KABANATA 7

36 5 0
                                    

"Nasaan na nga?"

Walang gana kong binalingan si Brenda.

"Bakit ba?" Naiiritang tanong ko.

Napapadyak siya. "Eh kasi . . . basta! Patingin nalang! Damot naman, titingin lang naman ako eh." Pamimilit niya.

Matagal ko siyang tinitigan bago bumuntong- hininga. Pumikit rin muna ako para pakalmahin ang sarili.

"Nasa bahay, tinago ko."

Nanlaki ang mga mata niya sa naging sagot ko. Parang hindi siya makapaniwalang iniwan ko lang sa bahay at tinago sa halip na suotin.

"Tinago!? Sayang naman! Bakit hindi mo sinuot? Ayaw mo ba? Hindi mo nagustuhan? Kung ganon . . . akin nalang."

Naging mahina ang boses niya sa huling pangungusap at bigla siyang yumuko. Kanina pa niya ako kinukulit at hindi ko maintindihan kung bakit.

"Hindi ko ginamit dahil wala naman akong espesyal na pupuntahan. Inaya mo lang ako dito sa kubo at wala namang okasyon kaya bakit kailangan kong suotin 'yon?" Mahinahong paliwanag ko.

Nakonsensya ako dahil parang nasaktan siya sa naging tono ng pagsagot ko sa kaniya kanina. Hindi ko naman sinasadya na medyo mataasan siya ng boses. Ang akin lang naman ay bakit parang alalang- alala siya na hindi ko sinuot ang ipit.

Nakikita ko rin sa ekspresyon niya na gusto niya iyon. Hindi ko lang alam, dahil hindi niya naman sinasabi.

"K- kaya nga eh, p- pasensya na ah. N- nagandahan lang kasi ako dun sa ipit. Gusto ko sanang makita at . . .isukat, p- pero hindi ko naman aangkinin! Isususkat ko lang, k- kung babagay sakin."

Tumango- tango ako. "Naiintindihan kita. Kahit ako naman ay sobrang nagandahan doon. Hayaan mo, dadalhin ko sa susunod para maisukat mo." Sabi ko at nginitian siya.

Lumiwanag ang kaniyang mukha at bigla akong niyakap.

Bakit parang sobrang saya niya naman yata?

Natawa nalang kami parehas nang muntik na kaming matumba sa upuan. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Buti nalang nakahawak ako sa mesa dahil kung hindi ay baka pareho na kaming humahalik sa lupa ngayon.

Hinampas ko siya sa balikat. Tawa lang siya nang tawa.

Kapusin sana ng hangin.

"Ang arte mo kasi! May payakap- yakap pang nalalaman. Muntik na tuloy tayong matumba!" Reklamo ko saka tumayo at lumanghap ng hangin.

Hinawakan ko aking dibdib dahil sobrang bilis pa rin ng tibok nito. Hindi ko magawang tumawa dahil halos kapusin ako ng hangin sa sobrang kaba kanina.

Medyo mataas pa naman ang upuan kaya tiyak na mababalian ako kapag natumba kami.

"Pasensya na po. Natuwa lang."

Humilig ako sa dingding at pinagkrus ang aking kamay sa aking dibdib saka matamang tinitigan si Brenda habang nakakunot ang noo at seryoso ang mukha.

Napatigil siya sa pagtawa nang makita ang ginawa ko. Umayos rin siya ng upo at biglang nagtaka.

"O? B- bakit?" Nauutal niyang tanong.

"May tanong nga pala ako." Panimula ko.

Naramdaman ko na bigla siyang naasiwa sa klase ng pagtitig ko sa kaniya.

"A- ano 'yon?"

"Saan ka nagpunta noong isang araw? Bakit hindi ka nakapaghatid ng pananghalian sa amin at hapon na nang pumunta ka rito?" Kuryosong tanong ko.

Hindi ko alam kung anong masama sa tanong ko pero bigla siyang namutla. Tinanong ko lang naman kung bakit. Nagtaka lang kasi ako dahil unang beses 'yon na nangyari.

Umiwas siya ng tingin. "Ah . . . ano . . . may pinuntahan lang kaya si inay na muna ang naghatid ng pagkain ninyo."

Hinuli ko ang tingin niya ngunit pilit siyang umiiwas.

Tumango ako.

Wala naman na akong karapatan para alamin ang mga lakad niya kaya hindi ko na tatanungin kung saan siya nagpunta. Sariling lakad niya na 'yon kaya hindi na ako makikialam.

"Oo nga pala! Alam mo na ba?"

"Hindi, sasabihin mo palang."

Bumusangot siya sa pamimilosopo ko.

"Naman eh!" Parang bata na reklamo niya.

"Ang alin ba?" Walang ganang tanong ko.

Hindi naman ako chismosa kaya wala akong pakialam sa mga maiinit na balita at isyu rito sa hacienda. Pero dahil dakilang tagasagap ng balita 'tong kaibigan ko ay hindi ako kailanman nahuli sa mga balita.

"Iyong binatang anak ng mga Ledezma umuwi na galing Maynila!" Kinikilig niyang balita.

Hindi na ako magtataka kung bakit siya nagmumukhang kiti- kiti ngayon sa harapan ko habang binabalita sakin ang pag- uwi ng binata dahil mula noong mga bata palang kami ay harap- harapan niyang kinukwento sa akin ang pagkagusto rito.

Kaso nga lang ay sa Maynila ito nag- aaral at paminsan- minsan lang umuwi rito sa hacienda. Sobrang dalang lang, tulad halimbawa kapag may mga espesyal na okasyon na ipinagdiriwang o hindi kaya'y kaarawan ng kaniyang mga magulang, saka lamang siya uuwi.

Tumaas ang kilay ko. "O, tapos?"

"Kahapon lang daw siya nakauwi. Sayang nga eh, kasi may nakapagsabi na nandoon daw siya kahapon sa pyesta sa bayan! Sobrang sayang talaga. Buong araw tayong nandoon kahapon pero hindi man lang natin siya nakita."

"Bakit? Kung sakali bang nakita mo siya ay makikilala mo siya kaagad? Brenda, ilang taon na ang lumipas buhat nang huli natin siyang nakita. Natural na marami nang nagbago at nag- iba sa kaniya kaya paniguradong hindi mo na siya agad- agad na makikilala kung sakali."

Tumango siya bilang pagsang- ayon sa sinabi ko.

Totoo naman kasi. Hindi ko na tanda pero halos limang taon na rin ang nakararaan noong huli siyang umuwi sa kanila.

Kaedad lang namin siya ni Brenda kung kaya't labinwalong taong gulang na rin siya ngayon.

Bata pa kami noong huli siya naming nakita at halos hindi ko na rin matandaan kung ano ang itsura niya.

Basta ang alam ko lang, ilang taon man ang dumaan, ay nananataling patay na patay sa kaniya ang aking kaibigan.

Nangalumbaba si Brenda sa mesa at tinanaw ang malawak na palayan.

"Sana dumalaw siya rito, ano? O sana magkaroon ng piging sa kanilang mansyon para makapunta tayo." Nangangarap niyang wika.

Nakasanayan na ng pamilya Ledezma na magsagawa ng piging sa tuwing may espesyal na mga okasyon at hindi limitado ang bisita dahil kahit na sino ay maaaring dumalo.

Sobrang lawak ng lupain na kinatitirikan ng malaki nilang mansyon na madalas na mapuno ng mga tao sa tuwing may piging sa kanilang tahanan, hudyat kung gaano kayaman at ka- impluwensya ang kanilang pamilya.

Nagkibit- balikat nalang ako. "Hindi natin alam, dadalo lang naman ako at makikikain kung sakali."

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon