KABANATA 13

34 4 0
                                    

"Nasaan ang nanay mo!?"

Galit na bungad sa akin ni Aling Marisa. Ang malditang mayordoma rito sa mansyon ng pamilya Ledezma.

Umismid ako.

Akala mo kung sino. Talo pa ang mga amo kung makapag- utos. Akala mo naman siya ang may- ari ng bahay.

Sinasabi ko sayo, huwag mo akong tatarayan ngayon. Masama ang timpla ko at baka di kita matantiya, sayo ko maibuhos 'to.

"D- dinala po si nanay sa ospital. Sumama po ang kaniyang pakiramdam." Nagpipigil na sagot ko.

"Ay sosyal! Sumama lang ang pakiramdam pinaospital kaagad? Ang aarte naman!" Parinig niya at batid kong sadya 'yon.

Hindi lingid sa kaalaman ko ang tinatagong galit niya kay nanay.

Siya kasi dapat ang ipapakasal kay tatay, kaso nabuntis si nanay kaya silang dalawa ni tatay ang nagpakasal. Kwento pa ni nanay, sobrang nagalit daw si Aling Marisa noon. Isinumpa niya pa sina nanay at pati ang ipinagbubuntis nito, na walang iba kundi ako.

Lihim akong natawa.

Hindi naman gumana. Kawawa siya dahil ipinanganak akong maganda at walang anumang kapansanan.

Kaya mas lalong tumindi ang galit niya sa amin. Siguro ay hindi niya pa rin matanggap na hindi siya ang nakatuluyan ni tatay.

Hindi naman kasi kamahal- mahal ang babaeng 'to. Hindi na nga maganda, ang sama pa ng ugali. Matabil ang dila at akala mo'y kalaban niya ang lahat.

Wala rin siyang masyadong kaibigan dahil natatakot sa kaniya ang mga tauhan rito sa hacienda. Pasalamat lang siya at walang nagsusumbong sa mga Ledezma sa tuwing nagpapakita siya ng kagaspangan ng ugali rito.

Pero huwag niya akong sasagarin at baka ako na mismo ang magsumbong. Putol ang sungay nito sakin kapag nagkataon.

"Ano pang tinitingin- tingin mo diyan? Alam kong maganda ako pero huwag mo sa akin itutuon ang iyong atensyon! Hala! Magtrabaho kana!"

Umirap ako.

Maganda? Saang banda? Kaumay ka kayang tingnan, mukha kang paa na may konting tao.

"Buti nga sa nanay mo, mang- aagaw kasi." Narinig kong bulong niya bago ako tuluyang talikuran.

Huminga ako ng malalim.

Kalma lang, Mirasol.

Huwag mong papatulan ang langaw na 'yan.

Sobrang pagtitimpi ang ginawa ko para lang pigilan ang sarili na sabunutan siya. Naaawa lang talaga akong sirain ang pagmumukha niya dahil sira na rin naman.

At anong sabi niya? Si nanay, mang- aagaw?

Sino ang inagaw ni nanay sa kaniya? Eh kusa namang pinakasalan ni tatay si nanay?

Natawa ako ng mapakla.

Para siyang ampalaya. May mukhang kulubot at may ugaling mapait. Gulay na kailanman, ay hinding- hindi ko magugustuhan.

Sa halip na sayangin ang oras ko sa taong hindi minahal, hindi pinili at hindi pinakasalan ay nagtungo na lang ako sa kusina para tumulong sa paghahatid ng mga pagkain.

Dito kami naatasang maghain sa loob ng mansyon kung kaya't kabado ako dahil maya- maya lang ay lalabas na ang pamilya Ledezma.

"Magandang gabi sa ating lahat! Lalong- lalo na sa ating mga mahal na panauhin na hindi pinalampas na daluhan ang espesyal okasyon sa gabing ito. Maraming salamat sa pagpapaunlak ninyo sa paanyaya ng pinagpipitagang pamilya Ledezma."

Umalingawngaw ang masigabong palakpakan matapos magsalita ng tagapagsalita.

Siya ay nakapwesto ngayon sa gitnang bahagi ng mansyon at nasa sentro upang makita at marinig ng lahat.

"At para opisyal na simulan ang engradeng piging ngayong gabi, narito at salubungin natin ng masigabong palakpakan, ang pamilya Ledezma!"

Hindi na ako nakisabay sa palakpakan dahil hawak- hawak ko ngayon ang lagayan ng adobo. Hindi ko na nailagay sa mesa dahil natulala ako sa miyembro ng pamilya na sunod- sunod na bumaba sa engrandeng hagdan ng kanilang mansyon.

Unang bumaba ang mag- asawang Ledezma. Ang kanilang kasuotan at tindig ay nagsusumigaw ng kapangyarihan at kayamanan na kanilang taglay.

Bahagyang ngumiti ang lalaki ngunit nanatili namang sopistikada at seryoso ang mukha ng babae. Mapino ang kanilang mga galaw at hindi kailanman nasisira ang postura ng kanilang sarili sa kanilang pagbaba.

Sunod kong nakita na bumaba ang kanilang bunsong anak na kaedaran ni Maliya. Si Patricia.

Mayumi ang bawat lakad at galaw ni Patricia at magara ang kaniyang suot. Ang kahit na sinumang binata na nakatingin ay tiyak na agad niyang mapapaibig sa taglay niyang ganda. Makinis at maputi ang kaniyang balat, mestiza ang kaniyang mukha na siyang namana niya sa kaniyang ina.

Maliit ang mga ngiting ipinupukol niya sa mga tao. Hindi ko alam kung dahil sa hiya, o dahil pilit lang ang mga ito.

Ang sumunod na bumaba sa hagdan ay ang taong kailanman ay hindi ko inaasahang makita na pumanaog doon.

Kumunot ang noo ko at awtomatikong tumaas ang aking kilay habang tinatanaw siya na bumaba sa hagdan ng mansyon.

Anong ginagawa niya riyan?!

Tumama ang aming paningin sa isa't- isa at bahagya rin siyang nagulat nang makita ako.

Ngunit agad ding ngumiti dahilan para sumilay ang dalawang biloy niya sa kaniyang pisngi.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko sa hindi ko malamang dahilan. Nanatiling nakatutok sa akin ang kaniyang paningin habang bumababa siya ng hagdan.

Aaminin ko, malakas ang dating niya sa suot niya ngayong gabi. Malinis siyang tignan dahil maayos na nasuklay ang kaniyang buhok.

Nakarinig pa ako ng pagsinghap ng ilang kababaihan at tiyak kong dahil 'yon sa kaniya.

Hindi ko alam kung anong koneksyon ang meron kami at hindi ko maalis- alis sa kaniya ang aking paningin.

Nag- iwas siya ng tingin nang tuluyan na siyang makababa sa hagdan. Lumapit siya at tumabi kay Senyor Dominador na nalagpasan na niya sa tangkad ng ilang pulgada.

Nanatili pa rin akong nagtataka kung bakit niya kasama ang mga ito. Mayroon na akong sagot na naiisip pero pilit ko itong tinatakwil sa aking isipan.

Hanggang sa ang senyor na mismo ang nagkumpirma nito.

"Magandang gabi. Nais kong batiin at pasalamatan ang lahat sapagkat sa muling pagkakataon ay hindi ninyo kami binigo. Narito kayong lahat at pinaunlakan ang paanyaya ng aming pamilya. Nawa'y maging masaya kayo ngayong gabi." Panimulang bati ni Senyor Dominador.

"Ngunit bago ko pa man tapusin itong aking mensahe ay nais kong ipaalam sa inyong lahat na isa sa mga bagay na ating ipinagdiriwang ngayong gabi ay ang pagbabalik ng aking anak. Nagagalak akong ipakilala sa inyo, ang aking unico hijo, walang iba kundi si Jandrino Ledezma." Wika ng senyor at tinapik ang balikat ng binata na nasa tabi niya.

Para akong nabingi matapos marinig ang pangalan ng panganay ng mga Ledezma.

Nilingon niya ako at muling nagtama ang aming paningin. Dahan- dahang sumilay ang ngisi . . . sa kaniyang mga labi.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon