KABANATA 27

20 4 0
                                    

Napangiwi ako ng magkamalay at biglang kumirot ang ulo ko. Hinawakan ko ito at hinilot.

"Mirasol! Mabuti at gising ka na."

Kahit na inaantok pa ay dahan- dahan akong dumilat. Kumurap- kurap ako upang makita kung sino ang nasa harapan ko.

"Brenda." Sambit ko nang makilala ang kaibigan.

Sinubukan kong bumangon kaya inalalayan niya ako. Tinulungan niya akong uminom ng tubig sa basong hawak niya.

"Kamusta? Masama pa rin ba ang iyong pakiramdam?" Nag- aalalang tanong niya.

Umiling ako. "Medyo maayos na. Kumikirot lang ng kaunti ang ulo ko pero kaya ko naman na." Sagot ko.

Napabuntong- hininga siya na parang nakalma at tumango.

"Sige, magpahinga ka muna."

Sinubukan niya akong alalayan para muling humiga pero hinawakan ko ang kamay niya para pigilan.

"Hindi na kailangan, Brenda. May trabaho pa akong dapat tapusin." Awat ko.

"Mirasol? Masama ang pakiramdam mo at mainit sa labas. Sobrang taas ng lagnat mo kanina kaya ka nga nawalan ng malay eh. Muntik ka nang matumba sa putikan buti nalang nasalo ka ni Jandri- a- ang ibig kong sabihin, n- ni Senyorito Jandrino!" Nag- aalalang pangaral ni Brenda.

Kumunot ang noo ko.

Si Senyorito Jandrino?

Anong ginagawa niya rito?

Humarap ako kay Brenda. "A- ang ibig mong sabihin, si Senyorito Jandrino ang nagdala sa akin dito sa loob ng kubo?" Naguguluhang tanong ko.

Umiling siya bagay na mas lalo kong ipinagtaka.

"Hindi. Si Romualdo." Panlilinaw niya.

"Ha? Paano?"

Umayos siya ng upo. "Ganito kasi. Papunta na kami dito ni Jand- ang ibig kong sabihin, ni Senyorito Jandrino sa palayan nang makita namin kayong nagkukulitan. Nagtakot nga ako. Kasi parang hindi nagustuhan ni senyorito na maabutan kayo sa ganoong lagay. Nakita ko na parang nagalit siya. Siguro ay inaasahan niya na madatnan kayong nagtatrabaho at hindi nagkukulitan." Panimulang kwento ni Brenda.

May isang bagay lang ako na ipinagtataka. Pero, patatapusin ko na muna siya sa pagke- kwento at mamaya ko nalang tatanungin.

"Inaya niya ako na umalis nalang pero parang may kung anong dahilan na nagpabago ng desisyon niya at nagpatuloy siya sa pagtungo rito. Mabilis siyang naglakad papunta sa inyo ni Romualdo. Balak ko sana siyang pigilan dahil tiyak na pagagalitan niya kayong dalawa. Kaso noong malapit na siya at bigla kang nawalan ng balanse kaya agad siyang nagmadali para alalayan ka." Pagpapatuloy ni Brenda. Biglang humina ang boses niya sa huli. Yumuko rin siya at nag- iwas ng tingin.

Mula pa man noong una ay hindi na lingid sa kaalaman ko ang pagkagusto niya sa binata. Nakita kong gumuhit ang sakit sa kaniyang mga mata nang ikwentong sinalo ako ni Jandrino nang mawalan ako ng malay.

"A- anong nangyari pagkatapos?" Halos manuyo ang lalamunan ko. Parang may kung anong bumabara at bigla akong nautal.

"Ah!" Biglang bumalik ang sigla ni Brenda at nagpatuloy sa kaniyang ginagawang pagsalaysay sa nangyari.

"Noong masalo ka ni senyorito, agad ding dumalo si Romualdo. Tapos hindi ko nakita eh, pero parang tinapik niya ang kamay ni senyorito na nakahawak sayo tsaka ka biglang binuhat at dinala dito sa loob. Pagdating dito, ako na ang nag- asikaso sayo dahil p- pinakiusapan ako ni Senyorito Jandrino."

Tumango- tango ako.

Ganoon pala ang nangyari.

Noong nawalan kasi ako ng malay ay hindi ko na alam ang mga naging kaganapan dahil sobrang sakit na ng ulo ko. Parang gusto ko nalang matulog nang matulog.

Siguro ay dahil nabasa ako ng ulan kahapon. Pinagalitan ako ni tatay pagdating ko sa bahay. Pilit lang akong ngumiti para ipakita sa kaniyang ayos lang ako. Masaya pa niyang tinanong kung kamusta ang naging pagpunta ko sa mansyon ng mga Ledezma.

Ayokong sabihin ang totoong mangyari. Ayokong malaman nila kaya nagsinungaling ako.

Sinabi ko na sobrang nagustuhan ng senyor ang bukayo na dala ko.

Tuwang- tuwa si tatay dahil nangyari raw ang inaasahan niya. Magaling daw akong magluto kung kaya't nasigurado niyang magugustuhan ng senyor ang minatamis.

Pagkatapos noon ay agad na akong nagpahinga dahil ayaw kong umiyak sa harap ni tatay.

Ang dami pa niyang tanong pero dali- dali na akong umalis. Nagdahilan nalang ako na nilalamig na kaya gusto ko nang magbihis.

Dala na rin siguro ng pagod at sama ng loob ay agad akong nakatulog. Kaso paggising ko kaninang umaga ay sinipon ako.

Puno na nga ng sama ng loob, dumagdag pa ang sipon.

Kinarma yata ako sa mga pinagsasabi ko kahapon kay Aling Marites.

Tapos ngayon, nilalagnat na rin ako.

Kung alam ko lang . . . sana mas ginalingan ko pa.

"Brenda?" Untag ko sa kaibigan.

Bigla niyang naituon ang kaniyang atensyon sa akin. "Bakit?"

"May tanong ako. P- pero, huwag ka sanang magagalit." Panimula ko.

Bahagya siyang nag- isip. "Oh, sige. Ano 'yon?"

"Ah . . ." Alangan kong saad.

Ilang beses akong umiling sa aking isipan. Siguro naman ay hindi ko na ito kailangan pang tanungin. Tsaka isa pa, ano naman ang pakialam ko kapag nalaman ko ang sagot?

"Bakit kayo magkasama ni Senyorito Jandrino?" Diretsang tanong ko habang tinitingnan siya sa mga mata.

Nakita ko na bahagya siyang natigilan sa naging tanong ko. Kumibot- kibot ang labi niya saka umiwas ng tingin.

"K- kami? Ah, ano . . . nagkataon lang. Tama! Nagkataon lang." Natatarantang sagot niya.

"Nagkataon?" Naguguluhang saad ko.

"Ah, t-teka. H-hindi ka pa pala nakaiinom ng gamot. Dito ka muna, Mirasol. Kukuha lang ako para mapainom kita." Pag- iwas niya at agad na tumayo para iwan ako.

"Brenda."

Hindi siya lumingon nang tawagin ko at sa halip ay mas lalo niyang binilisan ang paglakad.

Naririnig ko ang kaluskos habang naghahanap siya ng gamot. Napaigtad ako ng may marinig akong kumalabog. Sinilip ko si Brenda sa labas.

"Brenda? Ano 'yon?" Sigaw ko para marinig ng kaibigan.

"Ah, wala. M- may nahulog lang." Saad niya saka naiilang na tumawa.

Tumango- tango nalang ako at tinanaw ang tanawin na nasa labas ng bintana.

Ang ganda ng panahon at ang sarap pakinggan ng mga huni ng ibon. Ang sarap langhapin ng simoy ng hangin. Kahit papaano ay nakatulong ito para gumaan ang pakiramdam ko at para malimutan ang nangyari kahapon.

Mapakla akong napatawa.

Ano na naman ang ginagawa niya rito?

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon