KABANATA 19

21 4 0
                                    

Kinaumagahan ay maaga akong gumising dahil pupunta ako sa ospital. Pauuwiin ko muna si Maliya mamaya pagdating ko roon nang makapagpahinga na rin siya. Ako naman ang magbabantay kay nanay.

Maagang umalis si tatay at nagpaalam sa akin na tutungo na sa hardin para magtrabaho. Matapos siyang kumain ng agahan ay agad siyang umalis.

Inayos ko muna ang aking mga gamit at pagkaing dadalhin at siniguradong kumpleto ang mga ito. Inisa- isa ko silang nilagay sa loob ng supot para masigurado na wala akong nakalimutan.

Nang maayos ang lahat ay gumayak na ako. Sinarado at kinandado ko muna ang bahay bago ako umalis. Sinara ko rin ang bakod naming kawayan para walang sinuman ang magtangkang manloob.

May kalayuan ang bahay ng aming mga kapitbahay pero kumpyansa naman ako dahil wala naman akong nababalitaan na ninakawan dito sa aming hacienda.

Oo, mahihirap lang ang karamihan sa amin pero hindi namin kailanman ibababa ang aming dignidad para lang sa pera. Mas mabuti pang makandakuba- kuba kami sa pagta- trabaho sa bukid kaysa magnakaw. Higit na marangal ang bagay na 'yon kaysa sa paggawa ng krimen.

Humayo na ako at nagsimulang maglakad patungo sa ospital sa bayan. Malayo- layo ang aking lalakarin pero ayos lang. Para ko na rin itong ehersisyo lalo pa't maaga pa naman.

Hindi ako nabagot sa paglalakad dahil sagana sa magagandang tanawin ang aming lugar.

Mayroon ngang mga turista na madalas na dumayo rito. Ang sabi nila ay maganda raw ang aming lugar at sariwa ang hangin. Hindi gaya ng ibang lugar na laganap ang polusyon sa paligid. Walang mga puno at mga magagandang tanawin dahil puro pabrika at mga establisyemento ang nakatayo.

Sa lugar na ito ako pinanganak, nagkamalay at lumaki kung kaya't naging malaking parte na ito ng aking pagkatao. Nandito ang mga mahal ko sa buhay. Dito ako masaya. Kaya naman kung papipiliin ako kung saan ako maninirahan, ay paulit- ulit kong pipiliin ang lugar na ito.

Hindi man madali ang mabuhay, ayos lang sa akin dahil hanggat kasama ko ang pamilya ko, alam kong malalampasan ko ang lahat. Makakataos kami at mabubuhay.

Yakap- yakap ko ngayon ang supot na pinaglagyan ko ng mga damit ni nanay, pagkain at pera. Medyo asiwa ako dahil baka may makaalam na may dala akong pera at nakawin sa akin. Wala na akong ipambabayad sa ospital kapag nagkataon.

Gagamitin ko nalang muna ang perang naipon ko. Tiyak na maiintindihan naman ni Maliya kapag sinabi ko sa kaniya na sa ospital ko ibabayad ang pera. Tsaka, hindi niya naman alam na nag- iipon ako para sa kaniya. Babawi nalang ako. Magtatrabaho ako lalo at maghahanap ng pwedeng pasukan para domoble ang kita ko. Nang sa gayon ay mabilis kong mabawi ang perang nagastos.

Kilala ko si Maliya. Mabait siya at maintindihin. Kailanman ay hindi kami nagkaroon ng alitan sa isa't isa dahil palagi kaming nagkakasundo sa halos lahat na bagay. Kaya mahal na mahal ko ang kapatid ko. Kaya kong gawin ang lahat para mabigyan lang siya ng magandang kinabukasan.

Maganda rin naman si Maliya. Halos magkasing- tangkad lang din kami kaya madalas kaming mapagkamalang kambal. Parehong- pareho kasi kami ng itsura. Siguro ang ipinagkaiba lang, mas mahaba ang aking buhok na medyo kulot at ang sa kaniya naman ay hanggang balikat at bagsak na bagsak ang tuwid niyang buhok.

Bilugan din ang aking mukha samantalang sa kaniya naman ay perpekto ang hugis. Sa edad niyang kinse ay dalagang- dalaga na siyang tignan. Maganda ang hugis ng kaniyang katawan at maputi ang kaniyang balat.

Marami ang nagpapalipad- hangin sa kapatid ko. Mga nagtatangkang manligaw pero dahil sa madalas silang magkasama ni Gerardo ay agad ding naglalaho na parang mga bula.

Natakot yata sa kay Gerardo. Lalo pa't protektadong- protektado ang kapatid ko sa kaniya.

May ilan pa akong naririnig na natatakot daw sa akin dahil baka bugbugin ko.

Natatawa nalang ako dahil natumbok nila.

Gagawin ko talaga 'yon! Hindi ako papayag na magkaroon ng kasintahan ang kapatid ko dahil sobrang bata niya pa para pumasok sa isang relasyon.

Hindi ako makapapayag na pagsamantalahan nila ang batang edad at pagiging inosente ng kapatid ko. Ako talaga ang makakalaban nila.

Kung maraming manliligaw si Maliya ay siyang kabaliktaran naman sa akin.

Napabusangot ako.

Walang sinuman ang nanligaw sa akin kahit mula pa noon.

Hindi ko alam kung bakit.

Hindi rin sa gusto ko pero . . . ganoon ba ako kapanget para hindi nila magustuhan?

O totoong losyang na akong tignan? Kaya rin napagkamalan ako ni Jandrino na may- asawa na?

Tumigil ako sa tabi ng isang batis na nadaanan ko.

Sinulyapan ko ang sariling repleksyon sa malinaw na tubig.

Mahaba ang aking kulot na buhok. Biluging mukha at morenang balat. Manipis at magandang korte na kilay. Mahahaba na pilik- mata. Maliit ngunit matangos na ilong at mapupulang mga labi.

Ang suot kong damit ay halos kumupas na ang kulay sa sobrang luma. May ilang bahagi rin na may bakas ng tahi dahil may butas.

Hindi naman ako panget. Sadyang mahirap lang talaga kami.

Iwinaksi ko ang aking mga kaisipan at ipinagkibit- balikat nalang ang lahat. Wala akong pakialam kung hindi nila ako gusto dahil ayaw ko rin naman sa kanila.

Wala akong plano at wala rin akong panahon para sa ganiyang mga bagay.

Nagpatuloy na ako sa paglalakad. Ilang oras pa ang lumipas bago ko narating ang bayan.

Hindi ko napansin dahil hindi naman ako gaanong napagod. Uminom muna ako ng tubig at pansamantalang nagpahinga sa ilalim ng punong narra.

Halos maibuga ko ang tubig na iniinom nang makilala kung sino ang dalawang babae na dumaan, ilang metro lang ang layo sa harapan ko.

Ang isang may katabaang babae na balot ng mga mamahaling alahas ay malinaw kong naaalala.

Siya ang tindera sa tindahan ng mga damit na pinuntahan namin dati ni Brenda. Ang babaeng sinagot ko dahil pinahiya niya si Brenda.

Ang isa pang babae ay hindi ako maaaring magkamali. Gising na gising ang diwa ko kaya alam kong hindi ako namamalik- mata lamang.

Si Brenda talaga 'yon!

Nakita ko na ang laki na nang pinagbago niya gayong ilang araw pa lang naman kaming hindi nagkita.

Maganda ang suot niyang saya na kulay pula. Halos hindi ko siya makilala nang una ko siyang napansin. Kung hindi ko pa sinuri ng maayos ay hindi ko malalamang siya nga ang kaibigan ko.

Pero ang ipinagtataka ko ay kung bakit sila magkasama? Anong koneksyon ang meron sila sa isa't isa?

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon