang sagot.

Sandali akong nag- angat ng tingin ngunit kaagad ding yumuko nang mahuling tinititigan ako. Seryoso at suplado ang kaniyang mukha. Nakasalubong ang makakapal niyang kilay. Umiigting ang panga na parang may kung anong pinipigilan.

Galit ba siya sakin?

Sinulyapan ko ang kaniyang kanang kamay na ngayon ay may benda na. Napansin niya sigurong nandoon ang atensyon ko kaya naman agad niya itong iniwas.

"G- ganoon ba? Ah s- sige. Ah . . . i- iiwan ko nalang to. Ano . . . p- pwede mo bang iabot sa kaniya?" Kinakabahang pakiusap ko sabay abot ng supot na naglalaman ng bukayo na kinuha ko mula sa bayong na sa sobrang kapit ko kanina ay halos nayupi na.

Matagal na akong nakalahad at nangangawit na ang kamay ko pero hindi niya pa rin tinatanggap. Kaya naman agad kong kinuha ang kaliwang kamay niya at inilagay doon ang subot.

Para akong nakuryente nang magtama ang aming balat kaya agad akong bumitaw. Wala na siyang pamimilian dahil mahuhulog ang mga bukayo kapag hindi niya ito hinawakan.

"Pakisabi, maraming salamat sa tulong. Sige, aalis na ako." Sunod- sunod kong bilin at agad na naglakad paalis sa harapan niya.

Para akong kinakapos ng hangin. Hindi ako makahinga kapag nasa malapit lang siya. Baka ikamatay ko ang kawalan ng hangin kapag tumagal pa ako roon.

Hindi pa man ako masyadong nakalalayo ay narinig kong umingit ang pinto ng mansyon palatandaan na mayroong lumabas mula sa loob ng bahay.

"Jandrino, hijo? Ang aga mo yata? Saan ka galing?" Narinig kong tanong ni Senyor Dominador sa anak.

Teka? Akala ko ba wala ang senyor?

Hindi na ako lumingon at nagdahan- dahan lang sa paglakad. Chismosa na kung chismosa. Basta gusto kong marinig ang usapan ng dalawa.

Naninigurado lang na sasabihin niya sa kaniyang ama ang lahat ng ibinilin ko. At ibigay niya din ang bukayo na pinagpaguran kong lutuin.

Antok na antok pa ako pero gumising talaga ako ng maaga para lang maluto 'yan. Kailangang matikman ni Senyor Dominador ang luto ko. Kailangang maramdaman niya na sinsero kami sa pagpapasalamat sa ginawa niyang pagtulong sa amin.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon