KABANATA 2

60 7 0
                                    

“Itay!”  masiglang tawag ko kay itay nang mamataan ko siyang naglilibot sa lupain kung saan naroroon ang malawak na taniman ng mga mirasol- ang paborito kong bulaklak.

Nagliwanag ang kaniyang mukha at kumaway sa akin. Patalon- talon akong naglakad papunta sa kaniya habang hawak- hawak ang gilid ng marumi kong saya.

“Anak, kamusta?”  masiglang bati niya sa akin habang malapad ang pagngiti.

“Ayos na ayos, itay! Lalo pa at nakita kita!”

Tumawa siya at ginulo ang buhok ko. “Asus, alam ko namang hindi ako ang dahilan,”  natatawa niyang saad.

“Hehe, ang mga bulaklak po talaga na mirasol. Pero syempre, isa rin kayo sa dahilan kaya kahit pagod ay maayos na ulit ang pakiramdam ko, itay!”  natatawa kong wika.

Unti- unting nawala ang masiglang ngiti sa kaniyang mukha at gumuhit dito ang kalungkutan.

“Mirasol, pasensya ka na ha. Ang hirap ng buhay natin. Ang dapat sanang panahon na ginugugol mo sa pag- aaral ay ginugugol mo sa pagtatrabaho sa bukid. Patawarin mo si tatay, anak. Hindi ko kayo nabigyan nang maayos na buhay,”  malungkot niyang saad.

Nasaktan at nalungkot ako.

Alam ko na palaging sinisisi ni tatay ang kaniyang sarili kung bakit kami ngayon naghihirap at hikahos sa buhay. Pero ayokong isipin niya na kasalanan niyang hindi kami nakapag- aral na magkapatid dahil kita ko ang sakripisyo niya simula bata pa lang ako. Lahat ng trabaho na pwedeng pasukan ay pinapasukan niya para lang magkapera at may maibili kami ng mga pangangailangan sa araw- araw.

Umiling ako at malapad na ngumiti.

“Itay, bakit po kayo humihingi ng tawad? Wala po kayong kasalanan. Ito ang ipinagkaloob sa atin kaya naman magpasalamat nalang po tayo. Kahit papaano naman buhay tayo at malakas, walang nagkakasakit nang malubha at buo pa rin tayo,”  sabi ko sabay yakap sa braso niya.  “Tsaka, ayoko rin naman pong mag- aral! Puro kahinhinan lang naman ang itinuturo doon sa paaralan. Ayoko po ng ganoon! Tiyak lagi akong mapapagalitan ng guro kung sakali dahil sa hindi kaaya- ayang kilos ko!”

Natawa siya dahilan para gumaan ang pakiramdam ko nang makitang bumalik na ulit ang kaniyang sigla.

“Paano naman kasi parang hindi ka isang binibini, anak. Kaya takot sa ’yong manligaw ang mga binata dito sa atin kasi baka raw bugbugin mo sila!”

Bumusangot ako at napapadyak.   “Itay naman!”

“Biro lang, anak.”

Hinawakan niya ang pisngi ko at tintigan ako ng puno ng pagmamahal.  “Kung alam mo lang, anak. Labis- labis ang pasasalamat namin nang dumating ka sa buhay namin ng iyong ina. Ikaw palagi ang pinagmumulan ng kasiyahan sa ating pamilya. Palagi mong pinapalis ang lungkot sa aming puso. Tunay ngang nababagay sayo ang iyong pangalan . . . Mirasol,”  sambit ni itay habang mariin ako tinititigan na puno ng pagmamahal.

Bawat salita na lumalabas sa kaniyang bibig ay alam kong galing sa puso.

Dahan- dahan akong napangiti at hinawakan ang kamay niyang nakahawak sa pisngi tsaka siya tinitigan.  “Hangga’t nabubuhay po ako, hindi ko hahayaang maging malungkot kayo ni inay, itay. Kayong dalawa ang araw na nagsisilbing gabay ko sa direksyon na aking tatahakin kung kaya’t hindi ako papayag na maglaho ang mainit ninyong sinag na siyang nagpapalakas sa akin.”

Mahigpit akong niyakap ni itay kaya gumanti ako ng yakap.

Mahal na mahal ko ang mga magulang ko. Kahit na anong mangyari ay hindi ako papayag na maging malungkot sila kaya gagawa at gagawa ako ng paraan para mapasaya sila. Saya at pag- asa ang simbolong hatid ng bulaklak na mirasol kung saan hinango ang pangalan ko kung kaya't mamumukadkad ako sa tuyo at tigang nilang lupain. Magbibigay ako ng halimuyak sa kanilang simpleng mundo. Mamumulaklak ako upang bigyan sila ng pag- asa at saya. Mananatili akong matingkad sa kanilang mapusyaw na buhay.

“Hala, si tatay umiiyak na naman!”  pang- aasar ko sabay pahid ng luha ko habang tumatawa.

“Anong umiiyak? Napuwing lang ako, no. Ikaw kaya ang maarte riyan, umiiyak kasi walang manliligaw,”  ganti ni tatay.

“Aba? Mapanakit kayo ah? Asaran lang, walang personalan!”  angal ko.

Tumawa lang siya at umiling- iling.

“Baka kapag ako pumayag na magpaligaw, mahirapan kayong asikasuhin ang benteng manliligaw ko. Kaya huwag nalang kasi kapag sinagot ko ang isa, malulungkot ang labing- siyam,”  taas noong pagmamayabang ko.

Humalakhak siya.  “Hay, nako! Ikaw talagang bata ka. Bakit ba kasi hindi nalang si Romualdo, anak? Nako, botong- boto ako sa batang 'yon para sayo!”

Napapadyak ako sa inis nang marinig na naman ang pangalan ng pangit kong kaibigan.

“Eh, ayoko! Ayoko sa kaniya tsaka hindi ako magpapaligaw, itay. Hindi ko kailangan ng lalaki sa buhay ko. Kayo lang ni nanay at Malia, sapat na.”

Ngumiti lang siya at tumango.  “Sige, halikana, umuwi na tayo. Nagugutom na rin kasi ako,”  aya ni tatay.

“Nagsabi si inay kagabi na magluluto siya ng tinola ngayon, tay!” sabik kong saad.

Nagpaalam muna si tatay sa kaniyang kasama. Nakita ko na mukhang may ibinilin siya rito bago niya ito tinapik sa balikat. Kumaway pa siya bago kami umalis. Isang kilometro ang layo ng hardin sa aming bahay. Kapag galing sa amin ay magkaibang daan ang patungo rito at patungo sa palayan. Lahat ng lupain na sakop ng hacienda ay pagmamay- ari ng pamilya Ledezma.

Isang taon na rin nang gawin si itay na opisyal na punong katiwala sa malawak na hardin. Magkasama sila dati ni Mang Ferdio sa bukid dahilan kung bakit naging malapit silang magkaibigan. Ngunit nag- iba sila ng pinagtatrabahuhan dahil nalipat si itay at si Mang Ferdio naman ang naatasang maging punong katiwala sa bukid. May pagka- strikto si Mang Ferdio subalit mabait naman siya sa akin. Ngunit minsan, hindi talaga maiiwasang masungitan ako lalo na kapag kasama ko si Romualdo. Hindi ko alam ngunit parang may lihim siyang galit sa binata. Sa tuwing aalis kami ng bagay ay sina inay at Maliya lamang ang naiiwan doon. Tumatanggap ng labada si inay na siyang pagkakaabalahan nilang gawin sa buong araw.

Isa rin sa dahilan kung bakit ako nagsisikap na makapag- ipon ay dahil gusto kong papag- aralin si Maliya. Batid kong higit na may mararating ang kapatid kong iyon kesa sakin. Gusto kong ibigay sa kaniya ang pribelihiyong hindi ko natamo. At isa pa, matagal ko nang natanggap na hanggang dito nalang talaga ang kaya kong marating.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon